Chapter 10 *Panlilinlang*

1.4K 67 0
                                    


Nagising mula sa masamang panaginip si Neon Megan. Agad siyang bumangon upang uminom ng tubig.

Parehong panaginip na naman. Naisip niya. Mula nang makulong si Emerald ganito na palagi ang panaginip niya. Nakakulong daw siya sa isang silid na biglang binalot ng apoy.

Hindi na talaga siya mapalagay.

Ito ba ang kabayaran sa pakipkipagsabwatan niya kay Gerad?

Hindi naman dapat siya papayag sa plano nito. Nasilaw lang talaga siya sa salapi.

Nangyari iyon nang hanapin niya ang nag-iisang bilanggo na nakalabas sa Venus. Patay na ang bilanggong iyon ngunit pinalad si Neon na makilala ang apo nito na si Mia Anghela. Subalit hindi magbibigay ng impormasyon si Mia kung walang bayad. Bilin daw iyon sa kanya ng yumao niyang lolo.

Doon naisip ni Neon na lapitan si Gerad para manghiram ng salapi.

Pinahiram naman agad siya ng lalaki. Sa katunayan sumama pa ito sa kanya sa pakikipag-usap kay Mia Anghela.

"Hindi ako makapaniwala. Ganoon pala kalala sa loob ng Venus?" sabi ni Neon matapos sabihin sa kanila ni Mia ang tungkol sa bagong sistema ng bilangguan. Binanggit ni Mia ang tungkol sa pitong Squad, sa Superior, sa mga Hashke at ganoon na rin sa batas na ang mga mahihina ay namamatay.

"Kaya pala wala nang nakakalabas doon, dahil sa sitwasyon nila," dagdag ni Neon.

Biglang napangisi si Gerad.

"Bakit, Gerad?"

Tumugon lamang si Gerad sa tanong na iyon nang makaalis na sila sa bahay ni Mia.

"Ang balita ko marami kang nawalang pera dahil sa pananaliksik mo sa Venus, tama ba?" tanong ni Gerad.

"Oo, pero 'wag kang mag-alala, makakapagbayad naman ako sayo," mabilis na sagot ni Neon.

"Di na kailangan. Hindi na kita sisingilin sa utang mo. Bibigyan pa kita kung gagawin mo ang i-uutos ko."

Napangiti si Neon. Syempre gusto niya ang sinabi ng lalaki kaya naman itinanong niya agad kung ano ang gusto nitong ipagawa.

"Tulungan mo akong idispatsa si Emerald Euxine."

"Ano?" Nabigla si Neon sa narinig.

"Magpapanggap tayo na nasa panganib ako at ang tanging solusyon lang para maligtas ay ang magkunwaring patay. Sasabihin natin kay Emerald na kailangan niyang magkunwari na pinatay niya ako. Makukulong siya sa Venus pero sandali lang naman. Sabihin mo na lang na kunwari nalaman mo na hindi naman totoong lion's den ang Venus-na maayos ang buhay d'on, para hindi siya matakot. Tapos papangakuan ko siya na pagkalabas niya matutuloy ang kasal namin, pero syempre hindi iyon totoo. Baliw na baliw sa akin ang babaeng 'yon kaya sigurado ako na aayon siya sa naiisip natin."

"Nasisiraan ka na ba?" biglang napabulalas si Neon. "Paano mo naisip gawin ang bagay na yan?"

"50 libong ginto," sabi ni Gerad.

"Gerad!" Walang pakialam si Neon.

"Isang Daang libo!"

Muling natigilan si Neon. Hindi niya mawari kung bakit handa ang kaibigan maglabas ng malaking halaga kapalit ng pagpapadala nila kay Emerald sa Venus.

"Bakit mo ito gagawin kay Emerald? Kung ayaw mo na sa kanya, sabihin mo na lang... makipaghiwalay ka na lang ng maayos. Hindi 'yung hahayaan mo pa siyang makulong sa Venus. Narinig mo naman si Mia, hindi ba? Mapanganib sa Venus. Pugad iyon ng mga halimaw!"

Prisoners in VenusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon