Chapter 40 * Ang Pinuno ng Sixth Region*

1.2K 80 1
                                    

Matangkad siya. May mahabang buhok at malaking pilat sa mukha. Nakasuot siya ng itim na kameseta at asul na pantalon. Nasa leeg niya ang kanyang kulay puting bandana.
Siya si Fang. Ang pinuno ng Sixth Region. Sa unang tingin ay mapapansin mo agad ang malamig niyang mga mata.

Kasama niyang pumasok sa silid ang dalawang malaking lobo.

Halos lumubog sa lupa ang mga babae nang bigla silang amuyin ng mga lobo. Takot na takot sila. Nangangamba na baka lapain ng mga ito.

Pinasadahan ng tingin ng Pinunong si Fang ang paligid. Kasunod noon ang kanyang pagngisi.

"Magaling. Maraming bagong babae," sabi nito na tila nananabik.

Palabas na siya nang mamataan si Emerald.
Agad niya itong tinitigan.

Bahagyang gumalaw si Ria upang matakpan si Emerald, subalit balewala. Lumapit ang pinuno kasama ang dalawang alagang lobo.

Sinipa palayo ng pinuno si Ria.

"Ria!" tawag ni Emerald nang makita ang pagtumba ng bagong kaibigan.

Hinawakan ng pinuno ang kamay ni Emerald.

"Ahh..." Natigilan si Emerald. Bakit ganito makatingin ang lalaking ito? tanong ng dalaga sa isip. Matiim kasi ang tingin nito sa kanya.

"Paano naman napunta rito ang isang tulad mo na taga First Region?" tanong ng pinuno.

Hindi makaimik si Emerald.

"Ipinatapon ka rin ba nila?" isa pang tanong ng Pinuno.

Napakunot ng noo si Emerald. "Ipinatapon?" ulit niya.

Biglang tumawa nang malakas ang pinuno. "Hindi pala ako nag-iisa!" sabi nito sa pagitan ng pagtawa.
Mayamaya pa ay naging seryoso muli ang mukha nito.
Hinawakan nito si Emerald sa mukha.

"Bitiwan mo siya!" sigaw ni Ria.

Tila walang narinig ang pinuno. Diniin pa nito ang paghawak kay Emerald. Kasabay noon ang alaala ng pagiging taga First Region niya.

Tama. Dati siyang tagaroon.
Katunayan ay malaki ang naging hirap niya bago mapunta sa nasabing teritoryo. Orihinal siyang taga Second Region. Nagsanay siya nang mabuti para maging malakas at mapalipat siya sa First Region. Nang maging Servant siya, sumali siya sa Selection at nagtagumpay na maging Hashke. Isa iyon sa pinakamasayang parte ng kanyang buhay.
Wala nang hihigit pa sa kasaganahan at karangalan na natamo niya matapos maging ganap na Hashke. Bukod doon ay nagkaroon din siya ng kapangyarihan na komontrol ng mga hayop. Naging tagapagbantay din siya ng Sixth Region.

Sa kasamaang palad, natalo siya ng isang Servant sa isa sa mga Selection dahilan para mapatalsik siya sa pagiging Hashke. Si Double Zero mismo ang nagpaalis sa kanya.
Nakiusap siya na bigyan siya ng isa pang pagkakataon subalit ang patakaran ay patakaran. Ang mga natalo ng Servant ay tatanggalan ng kapangyarihan at paaalisin sa First Region. (Ang mga matatalo ng kapwa Hashke ay bababa lamang ang ranggo.) Napatalsik si Fang, ngunit bilang pagtanaw sa kanyang mga nagawa, hindi siya tinanggalan ni Echezen nang buong kapangyarihan. Hindi na siya ganoon kalakas pero nagagawa niya pa rin kumontrol ng mga hayop. Kaya niya rin ito ituro sa iba.

Dahil sa kakayahang ito, at dahil na rin sa husay niya sa pakikipaglaban, natalo at napalitan niya ang pinuno ng Sixth Region.

Gusto niya sanang maging masaya sa kung ano nang meron siya, subalit di niya magawa. Gabi gabi ay binibisita siya sa panaginip ng alaala ng kanyang pagkatalo sa Selection.
Tipo iyon ng alaala na talaga namang nagpapagalit sa kanya.

"Sumama ka sa akin!" Hinila ni Fang si Emerald.

"Bitiwan mo ko!" sigaw ni Emerald.

"Saan mo siya dadalhin? Ibalik mo si Emerald! Emerald!" tawag ni Ria.

Prisoners in VenusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon