[51] In Which The City Faces Obliteration

515 81 32
                                    

EPISODE 51:
In Which The City Faces Obliteration

Kanina, ilang sandali bago nangyari 'yon, ay tumatakbo palayo si Gawaine. Kailangan niya munang umatras panandalian dahil hindi na kinakaya ng katawan ni Gareth ang labanan. Naisip niyang mag-ipon na muna sandali nang lakas, nang bigla siyang napaluhod sa bubungan.

Lagot na, aniya sa isip, sumobra na yata ako sa paggamit ng magic. Kung sakaling humina pa akong lalo, baka maputol na ang hold ko sa katawang ito, at kapag nagkaganoon, mapipilitan akong iwan ito. Kung sana makakapagsummon lang ako ng back-up, pero masyadong malayo ang Northangia at matatagalan pa ang pagdating ng bagong katawan na pwede kong gamitin.

Tsk. Wala akong magagawa, aniya ulit sa isip. Itinaas niya ang kamay at nagpalabas ng mahika, pero nagulat na lang siya nang maramdaman ang presensya ni Nathaniel sa likuran niya.

"Bumabagal ka na, Gawaine?" anito.

Nanlaki ang mga mata niya, at bago pa siya makalingon ay sinipa siya nito papalayo. Tumalsik siya sa kabilang bahagi ng bubungan. Umuubo ng dugo, ay pinilit niyang bumangon at hanapin ito.

Nawala na naman ito sa paningin niya. Sa taglay nitong pambihirang bilis ay nahihirapan siyang makahabol dito sa kondisyon niya. Saktong napansin niya ulit ito na nasa likuran ay napalingon siya at nagawang sanggain ang atake nito.

"Ano na, Gawaine? Hindi mo na ako halos malabanan o," sabi nito. Muli nitong hinampas ang blade sa kanya at sinangga niya ulit. "Nanghihina na ba 'yang bangkay na gamit mo? O baka naman nauubusan ka na ng magical power, ha?"

Sinamaan niya ito ng tingin. Muli silang nagpalitan ng atake, ngunit habang tumatagal ay mas lalo siyang humihina.

"Oy. 'Wag kang masyadong magmayabang. Baka nakakalimutan mong hindi lang ikaw ang nilalabanan ko sa mga oras na ito?" sabi ni Gawaine.

Napasulyap ang kaharap niya sa mga sundalo at blood demons na naglalaban sa baba. Marami sa mga blood demons ang mukhang natalo na at nakahiga na lamang sa lupa, samantalang halos wala pang sundalo ang natutumba. Ngunit, kung titingnang mabuti ay doon pa mapapansin na halos lahat sa mga sundalong tumatayo pa at nakikipaglaban ay tadtad na ng sugat at duguan.

"Binubuhay mo pa rin pala ang mga 'puppet' mo? Bakit? Para protektahan ang kastilyo? 'Wag mo sabihin sa'king tinototoo mo na ang paglalaro mo bilang 'knight'?" Ngumisi si Nathan. "Baka nakakalimutan mo na ninakaw mo lang ang katawang 'yan?"

Hindi naman agad sumagot si Gawaine. Binaliktad niya ang blade nito gamit ang espada at panandaliang umatras.

"'Wag mo akong igaya sa'yo, Nathaniel. Hindi ko ginagawa 'yan para protektahan ang kastilyo, lalo pa't namumuhi din ako sa kanila kagaya ng pagkamuhi ko sa'yo."

"Oh? Eh bakit mo 'yan ginagawa? Hayaan mo na lang silang mamatay lahat, tutal kalaban din naman ang tingin mo sa kanila, hindi ba?"

Tinaas niya ang espada laban dito.

"Ganoon na nga siguro. Pero hindi ako kagaya mo. Ayokong nagsasayang ng buhay," sabi ni Gawaine. Ngumiti siya. "Kaya nga nagawa kong ipunin ang mga alagad mo sa parteng ito ng bayan, hindi ba?"

Sumeryoso naman ang mukha ng kaharap niya. Muli itong napatingin sa paligid. At doon lang yata nito napansin na halos lahat ng labanan ay nagaganap lang sa paligid ng kastilyo. Hula ni Gawaine ay nagawa nang ilikas ng mga knights at sundalo ang mga sibilyan sa mas ligtas na lugar. Kaya ang naiwan na lang halos sa sentro ng labanan ay ang mga sundalo at blood demons.

Ayaw niya talaga na gawin 'yon, subalit wala siyang ibang mapagpipilian. Halos walang laban ang mga sundalo sa dami at lakas ng mga blood demons. Kaya wala siyang magagawa kundi lapatan ang mga napaslang ng temporary resurrection seal para makalaban muli bilang mga 'puppet' niya.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon