Chapter 18 *Ang Napili*

1.2K 59 0
                                    


KITANG-KITA ni Dustin mula sa sanga ng puno na kinatatayuan niya ang mga hayop na nagkakagulo.

Kung kanina ay sabay-sabay ang mga ito sa pagtakbo, ngayon ay nagkaka-iringan sila.

Isang malaking leon ang sumugod sa kapwa nito leon.

Ano bang problema ng mga ito?
Napakapit sa ulo niya si Dustin.
Madalas na siyang makakita ng mga prisoner na nagdu-dwelo pero ngayon lang ng mga hayop. Pero nasaan na ba ang babaeng yon?

Nagpalinga-linga siya subalit ni anino ni Mia ay di niya makita.

Abala kasi ang mga hayop na'to.
Naisip niya iyon kaya lumukso siya pababa upang tapusin ang mga ito.

Agad na napahinto sa pagtatalo ang mga hayop at napatingin sa kanya.

Itinutok ni Dustin ang kanyang palad sa direksyon ng mga hayop. "Mawala na kayo!" Kasabay ng pagsasabi niya noon ang pagliwanag ng kanyang kamay.

"Wag! Wag mo silang papatayin."

Biglang naglaho ang liwanag sa kamay ni Dustin. Napalingon din siya sa nagsalita.

Si Mia.

Nakita niya ito sa itaas ng puno. Nakakapit ito ng mabuti sa mga sanga. "Nandiyan ka lang pala."

"Hindi mo sila pwedeng patayin dahil kapag ginawa mo yon mawawalan na kami ng pagkukunan ng mga materyales." Kasabay ng mga salitang iyon ni Mia ang pagbalik ng isang tinig sa ala-ala ni Dustin.

"Hindi mo sila pwedeng patayin dahil kapag ginawa mo yon mawawalan tayo ng pagkukunan ng pagkain."

Bago pa makatugon si Dustin, bigla na siyang sinugod ng mga hayop. Mabilis naman niya iyong nailagan, subalit sunod-sunod ang pagsalakay sa kanya. Umiwas lang siya.

"Ano pa bang ginagawa mo diyan? Ang mabuti pa bumaba ka na para makaalis na tayo!"sabi ni Dustin habang patuloy sa pag-iwas sa mga hayop.

"May kukunin lang ako. Kapag nakuha ko na yon, wala na tayong problema."

"Ano?" Napatingin si Dustin sa dalaga. Dahil doon di niya nailagan ang isang lobo na dumamba sa kanya. Napilitan siyang suntukin iyon. Tumilapon ang lobo.

"Wag mo silang saktan!" biglang sigaw ni Mia.

At mas mahalaga pa dito ang mga hayop kaysa sa kanya?

"Sandali na lang, makukuha ko na to..." sabi ni Mia bago inabot ang isang kulay pulang dahon na nasa puno.

Ano bang dahon yon? tanong ni Dustin. Muli niyang iniwasan ang mga sumusugod na hayop. "Kung ano man yang ginagawa mo... puwede bang bilisan mo na. Hindi ko ugali na umiwas lang sa laban."

"Nakuha ko na!" Nakuha na ni Mia ang dahon. Inilagay niya iyon sa labi niya at pagkatapos ay nagpakawala siya ng tunog.

Anong ginagawa niya?
Nagtataka si Dustin subalit kasabay ng tunog na iyon ay ang isa-isang pagbagsak ng mga hayop.

Hypnotism? Naisip ni Dustin.

"Nagawa ko," sabi ni Mia pagkatapos niyang mapatulog ang lahat ng mga hayop.

"Ang husay mo... isa ka palang animal controller?" tanong ni Dustin.

Umiling si Mia. "Nagkataon lang na may nakita akong espesyal na dahon kaya ko ito nagawa. Natutunan ko ito sa lolo ko."

Napangiti si Dustin. Sa pangalawang pagkakataon ay ipinaalala na naman sa kanya ng babae ang kanyang ina. May kakayahan din kasi itong manghipnotismo ng hayop.

"Kapag nagising na ang mga hayop, hindi na sila magwawala. Ibig sabihin babalik na sa dati ang gubat na ito."

Hindi na naintindihan ni Dustin ang sinabing iyon ni Mia. Bigla kasi siyang napatitig sa dalaga.

Prisoners in VenusDonde viven las historias. Descúbrelo ahora