Chapter 63 *Mga Alaala* (Zero One VS Double Zero)

1.3K 61 6
                                    

May tatlong higanteng lobo na sabay sabay na sumugod kay Nikela, pero mabilis niya iyong napabagsak gamit ang kanyang mga kamao.

Pero hindi pa tapos.

Marami pa ang mga hayop na nakaambang na sumalakay.
Nasa disyerto kasi ng Seventh Region si Nikela.
At dito, nagkalat talaga ang mga higanteng hayop.

Pero ito talaga ang gusto ni Nikela.
Ang harapin sila.
Bahagi iyon ng naisip niyang pagsasanay.

Gusto sanang makatulong ni Emerald sa kaniya,  pero hindi na pumayag si Nikela.
Kaya nga tumayo na lamang si Emerald at nanood sa isang tabi.

May grupo uli ng mga hayop na sumalakay kay Nikela nang sabay sabay.

"Nikela!" sambit ni Emerald.

Aminado siya na nag-alala, pero wala naman dapat ikabahala dahil mabilis na napapabagsak ng lalaki ang mga hayop na sumasalakay.

Napangiti si Emerald.
Bakit ba ako nag-aalala. Makalakas ang mahal ko. Oo, tama. Malakas siya,  kaya siguradong mananalo siya, naisip ni Emerald.  Kasabay niyon ang biglang paglalaho ng kanyang ngiti. Hindi. Kahit malakas siya kailangan pa rin naming mag-ingat. Hindi pa rin kami puwedeng magpabaya dahil siguradong nagsasanay rin si Double Zero. May mga plano siya, pero alam ko na kakayanin iyon ni Nikela. Kami ang mananalo rito. Kami!

May bahagi kay Emerald na nangangamba sa posibleng kalabasan ng nalalapit na paghaharap ng dalawang Nikela, pero alam niya na mas nangingibabaw ang pag-asa niya na mananalo sila.
Oo. Mananalo sila at lalabas sila ng Venus.
Pagkatapos ay magpapaksal silang muli at mabubuhay ng maligaya.

***

Samantala.
Nakarating na sa mga Hashke ng Wall ang balita tungkol sa paghihiwalay nina Zero One at Double Zero.
Nasa itaas sila ng pader nang ipaalam ito ni Afrile.

Mga Superior, Rose at ilang Servant at Hashke lamang talaga ng palasyo ang dapat may alam sa nangyari, pero dahil sa kapangyarihang taglay nila ay nalaman nila ito.

"Ano, nagkahiwalay sila?" ulit ni Novi. Hindi niya inasahan ang balitang ipinaalam ni Afrile.

Lalo pa siyang nagulat nang sabihin ni Afrile na narinig niya na maglalaban ang dalawa.

"Puwede ba tayong manood ng laban? Parang nakakasabik iyon!" nangingiting sabi ni Seth.

"Hindi!" mabilis na sagot ni August.

"Ha? Bakit?" sabay na napasimangot sina Novi at Seth.

"Dahil may tungkulin tayo! At iyon ay ang bantayan ang pader na ito. Tandaan n'yo... Hindi na puwedeng maulit ang nangyari noong nakaraan. Wala na dapat makapasok dito!"

"Pero August, hindi ba malaking epekto sa atin kung mawawala si Superior Double Zero?" bigla tanong ni Juno.

Alam naman iyon ni August.
Alam niya na magiging mahirap kapag nawala ang kanilang Superior.
Pero may magagawa ba siya para pigilan iyon?
May magagawa ba sila?

"Hindi mawawala si Superior Double Zero!" Biglang sabi ni Mayori.
Napatingin sa kanya ang mga kasamahan.

"Sinasabi mo ba na si Zero One ang mawawala?" paniniyak ni Seth.

Nanlisik ang mga mata ni Mayori. "Mas mabuti kung ganoon," sabi nito gamit ang malagom niyang boses.

Napailing si Novi.
Oo, minsan na niyang naging karibal si Zero One, pero hindi ibig sabihin noon ay gugustuhin na niya itong mawala. Naging kaibigan niya rin naman ito kahit papaano.

"Sa kasong ito, ang magagawa lang natin ay ang maghintay habang ginagampanan ang ating mga tungkulin," sabi ni Afrile.

Sinang-ayunan naman iyon ni August at ng iba nilang mga kasama.

Prisoners in VenusWhere stories live. Discover now