Chapter 50 *Ang Kasaysayan ng Venus* [Part 2]

1.3K 53 4
                                    


Maraming taon na ang nakalilipas nang biglang umusbong ang pangalan ng Venus. Bigla itong nakilala sa mga karatig kaharian bilang pinakamaunlad na bayan sa buong Liro.
Naging mas kilala pa ito kaysa sa Emerald City.

At hindi iyon nagustuhan ng mga naninirahan sa Emerald City.

"Emerald City dapat ang mas kilala dahil ito ang kapitolyo," sabi ng iba.

"Kung Alphonse pa rin sana ang namumuno hindi nila hahayaan na matalo ang Emerald City," sabi naman ng ilan.

Ang mga usaping iyon ang nagpabahala kay King Rue I. Kauupo pa lamang ng pamilya nila sa trono, mawawala na ba agad? Hindi iyon maaari.

Agad nagpunta ang hari sa Venus upang kausapin ang pinuno nito.
Nalaman niya na wala itong kinalaman sa pagsikat ng bayan.
Ang tunay pa lang dahilan kaya pinag-uusapan ang Venus ay dahil sa isang angkan na matagal nang nananahan dito.

Ang mga Nylan.
Kilalang angkan ng mga salamangkero.

Ang kanilang salamangka ay hindi naituturo bagkus ito ay namamana.
Ibig sabihin lahat ng may dugong Nylan ay may kakayahang gumamit ng kapangyarihan.

Nang mga panahong iyon, si Ro Nylan ang tumatayong pinuno ng angkan.
Isa siya sa mga purong Nylan na kinikilala ng lahat.

Marami pang purong Nylan, pero meron na ring mga Nylan na nahaluan na ng ibang lahi.
Hindi naman iyon masama hangga't hindi maharlika ang dugong mapapahalo sa kanila. May paniniwala kasi sila na naghahatid ng kamatayan ang pagsasanib ng isang Nylan at ng isang maharlika.
Kaya nga mahigpit na ipinagbabawal sa kanila ang pakikipagrelasyon sa isang dugong bughaw.

Upang masunod ang batas na iyon hindi sila nakikipagkita sa mga maharlika.

Kabilang na roon ang hari.

Iyon ang dahilan kaya naisip ni King Rue I na may masama silang binabalak kaya nga inutos niya agad sa pinuno ng Venus na papuntahin sa palasyo ang namumuno sa mga Nylan.

Pero  hindi ito nagpunta. 
Nagpadala lamang ito ng sulat.

Para sa Kamahalan,

Isa sa batas ng aming angkan ay ang umiwas sa mga maharlika kaya naman malungkot kong ipinababatid na hindi ako maaaring makipagkita sa kanyang kamahalan.
Gayunman nais kong ipaalam na ang aming angkan ay sumusuporta sa palasyo. Hindi kami kailanman  gagawa ng ikasisira ng kaharian. Hindi kami gagawa ng rebelyon. Ang tanging hangad lang ng aming angkan ay ang tahimik na buhay dito sa Venus.
Makikipag-usap kami sa Pinuno ng aming bayan.

Lubos na gumagalang at humihingi ng pang-unawa,

Ro Nylan.

Sa galit ng hari ay napilas niya ang sulat.
Mukhang hindi niya malalapitan ang mga Nylan, pero hindi siya susuko.
Gagawa siya ng paraan upang mahawakan sa kanyang mga palad ang angkang iyon.

Naisip niyang utusan ang pinuno ng Venus na magpakasal sa isang Nylan.

Sinunod naman ito ng pinuno. Nagpakasal siya sa isang maganda at purong Nylan at nagkaroon sila ng anak na lalaki. Pinangalanan nila iyong Eljio.

Ang pagsilang ni Eljio ang naging hudyat sa delubyong mangyayari sa bayan ng Venus.

Pagkalipas ng labingwalong taon, sa tulong ng mga mensahero ay nakipag-ugnayan ang hari kay Eljio.

Sa simula ay hindi siya nito pinaunlakan.

Nagbago lamang iyon nang maakit si Eljio sa babaeng mensahero ng hari.
Doon na ito lihim na nakipagsabwatan sa hari.

Isang plano ang binuo ng hari.
Plano na siguradong magpapabagsak sa mga taga Venus upang sa ganoon ay Emerald City na ang muling tingalain.

Gamit ang kapangyariha ni Eljio, magpapakalat sila ng epidemiya sa buong bayan ng Venus.
Isa iyong epidemiya na  siguradong magpapapayag sa lahat na sunugin na lamang ang bayan.

Prisoners in VenusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon