[8] In Which Lotte Gets Lost In The Forbidden Third Floor

2K 142 23
                                    

EPISODE 8
In Which Lotte Gets Lost In The Forbidden Third Floor

Mula noon ay sinabi ni Lotte sa sarili na hinding-hindi na muna siya lalabas ng mansyon dahil baka kung saan pa siya mapunta—o baka ano na namang mangyaring kababalaghan sa kanya.

Naghanap na lang siya ng pwedeng gawin doon sa bahay. Halos walang tao sa loob. Nakita niya si Nathan na nasa labas ng mansyon at mukhang nagpipinta. Napatingin siya kung anong pinipinta nito. Ngunit pinihit nito ang easel patalikod sa kanya nang walang sinasabi. Napakibit-balikat na lang siya at pumasok. Nilinis at inayos na lang niya ang pantry.

Pagkatapos sinunod niya ang dining room. Nang malinis niya 'yon ay tiningnan niya ang malaking relo na nakadikit sa pader. Kakaiba 'yon dahil imbes na numbers ay nakapintang mukha ng magkakapatid ang nakalagay doon. Ang unang tatlong numero ay mukha ng triplets na nakangiti ng malapad, nakabelat, at nakatawa, patanda ng patanda hanggang sa nakasimangot na mukha ni Lewis ang pumalit sa number eleven. At sa alas dose naman ay ang apelyido nila. Tingin ni Lotte ay kilala niya na kung sinong gumawa nito. Si Nathan.

Tumatapat na sa mukha ni Heath na kahit sa nakapinta nitong version ay parang may masama itong binabalak. Mag-aalas singko na pala, at kailangan na niyang maghanda ng hapunan nila.

Nagsimula siyang magluto. Habang naghahanda ay bigla niyang naalala ang triplets. Napakunot-noo siya nang mapagtanto na hindi niya nakita ang mga ito buong araw, maliban na lang sa hapagkainan. Kahit grounded ang mga ito, hindi naman siguro ibig sabihin na hindi na sila pwedeng maglaro sa mansyon.

Sumeryoso ang mukha niya. Maliban na lang kung...

Noon lang din niya naalala na di rin nga pala niya nakita si Heath buong araw. Di nga ito sumasabay sa pagkain. Dahil abala si Lewis ay di nito napilit ang binatilyo na sumabay kanina.

Mukhang di naman maganda ang kutob ni Lotte. Pero napailing din siya. Hindi naman siguro ganoon kasuwail 'yung mga bata na aabot pa talaga sa punto na magpaplano sila ng hindi maganda—

Naalala naman niya syempre ang music room at ang kawawang mga instruments ni Finnley.

Pero pilit niyang binalewala 'yon. Dahil kung iisipin niya 'yon ng iisipin, madi-distract lang siya. Nagluluto pa naman siya.

Sa paghahanap niya ng ibang pwedeng isipin ay naalala naman niya ang nangyari kanina sa ruins. Hindi naman malamig doon ah? aniya sa sarili. Napailing ulit siya. Kinuha niya ang kaldero at hinugasan 'yon. Baka naman guni-guni ko lang 'yon. Ina-assume ko naman agad na baka 'yung—'yung—Rivendyll na 'yon ay bigla na lang nagmulto.

Naalala na naman niya ang nangyari noong isang gabi, noong napabangon siya nang may marinig na mga yabag mula sa labas ng pinto. Iniisip naman niya na baka pinagtripan lang siya ni Gawaine at ito talaga ang naglalakad-lakad para takutin siya. Pero, aniya sa sarili, kung ganoon bakit niya sinabi na ilang gabi na rin daw nitong naririnig ang ganoong mga tunog? Tapos naroon pa 'yung mga pinagsasabi sa kanya ni Muriel. Ang alam rin niya, parang wala na yatang umuukupa sa silid na nasa tapat niya pati na sa ibayo niyon.

Di kaya hindi talaga si Gawaine 'yon? Pero kung ganoon, sino?

Kaluluwa nga kaya 'yon ng nasirang kapatid ng mga ito na si Rivendyll Magoria?

Hinigit ni Lotte ang hininga at napatigil sa ginagawa. Nakadama tuloy siya ng kaunting takot na bumalik doon sa silid niya. Tinatakot ko lang yata ang sarili ko eh, aniya sa sarili at tinuon na lang ang isipin sa mga hinahandang sangkap.

Subalit biglang isang malakas na kalabog ang narinig niya sa likuran.

Agad siyang napalingon, na nanlalaki ang mga mata sa likuran, habang hawak-hawak pa ang karaha.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon