Chapter 69.1 *Ang Araw para sa mga Rose*(Part 2)

1.2K 51 3
                                    


Napapapatanong sa sarili si Emerald.
Wala na ba talaga si Nikela o ikinukubli lang ito ni Double Zero dahil ayaw nito rito?

Ano man ang sagot, hindi na siguro mahalaga.

Ang importante ay nakikita niya si Nikela.
Oo, nasa harapan niya ito ngayon, hindi ba?

Inabot ni Emerald ang mukha ng lalaki.
"Nikela," sambit niya sa pangalan nito.

Bigla nitong hinawakan ang kanyang braso.

"Sa palagay mo ba kaya ko talagang gayahin ang ugali ng Nikela mo? Huwag kang masyadong umasa."

"Ah..." Napaawang ng labi si Emerald.

"Bibigyan lang kita ng tatlong minuto! Tatlong minuto para sabihin kay Zero One ang lahat ng bagay na gusto mong sabihin sa kanya. Pagkatapos, tapos na!" sabi pa ni Double Zero.

Agad na hinatak ni Emerald ang kamay niya palayo sa lalaki. Tumungo rin siya.
Ano pa nga bang aasahan ko kay Double Zero? naisip niya.

"Ano pang hinihintay mo? Simulan mo na! Bago pa magbago ang isip ko!" giit ng lalaki.

Muling tumunghay si Emerald. Tumingin kay Double Zero. "Double Zero, talaga bang iniisip mo na magiging masaya ako kapag ginaya mo si Zero One?"

"Bakit, hindi ba?"

Hindi nakaimik si Emerald.
Ano nga ba kasi ang sasabihin niya sa taong ito na  tila iba ang takbo ng pag-iisip?

Siya, magiging masaya na makita si Double Zero na ginagaya si Zero One?

Kalokohan.
Kahit gayahin pa ni Double Zero ang pananamit ni Zero One, wala pa ring magbabago. Wala, dahil umaalingasaw pa rin ang ugali ni Double Zero.

Pero teka...
Muling tinitigan ni Emerald si Double Zero.

Hindi niya kayang gayahin si Zero One, pero ginawa niya pa rin.
Para saan?
Bakit?
Para ba sa akin?

Napatanong si Emerald.

Sinusubukan  ba ni Double Zero na ibalik si Zero One para lang mapasaya ako?

Kung gayon...

Huminga nang malalim si Emerald bago nagsalita.

"Mahal kita!" bulalas niya. "Alam mo na iyon, hindi ba Nikela?"

Hindi nagsalita si Double Zero.

Nagpatuloy si Emerald.
"Mahal ko ang lahat sayo. Ang lahat sa pagkatao mo. Pero naiinis ako. Nainis talaga ako at nalungkot dahil hindi na matutupad ang mga plano natin." Biglang nangilid ang mga luha ni Emerald. "Ang totoo natatakot ako. Lalabas na kasi ako ng Venus, at wala akong ideya sa puwedeng mangyari sa akin doon. Sana kasi kasama kita. Sana magkasama tayo."

Wala pa rin naging tugon si Double Zero.

"Nikela. Sumagot ka naman. Kausapin mo naman ako." samo niya.

Tumingin sa kanya ang lalaki.
Isa. Dalawa. Tatlong segundo. Pagkatapos ng bilang na iyon ay bigla siya nitong niyakap.

Nanlaki ang mga mata ni Emerald.
Hindi niya kasi ito inasahan.
Hindi niya naisip na magagawa ni Double Zero na yakapin siya.

Pero napakapamilayar ng mga yakap nito.
Walang pinagkaiba sa kung paano siya yakapin ng kanyang Nikela.
Hindi niya tuloy napigil ang sarili na dahan dahang itaas ang mga kamay at suklian ang yakap ng lalaki.

Oo, hindi siya ang kanyang Nikela. Alam niya iyon, subalit hindi maikakaila na pareho ang init ng kanilang pagyakap.
Marahil ay dahil iisa lang sila ng katawan.
Pakiramdam tuloy ni Emerald kasama na niya si Zero One.

Prisoners in VenusWhere stories live. Discover now