Chapter 11 *Bagong Kaibigan*

1.6K 75 2
                                    


Kung maglalarawan si Emerald ng masasayang sandali sa buhay niya, iyon ay ang araw na kasama niya ang kanyang pamilya---Ang matamis na ngiti ng kanyang ama, ang masasarap na luto ng kanyang ina, at ang mga bulaklak na madalas ayusin ni Jade para sa kanya. Lahat ng iyon ay mahalaga.

Hindi niya rin nalilimutan ang mga panahon na magkasama sila ni Gerad. Wala na atang mas sasaya sa kanya sa tuwing magkasama sila sa burol habang pinagmamasdan ang magandang kalangitan. Sa lugar na iyon sila madalas magkita. Marami doong mga bulaklak na talaga namang gustong-gusto ni Emerald. May duyan din doon na ginawa ng lalaki para sa kanya. Sa lugar na iyon din siya inaya ng lalaki na magpakasal.

Napakarami niyang masasayang ala-ala sa burol na iyon---Ngunit batid niya na kailangan na niyang alisin ang bahaging iyon. Kung maglalarawan siya ng masayang bagay hindi na dapat niya banggitin o isipin pa ang tungkol kay Gerad.

"Emerald, sa likod mo!"

Natigilan si Emerald. Bigla kasing sumulpot ang malaking baboy-ramo sa likuran niya. Paano niya ngayon ito haharapin?

Nagpakawala si Jo ng palaso na tumama sa paanan ng malaking baboy-ramo dahilan para mawalan ito ng balanse. Ang pagkakataong iyon ang ginamit ni Emerald. Bago bumagsak ang baboy-ramo, tinapyas niya ang suwag nito gamit ang kanyang espada . Kinuha niya agad iyon at pagkatapos ay mabilis na siyang tumakbo papunta kay Jo.

"Muntik ka na 'ron. Ano bang iniisip mo?" puna ni Jo.

"P-Pasensiya na," hinihingal na sagot ni Emerald.

"Pero ayos lang. Mahusay pa rin ang ipinakita mo," sabi ni Jo bago ito ngumiti. Napanatag ng ngiting iyon si Emerald.

MALAPIT NANG magdilim kaya kailangan nang makabalik sa Den nina Emerald at Jo. Palabas na sila ng kakahuyan nang mapahinto si Jo. Meron siyang naramdaman. Ang totoo ilang araw na niya itong napapansin, na sa tuwing lumalabas sila para mangaso ay tila may nagmamasid sa kanila. Hindi lang talaga niya mawari kung sino. Hashke kaya? Ngunit bakit naman sila mamanmanan ng mga ito? Hindi naman sila lumalagpas sa teritoryo nila?

"Jo, may problema ba?" napansin ni Emerald ang pagkabalisa niya.

Hindi tumugon si Jo, pero naisip niya na mahalagang malaman din ito ni Emerald. "Di mo ba napapansin? May nagmamasid sa 'tin."

"Nagmamasid?" Agad iginala ni Emerald ang kanyang mga mata, pero wala siyang nakitang kakaiba. Tumingin siya kay Jo para tanungin kung tama talaga ang napapansin nito, pero di niya itinuloy. Sinabi iyon ni Jo, kaya siguradong tama iyon kaya nga muli niyang tiningnan ang paligid.

"Ah!" napasigaw si Emerald nang may makitang lalaki na biglang sumilip mula sa itaas ng puno. Namilog ang mga mata niya nang makilala kung sino iyon.

"Nikela..."

Biglang natigilan si Jo.

"Si Nikela lang pala, Jo!" nakangiting sabi ni Emerald.

Naningkit ang mga mata ni Jo. Ngayon alam na niya kung bakit kahit anong gawin niya hindi niya makita yung nagmamasid-dahil si Nikela iyon. Isa itong Hashke kaya natural na bihasa ito sa ganoong gawain. Sa palagay niya kaya lang ito nagpakita ay dahil nalaman na nito na hinahanap siya ni Emerald. Kung gayon, si Emerald pala ang pakay nito.

"Nikela, anong ginagawa---" Hindi natapos ni Emerald ang sasabihin, bigla kasi siyang hinatak ni Jo palayo.

"Jo... bakit?" tanong ni Emerald habang hatak-hatak siya nito.

Hindi tumugon si Jo. Nagsalita lamang ito nang makalabas na sila sa gubat.

"Nag-uusap ba kayo ni 01?" Tumingin ng diretso si Jo sa mga mata ni Emerald.

Prisoners in VenusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon