[13] In Which Lotte Sees the Hidden Face of the Silent Magoria

1.3K 124 25
                                    

EPISODE 13:
In Which Lotte Sees the Hidden Face of the Silent Magoria

Nagulantang naman sina Lotte at Uno sa malakas na kalabog na nanggaling sa main hall. Kanina pa naman sila may naririnig na ingay mula sa labanan nina Lewis at Levine sa labas. Subalit iyon na yata ang pinakamalakas na narinig nila.

"Tingin mo ba mananalo si Lewis?" kabadong tanong ni Lotte. "N-natatakot na talaga ako para sa kanya."

"Hindi ko talaga alam, Ate Lotte. Pero si Kuya Lewis ang isa sa pinakamalakas sa aming magkakapatid, kaya naniniwala ako na kahit papaano kaya niyang labanan si Levine," sabi ni Uno.

Ngumiti na lang rin si Lotte at tumango. Sinubukan naman niyang ipakampante ang sarili kahit kinakabahan siya para rito. Umupo siya ng maayos at sumandal sa mga gamit na nasa likuran nila.

Subalit muli silang magugulat nang marinig nila ang isang malakas na tili mula roon.

Napatayo si Lotte, pati na rin si Uno.

"S-sino 'yon?" tanong ng binatilyo.

"Hindi kaya ang triplets 'yon?" sabi naman ni Lotte. Nagkatinginan silang dalawa, saka walang anu-ano'y hinatak niya ang pinto. Taranta namang napatingin si Uno sa kanya.

"A-anong gagawin mo?" sabi ni Uno. "Lalabas ka ba?"

Binalingan naman ito ni Lotte na lukot ang mukha. Isa-isa na niyang tinatanggal ang mga gamit na humaharang sa pinto. Pinigilan naman siya ni Uno.

"Seryoso ka ba?" tanong ulit nito. "Nandoon pa rin ang mga orcs sa labas! Mapapahamak ka lang!"

"Uno. Kung 'yung tumili ay mga kapatid mo talaga, gugustuhin mo bang manatili na lang dito?" tanong naman ni Lotte. "Baka napahamak na iyong mga kapatid mo doon!"

Matagal naman bago nakasagot si Uno. "Pero paano kung hindi? Paano kung si Levine 'yon o 'yung mga halimaw na dinala ni Levine para linlangin tayo?"

"Paano kung sila?" matigas na sabi niya.

"Ate Lotte naman eh," reklamo nito. "Nandoon naman si Kuya Lewis sa labas. H-hindi naman niya pababayaan 'yung mga 'yon."

Inis niyang binalingan ang binatilyo. Napaigik naman ito at napayuko na parang takot sa kanya. Bumuntong-hininga siya.

"Lalabas ako. Titingnan ko lang kung maayos sila," sabi ni Lotte. Hindi naman ito sumagot. Nagsimula namang maasar si Lotte dito. Wala ba itong pakialam sa mga kapatid? tanong niya sa isip. Pero nang makita niyang nanginginig ito ay wala sa sarili niyang hinawakan ito sa may balikat. Napansin niyang ang lamig din ng kamay nito. "Uno? Natatakot ka ba? Kung natatakot ka, hindi naman kita isasama eh."

Muli naman siyang tiningnan nito. Hindi naman niya inaasahang may namumuo na palang tubig sa mga mata nito. Kagat pa nito ang labi nitong nanginginig.

"Ate Lotte naman eh. Hindi naman ako kasintapang o kasinlakas o kasingaling ng mga kapatid ko," hikbi nito. "Hindi mo ba napapansin na sa kanilang lahat, ako 'yung duwag?"

Nabigla naman si Lotte at hindi agad nakapagsalita. Nakadama naman siya ng pagkakunsensya rito. Nakalimutan niya, na syempre, sa kanilang dalawa mas natatakot ito dahil kapatid nito ang nasa panganib ngayon.

Kaya nga lang, gaya niya ay wala rin itong halos magawa. Walang anu-ano'y niyakap niya ang nanginginig na binatilyo.

"Hindi totoo 'yan," sabi naman niya rito.

"Totoo naman talaga," sabi nito na kumalas mula sa kanya. Tumalikod ito at nagpipigil sa pag-iyak. Hindi naman alam ni Lotte kung paano ito patahanin. "Kung hindi naman kasi sila sobrang talino, magagaling sila sa ibang bagay. Magaling sila gumamit ng mahika. Kaya nga ako sumasali sa laro at events sa school para man lang masabi ko na may bagay naman na magaling ako, kahit hindi iyon—ginagawa ng isang—tunay na Magoria."

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon