Chapter 7 *Ang Tagapagligtas ni Emerald*

1.7K 79 3
                                    

NAGTATAKA si Emerald. Habang nag-aagahan kasi hanggang sa pagliligpit ng mga pinagkainan at paglilinis ay nakangiti ang halos lahat ng mga kasamahan niya.

"Bakit parang ang saya ng lahat?" tanong niya habang hawak ang walis.

Ang pinuno ang sumagot noon. "Dahil ngayong araw malaya tayong pumunta sa kahit saang region."

"Ha?" Hindi pa rin 'yon nakuha ni Emerald.

Mabuti na lang dumating si Jo.

"Ang ibig sabihin noon, wala tayong trabaho ngayon at pupunta tayo sa ibang teritoryo para mamimili," linaw nito.

Doon naunawaan ni Emerald ang dahilan sa ngiti ng mga kasama. Kahit siya napangiti na rin. Sino ba'ng hindi? Wala silang trabaho at mamimili sila. Noong nasa labas pa siya, isa iyon sa mga hilig niyang gawin. Ang mamili kasama ang pamilya at si Gerad.

KATATAPOS LANG maglinis ng kusina nina Emerald at Jo nang lumapit si Pinunong Seed.

"Para sayo, Emerald." May iniaabot itong supot.

"Ano po iyan?" tanong ng dalaga. Alangan siya na tanggapin iyon.

"Kunin mo na... mga Rubi 'yan," sabi ni Jo bago niya kinuha ang supot at siya nang nagbigay kay Emerald. "Magbibihis lang ako, pagkatapos aalis na tayo. Sa Sixth Region tayo pupunta para bumili ng mga damit."

"Sige!" mabilis na sagot ni Emerald bago niya tiningnan ang supot ng salapi. Ito ang unang pagkakataon na nakatanggap siya ng pera na siya mismo ang naghirap.

Abala pa siya sa pagtingin noon nang bigla siyang makarinig ng mga bulungan.

"Kawawa naman siya... si Jo ang makakasama niya. Siguradong hindi siya magiging masaya."

Napakunot ng noo si Emerald. Naguluhan siya. "Bakit?"

"Hahaha!" tawa ni Pinunong Seed. Isang pilit na tawa. "Wag mo na silang intindihin. Sabi lang nila yon kasi maraming gustong puntahan si Jo."

"Maraming gustong puntahan?" ulit ni Emerald.

"Kapag kasi ganitong panahon gusto niya puntahan lahat... lalo na sa First Region. Matagal na niyang pangarap na makapunta roon."

"Ang sabihin mo pinuno, atat na atat na siya na mapalipat 'don... "biglang sumingit ang kanang kamay ng pinuno na si Ram. "Pero kawawa siya dahil hanggang ngayon, hindi pa rin siya napapalipat sa First Region. Mukhang galit sa kanya ang Superior dahil isa siyang Regulator."

Lalo nang naguluhan si Emerald.

Sinenyasan ni Pinunong Seed si Ram na lumapit sa kanya. GInawa naman ng lalaki. Doon niya ito binigyan ng malakas na batok.

"Aray ko po!" Napahawak si Ram sa makinis niyang ulo.

"Pinunong Seed... anong ibig sabihin noon?" nagtanong si Emerald.

Ayaw na sanang magsalita ni Pinunong Seed---dahil baka magalit sa kanya si Jo---subalit alam niya na kailangan iyong malaman ni Emerald.

"Sige... doon tayo sa labas." Lumakad palabas ang Pinuno.

Sumunod naman si Emerald.

Nagpunta ang dalawa sa hardin, at doon sinabi ng pinuno ang ilang mga bagay tungkol kay Jo.

"Sa labas ng Venus, si Jo ay isang regulator," simula ng pinuno.

Namilog ang mga mata ni Emerald. Regulator si Jo? Kung regulator siya, bakit siya nakulong?

"Hindi ko alam kung alam mo ang tungkol dito, pero noon, labing tatlong taon na ang nakalilipas may grupo ng mga regulator na pumasok dito. Hindi na sila nakalabas dahil isa-isa silang pinatay. Kabilang sa grupong 'yon si Jo."

Prisoners in VenusWhere stories live. Discover now