Chapter 34 *Si Emerald sa First Region*

1.4K 64 5
                                    


Ang laki ng ngiti ni Dustin matapos niyang malaman na may napili nang Rose si Double Zero. Si Echezen mismo ang nagsabi ng tungkol dito.

“Darating na siya mamaya, kaya kailangan na nating maghanda,” dagdag pa ni Echezen.

Agad na humarap si Dustin kay Double Zero. “Sino siya? Anong hitsura niya? Paano mo siya nakilala? Hindi na ako makapaghintay na makita siya nang personal!” sunod-sunod na wika ni Dustin. Batid sa tinig at itsura nito ang labis na pananabik.
Pero walang naging tugon si Double Zero.
Sa halip na pilitin pa ito ay nagpasya na lamang si Dustin na hintayin ang pagdating ng magiging Rose nito.

NANLAKI ANG mga mata ni Dustin nang makita niya si Emerald.

“E-Emerald?” sambit ni Dustin sa pangalan nito. Nawala ang pananabik sa kanyang mukha.

“B-Bakit si Emerald?” narinig niyang bulong ni Mia.

“Sandali...” Tumingin si Dustin kay Double Zero. “Ikaw ba talaga si Double Zero?” Nagsimulang magduda si Dustin.

Tumayo si Double Zero at lumapit kay Emerald. Ang laki ng ngiti nito.
Sa puntong iyon ay nalaman na ni Dustin kung sino talaga ito.

“Tama ako... si Zero One ka... pero bakit mo suot ang damit ni Double Zero?---- Hoy, Echezen!” Tumuon si Dustin kay Echezen. “Alam mo ba ang tungkol dito?”

Tumango si Echezen.

“Alam mo pala? Kung gayon bakit pumayag ka? Hindi ba’t tayo lamang nina Double Zero ang may karapatang magkaroon ng Rose?” bahagyang nanginginig ang boses na sabi ni Dustin.

“Hindi ko iyon nakakalimutan,” mahinahong sabi ni Echezen. “Pero tulad nang nakikita mo... ginamit niya ang pangalan at katawan ni Double Zero, kaya hindi ko siya puwedeng pigilan,” dagdag ni Echezen.
Hindi na nakapagsalita si Dustin. Napatingin na lamang siya kina Emerald at Zero One.

SANDALING NAGULUHAN si Emerald.
Ang akala niya kasi ay si Double Zero ang kanyang nakita... pero si Zero One pala ito—si Nikela. Nakabihis lamang ito ng tulad nang kay Double Zero.

Kung gayon, nagpanggap si Nikela na Double Zero para  magawa niya akong Rose...” naisip ni Emerald. Habang nakatingin siya kay Nikela.
Hinawakan nito ang kanyang kamay. Kasunod noon ang pagharap nito sa mga kasama.

“Simulan na natin ang seremonya,” sabi ni Nikela.  “Gusto kong ipakilala sa inyo ang aking Rose. Si Emerald,” dagdag nito.

Napalunok si Emerald. Nakakataba ng puso na maipakilala ng lalaking mahal mo pero aminado siya na may kaunting kaba na biglang bumalot sa kanya, lalo pa nang makita niya ang mga tingin ni Dustin at ni Mia.

Mia... Hindi mabasa ni Emerald ang dati niyang ka-region. Nakatingin lang kasi ito sa kanya na taglay ang mukha na walang emosyon.

Muling humarap sa kanya ni Nikela. Kasunod noon ang pagluhod nito at paghalik sa kanyang kanang kamay. Bigla iyong nagliwanag.
“Mula ngayon ikaw na ang Rose ko...” sabi ni Nikela.

Nagkaroon ng  marka ang kamay ni Emerald. Naalala niya rito ang markang nasa noo ni Mia.

“Nikela ang ibig sabihin ng markang yan,” linaw ni Nikela. Doon naisip ni Emerald na siguradong ang nasa noo ni Mia ay nangangahulugang ‘Dustin.’

Tumayo na si Nikela at iniharap si Emerald kay Echezen. “Ikaw naman ngayon... bibigyan mo na siya ng kapangyarihan, tama ba?” tanong nito.

Tumingin si Echezen kay Emerald. “Pasensiya na,” sabi nito bago ito tumayo.

Napakunot ng noo si Nikela. “Bakit ka humihingi ng pasensiya?”pagtataka nito.

Sumagot si Echezen. “Dahil hindi ko pa puwedeng bigyan ng kapangyarihan ang Rose mo.”

Prisoners in VenusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon