Chapter 31 *Ang Payo ni Mary*

1.3K 71 9
                                    


NAKITA ni Mary kung paano pinaalis ni Emerald si Nikela.
Para sa kanya, tama lamang ang desisyon nito. Kung patuloy kasing magkakaroon ng ugnayan si Emerald kay Zero One ay siguradong masasaktan lang ito. Hindi lang sa emosyanal na aspeto kundi pati na rin sa pisikal. Baka maulit pa ang nangyaring trahedya sa kanilang Region.

Ngunit kahit ganoon ang paniniwala ni Mary, hindi niya maiwasan na maawa kay Emerald. Sa katunayan, habang nakikita niya ito na umiiyak ay tila ba pati puso niya ay nasusugatan din.

"Emerald."

Gusto niya sana itong lapitan pero nagdalawang isip niya. Anong sasabihin niya rito---na tama ang naging desisyon nito? Baka mas lalo lamang itong umiyak kung ganoon ang ibubungad niya.

Ngunit dahil palakas nang palakas ang hikbi ni Emerald, hindi na rin niya napigil ang sarili. Lumapit siya rito.

"Emerald." Hinawakan niya ito sa balikat.

"Mary.... bakit ang sakit? Bakit ang sakit gawin ng isang tamang desisyon?" iyak ni Emerald.

Hindi agad nakapagsalita si Mary. Pero gusto niyang may sabihin. Gusto niyang may gawin para mapagaan ang damdamin ni Emerald.

"Sige lang... iiyak mo lang yan," sabi niya.

Iyon ang sinabi niya dahil iyon din ang mga salitang
minsan ay nakapagpagaan ng kanyang kalooban.

Mula pagkabata wala nang ibang ginusto si Mary kundi ang makalabas ng Venus. Gusto kasi niyang malaman kung ano ang mayroon sa likod ng tarangkahan. Marami siyang naririnig mula sa ibang mga bilanggo, pero ayaw niyang pagbasehan ang mga salita nila. Gusto niya na siya mismo ang makakita.
Kaya nga buong tapang niyang ipinagsigawan sa lahat ang pangarap niya... na isang araw ay makakalabas siya.

"Itigil mo nga ang pagsasabi ng mga walang kwentang bagay. Kahit anong gawin mo hindi ka makakalabas. Dito na tayo mamamatay!" sabi ng isang bilanggo.Sinabi rin nito ang tungkol sa mga batas ng Venus na noon ay di pa alam ni Mary, kabilang na ang pagbabawal na lumampas sa mga teritoryo.

Isa iyong nakakagulat na katotohanan para sa kanya.
Hindi pala sila maaaring makalabas. Ni hindi sila puwedeng umalis sa kanilang region.

Ibig bang sabihin, wala nang pag-asa na matupad niya ang kanyang pangarap?

Naiyak lamang siya nang mapagtanto ang kasagutan.

Gumaan lamang ang loob niya matapos sabihin ng kanyang ama na iiyak niya lamang iyon... dahil sa totoo lang iyon lang naman talaga ang maaari nilang gawin---ang umiyak.
Mga bilanggo sila kaya mayroon silang limitasyon. At ito iyon. Wala silang karapatang mangarap ng mga bagay na imposible katulad ng pag-alis sa Venus.

Alam ni Mary na dapat siyang makinig sa kanyang ama, subalit di niya ginawa.

Bawal umalis? Kalokohan. Iyon ang sabi niya noon. Talagang iginiit niya pa rin ang kanyang pangarap. Ginawa niya iyon dahil gusto niyang maniwala na maaari niyang lampasan ang sinasabi ng kanyang ama na limitasyon.

Pero pinagsisihan niya lamang ang ginawa niya. Dahil kasi sa paghahangad niya na malampasan ang limitasyon, binalak niyang umalis sa kanilang teritoryo. Naging dahilan iyon ng kamatayan di lamang ng kanyang mga magulang, kundi pati na ng iba pang bilanggo sa Seventh Region.

Magmula noon, hindi na hinangad pa ni Mary na makalabas ng Venus. Sa halip ay pinangarap na lamang niya ang bagay na sa palagay niya ay maaari niyang maabot. Iyon ay ang maging mahusay na sundo o kaya'y pinuno ng Seventh Region.

"Emerald... tumahan ka na."
Kanina lamang ay sinasabi ni Mary na umiyak lang si Emerald, pero ngayon ay pinatatahan na niya ito.

Ginawa naman iyon ni Emerald. Itinigil niya ang pag-iyak at taas noong humarap kay Mary. "Ayos na ko... halika na, bumalik na tayo sa Den," sabi ni Emerald.

Umiling si Mary. "Hindi," sabi nito bago hinawakan sa magkabilang balikat si Emerald. "Hindi ka babalik sa Den."

"Ano?" Napakunot ng noo si Emerald.

"Emerald... sundan mo si Nikela. Sundan mo siya at sabihin mong gusto mo siyang makasama!"

Napaatras si Emerald. "Ano bang sinasabi mo? Nagdesisyon na ko na palayuin si Nikela... bakit ko pa siya hahabulin?"

"Dahil iyon ang tamang gawin!" giit ni Mary. "Kanina, habang naririnig ko ang pag-iyak mo... naalala ko ang nakaraan ko, kabilang na ang mga limitasyon na mula noon hanggang ngayon ay kinakaharap ko. Sa totoo lang, akala ko dahil pareho tayo na nasa Seventh Region ay iisa tayo ng mga hangganan. Ngayon ko lang naisip na hindi pala..."

"Ano bang ibig mong sabihin?" naguguluhang tanong ni Emerald.

Nagpatuloy si Mary. "Pinipigilan ka namin na mahalin si Nikela dahil alam namin na mapanganib siya... pero kung iisiping mabuti, sa palagay ko... ang ginagawa namin ang nagbibigay sayo ng limitasyon. Nililimitahan ka namin sa pagkakataon na maging masaya."

Hindi nakaimik si Emerald... pero base sa reaksyon niya, sigurado si Mary na nauunawaan na nito ang ibig niyang puntohin.

May idinagdag pa si Mary. "Oo, mga bilanggo tayo at marami tayong mga bagay na sinusunod, pero sa kabila noon malaya pa rin tayong mamili. Puwede nating piliin na maging masaya o maging malungkot. Kaya nga...Gusto kong makiusap na piliin mong maging masaya. Kahit ngayon lang... Ipaglaban mo ang kaligayahan mo."

Napatungo si Emerald at napatingin sa hawak na bulaklak. Pakikinggan niya ba si Mary?

"Emerald..." tawag ni Mary.

"Hindi... hindi ko na babaguhin ang desisyon ko," bulalas ni Emerald. Tumingin siya ng diretso kay Mary. "Pasensiya na, Mary pero... ito na ang pasya ko."

"Pero Emerald, bakit? bakit ayaw mong ipaglaban ang kaligayahan mo? Dahil ba minsan naming sinabi na layuan mo si Nikela o dahil sinabi namin na hindi totoo si Zero One? Natatakot ka ba na mawala siya? Takot ka bang magmahal?" sunod-sunod ang tanong ni Mary.

"Pakiusap, tama na!" Napataas ang boses si Emerald.Bigla rin siyang nanginig. "Pakiusap, Mary... tama na. Ayoko na. Ayoko nang pag-usapan pa ang tungkol dito. Gusto ko nang kalimutan si Nikela. Gusto ko nang kalimutan ang tungkol sa aming dalawa." May namumuo na namang mga luha sa mata ni Emerald, pero pinahid niya iyon gamit ang kanang daliri.

"Sa palagay ko, tama ang iniisip ko..." nagpatuloy pa rin sa pagsasalita si Mary sa kabila ng pakiusap ni Emerald. "Takot ka ngang mamatay, tama ba? Kung sa bagay... hindi naman kita masisisi... Maunti lang ang tao na handang mamatay para sa pag-ibig."

"At bakit ako matatakot?" napasigaw na si Emerald "Talaga bang iniisip mo na takot akong mamatay? Para sabihin ko sayo, minsan ko nang isinakripisyo ang sarili ko para sa---- " biglang natigilan si Emerald. Hindi niya mawari kung itutuloy niya pa ang pagsasalita. Nagpasya siya na huwag na lang. "Pasensiya na. Hindi ko sinasadyang magtaas ng boses," sabi niya. Iyon na lang ang sinabi niya kaysa magbanggit pa ng tungkol sa karanasan niya sa pag-ibig.

"Pasensiya ka na rin... kung anu-ano na ang sinabi ko. Pinuno nyo ko pero hindi ibig sabihin noon ay dapat ko nang pakialaman ang mga personal mong desisyon... Patawad sa ginawa ko," sabi ni Mary bago ito tumalikod. "Halika na... bumalik na tayo sa Den,"dagdag nito.

Ihahakbang na ni Mary ang kanyang mga paa nang bigla siyang hawakan ni Emerald sa braso.
"S-Sandali.." habol ni Emerald.

Napatingin si Mary kay Emerald.
Nakita niya na may luhang namumuo sa mga mata nito.

"Emerald?"

Sa pagkakataong iyon ay muli na namang naiyak si Emerald.

Mabuti naman at nakapag-isip ka na, naisip ni Mary. Sinadya niya talagang magsalita ng kung anu-ano para itulak si Emerald na sundan si Nikela. Mukhang nagtagumpay siya.

"Sige na...alis na! Sundan mo na siya," sabi ni Mary.

"Salamat... Mary," sagot ni Emerald bago ito tumakbo paalis. Bitbit niya pa rin sa kanyang kamay ang bulaklak na ibinigay sa kanya ni Nikela.

Katulad ng muntik na niyang sabihin kanina, minsan na siyang nagsakripisyo para sa pag-ibig, ngunit isa iyong maling pag-ibig. Syempre ayaw na niyang maulit ang kahangalang iyon, pero... si Nikela, maling pag-ibig ba ito? Para sa kanya ay hindi, dahil si Nikela ang nagtama sa mga pagkakamali na nangyari sa kanya, magmula nang piliin niya na pumasok sa Venus.

Prisoners in VenusWhere stories live. Discover now