[66] In Which Finnley Punishes Them

572 65 51
                                    

EPISODE 66:
In Which Finnley Punishes Them

"Lotte. Gawaine," mahinahong sabi ni Finnley, pero halata naman sa mukha nito na parang nagpipigil ito o ano. "Bibigyan ko kayo ng tsansa na ipaliwanag ang mga sarili ninyo."

Nagkatinginan naman sina Lotte at Gawaine.

"Meron kayong isang minuto," pagpapatuloy ni Finnley.

"H-ha?" bulalas ni Lotte. "Isang minuto lang? P-pero—pero—"

Saan ba siya magsisimula? Sa parte kung saan biglang namatay si Gawaine? O doon sa nabuhay na lang ito? Litong-lito na ang isip ni Lotte kaya naman ang lumalabas lang sa bibig niya ay mga incomprehensible na salita.

Lalo pa't ngayon lang niya nakita si Finnley na ganito kagalit. Paroo't-parito na nga ang lakad nito na para bang gusto silang paluin o ano.

"Mahabang kwento, pero hindi nga 'yon tulad ng inaakala mo," nasabi rin ni Lotte sa wakas. "Maniwala ka sa'kin, Finnley, 'yong nakita mo wala lang 'yon."

"Wala? Wala?" sabi ni Finnley. "Nahuli ko na nga kayo sa akto, magsisinungaling pa kayo? At akala niyo ba hindi ko alam, ha?"

"Alam ang alin?!" bulalas ni Lotte.

"Na nilipat niyo sa second floor ang isa sa mga mattress. Mattress mo, Lotte! Nilagyan ko 'yon ng numero kaya alam ko," sabi ni Finnley na namimilog ang mga mata.

Tinuro pa siya nito na para bang isa siyang kriminal. Napasinghap si Lotte. Sa ginawa niya ay parang mas lalo pa siyang nagmukhang guilty.

"Alam niyo ba na chini-check ko ang camps niyo araw-araw para siguraduhing maayos lang lahat? Tapos, nagtaka na lang ako bakit mattress na ni Gawaine ang nasa pwesto mo, habang 'yong mattress mo naman nasa second floor ng tore! Noong una, akala ko baka trip mo lang na matulog doon, pero sinabi sa'kin ni Uno na si Gawaine mismo ang naglipat ng mattress mo sa second floor. At nandoon kayo magkasama noong isang gabi!"

Hindi naman siya makapaniwala na gising pala si Uno noong mga oras na 'yon. Otomatikong napalingon si Lotte sa direksyon ng binatilyo. Agad naman nitong kinubli ang sarili sa likod ng pinto ng library.

"At alam niyo anong mas malala?" pagpapatuloy ni Finnley. "Sinundan kayo ng bata at nakita niya kayo na magkatabi doon!"

Mas lalong napasinghap si Lotte. Gusto niya sanang puntahan si Uno at klaruhin ang pinagsasabi nito kay Finnley, pero tuluyan nang ni-lock ng binatilyo ang sarili sa loob ng library. Uno! pipi niyang tawag dito. Ngunit narinig niya ring parang tinulak pa nito ang sofa para harangan ang pinto mula sa loob.

"At ang sabi niya pa, binuhat ka daw ni Gawaine pabalik sa first floor! Matagal daw bago kayo bumalik!" sabi ni Finnley. "Alam niyo, alam kong matatanda na tayo rito at wala akong pakialam kung anong ginagawa niyo, pero sana, 'wag kayong magpahuli sa mga bata. Nasa team niyo ang dalawa sa mga triplets, baka nakakalimutan niyo! Dahil anong sasabihin ninyo sa kanila pag nahuli nila kayo? Nag-aacrobat?! Gymnastics practice?! Synchronized swimming sa kama?!"

Tiim-bagang na binalingan ni Lotte si Finnley. "Tumahimik ka nga muna!" tili ni Lotte na dinuro ito. Nagulat yata si Finnley dahil napaatras ito. "Paano ako makakapagpaliwanag kung hindi ka tumitigil sa kakasalita mo! Daig mo pa ang bungangerang byenan sa kakasigaw mo!"

Hindi na naiwasan ni Lotte ang sumigaw na rin kay Finnley. Pareho silang hiningal sa kakasigaw. Habang si Gawaine ay nasa isang tabi lang at nanonood sa kanila at kumakain na ulit ng mansanas.

Inis itong tinapunan ng sulyap ni Lotte. Wala ba itong gagawin?

Akala niya ay hahayaan lang siya nito at hindi na naman ito mangingialam as usual, pero nagsalita rin ito.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon