Chapter 14 *Mag-isa*

1.4K 74 0
                                    

PAANO HUMANTONG sa ganito?

Iyon ang tanong na pilit binibigyan ni Emerald ng kasagutan. Bakit namatay si Jo?

Ang tanging sagot na nakikita niya ay ang kanyang sarili. Kung hindi siya nagpunta sa First Region hindi sana siya susundan ni Jo. Buhay pa sana ito.

Sina Ram at Pinunong Seed ang naglibing kay Jo. Inilibing nila ito sa hangganan ng First at Second Region. Sa pagkakaalam ng Pinuno dito rin nakalibing ang mga kasamahang regulator ni Jo. Pero hindi siya masyadong sigurado roon.

"Tayo na, bumalik na tayo sa Fourth Region!" utos ni Pinunong Seed.

Ngunit tila walang narinig si Emerald. Nanatili siyang nakatayo.

"Emerald..." Alam ng Pinuno ang nararamdaman niya.

Ilang saglit pa, lumapit si Emerald sa lugar kung saan inilibing si Jo. Gamit ang dalawang kamay hinawakan niya ang mga lupa na naroon. Hindi siya makapaniwala na nasa ilalim nito ang katawan ng taong tumulong sa kanya. Aminado siya na hindi ito ang unang beses na nakasaksi siya ng kamatayan ngunit ito ang pinakamasakit. Pakiramdam niya naputulan siya ng kamay. Paano niya pa ngayon maabot ang kanyang mga mithiin?

Nilapitan siya ni Ram. "Hindi ko alam kung bakit mo kinuha si Beam... pero patatawarin na kita dahil alam ko na natutunan mo na ang iyong leksyon," anito. Di pa rin nito nakakalimutan ang tungkol sa kanyang kabayo.

"Emerald!" tawag ng pinuno. "Halika na. I-aangkas na kita sa kabayo ko." Sumunod naman agad si Emerald.

NANG MAKITA ni Emerald ang daan pabalik sa Fourth Region, naalala niya muli si Jo. Ang katotohanan na wala na ito ay talaga namang dumudurog sa kanyang puso. Sino na ngayon ang makakasama niya? Magagawa pa ba niyang makalabas ng Venus? Gugustuhin niya pa bang mapalipat sa First Squad gayung naroon ang Superior na pumatay kay Jo?

Napakadaming tanong na gumugulo sa kanya. Mga tanong na hindi niya sana maiisip kung hindi siya nagpunta sa First Region. Hindi na sana niya pinaunlakan si Nikela. Ni hindi nga ito dumating para iligtas siya. Ngayon alam na niya kung bakit siya pinapaiwas dito ni Jo.

Kasalanan ko ito. Kasalanan ko. Muli na namang napaiyak si Emerald.

Napansin agad iyon ni Pinunong Seed. Gusto sana nitong sabihin na puwedeng umiyak ang dalaga sa likod niya ngunit di nito itinuloy. Batid kasi nito na masyadong maliit ang kanyang likod upang sandalan.

PAGDATING sa Fourth Region, nabigla ang lahat sa balitang patay na si Jo. Malakas ito kaya napaka imposible na basta na lamang ito mapaslang. Subalit naglaho ang pagkagulat nang malaman nila kung sino ang nakaharap nito.

"Kaya naman pala."

"Hindi na nakakabigla."

"Isang karangalan na si S-00 ang tumapos sa kanya."

"Anong sinabi n'yo!" Napasigaw si Emerald. Hindi niya kasi inasahan na ganoong mga salita ang maririnig niya.

Di naman siya pinansin ng mga kasamahan. Umalis na lamang ang mga ito at ginawa ang kani-kanilang mga gawain.

"Ang sama! Ang sasama n'yo! Anong klase kayong mga kasamahan!"

"Emerald!" Si Ram. "Hindi mo sila masisisi kung ganoon ang maging reaksyon nila dahil nasa Venus tayo. Natural dito ang namamatay."

Napailing si Emerald. Ibig bang sabihin balewala ang kamatayan ni Jo?

"Ang mabuti pa gayahin mo na lang sila. Wag ka magpaapekto sa pagkawala ni Jo," sabi ni Ram bago ito umalis.

"Bukas ng umaga, bago ka magtrabaho dumaan ka muna sa pagawaan ng mga sandata." Iyon naman ang sinabi ni Pinunong Seed.

Bago magtrabaho?

Prisoners in VenusWhere stories live. Discover now