[53] In Which Lotte Risks Her Life for an Object

774 99 59
                                    

EPISODE 53:
In Which Lotte Risks Her Life for an Object

Umatungal ng napakalakas ang Nagga na kakapasok pa lang sa Northangia. Halos hindi naman magkamayaw ang mga tao sa paghahanap ng mapagtataguan dahil nagsisibagsakan na ang mga patalim na nasa ere. Ngunit, dahil sa pwersang pinakawalan ng pambihirang nilalang, ay nasira ang karamihan sa mga patalim na naroon.

Nagpatuloy pa ang Nagga sa paglilibot sa bayan at nilulusaw ang mga patalim doon gamit ang mahika nito. Magkahalong mangha, takot, at ginhawa naman ang naramdaman ng mga tao nang mapagtantong naligtas sila sa nakaambang panganib.

Pero marami pa ring mga patalim ang nagbabadyang mahulog mula sa ere.

Samantala, dahil sa kaguluhang nangyayari din sa palibot ng kastilyo na sumabay sa pagpasok ng Nagga, ay hindi na halos napansin ng mga taga-roon ang parang himalang nangyari. Maliban sa iilang nilalang, kabilang na ang blood demon na siyang may likha ng nakakapangilabot na mahikang 'yon.

"Rivendyll!" galit na sigaw nito.

Nagpatuloy naman ang Nagga sa pagsira ng mga patalim doon.

Kani-kanina naman, kasabay lang ng pagpapasabog ng mga kanyon, ay gumuho rin ang gusaling kinarooonan nina Lotte. Nang iminulat niya ang mga mata ay sandali pa siyang natanga at hindi alam anong gagawin. Lalo pa't doon lang niya napansin na lumiwanag na rin sa wakas ang magic circle na nilikha niya.

Napaawang ang kanyang bibig.

"Mamaya na 'yan, Charlotte! Tumakas muna tayo rito!" untag ng boses ng sundalo sa harap niya. Ang katawang ginagamit ni Gawaine.

Walang anu-ano'y pinulot siya nito at kinarga ulit na parang sako. Dinampot din nito ang bag, staff, at wand niya saka sila tumakbo. Lumipad na rin ang gryphon papalayo para makatakas.

Ngunit natigilan sila nang may tumili. Si Luan.

Isang patalim ang lumilipad diretso sa kinaroroonan nito.

"Tsk. Tae naman o," sabi ni Gawaine. Bumalik ito, kinarga ang bata, saka ulit sila tumakbo. Tumalon ang lalaki sa kabilang building kaya sabay rin silang napatili ni Luan nang gawin nito 'yon.

"Gawaine! Baliw ka magsabi ka kung gagawa ka ng stunt na ganito!" sabi ni Lotte. Lumapag naman sila sa bubungan ng katapat na gusali, pero biglang nadapa ang katawang gamit nito. Napatili si Lotte nang mangyari 'yon, lalo pa't agad niyang napagtanto na wala nang buhay ang katawang 'yon.

"Wala na nga tayong oras, diba?" sabi ng boses sa likuran niya.

Tumayo si Lotte at paglingon niya ay nakita niya ang isang duguang sundalo na hindi pamilyar sa kanya.

Tinitigan niya ito na may halong takot at pagkamangha. "'Wag mong sabihing ikaw 'yan, Gawaine?"

"Sino pa ba?" sabi nito. "Nahihirapan na ako sa paglipat-lipat ng katawan. Sige, maiwan ko na kayo—"

"Teka lang, Gawaine," tawag niya. Hinawakan niya ang braso nito pero tinulak lang siya nito na parang diring-diri. Umatras pa ito. "Ang arte naman nito. May itatanong lang ako."

"Ano?"

"S-si Rivendyll, dumating ba siya?" marahang tanong niya. "Tingin ko kasi, nakumpleto na ang spell. Hindi ko alam, pero nandito ba siya?"

Nagkibit-balikat ito. "Hindi ko alam, pero may biglang sumulpot kanina sa gitna ng kaguluhan. 'Yan ba ang hinahanap mo?"

Tinuro nito ang langit. Namilog naman ang mga mata ni Lotte sa nakita.

Isang napakalaking serpente na kulay asul at puti ang pumapalibot sa ere. Mayroon itong dalawang sungay na parang nagsanga-sanga na sa haba at laki. Bukod sa mane at kaliskis, ay may iba pang distinguishing features nito na parang kinuha rin sa ibang mythological creatures.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon