[39] In Which A Fateful Encounter Happens

634 83 35
                                    

EPISODE 39:
In Which A Fateful Encounter Happens

Napakurap at napaatras pa talaga si Lotte sa sinabi nito. Hindi naman niya maiwasang mapasulyap sa 'batang' karga niya.

"Seryoso po ba kayo diyan?" aniya at nagtawa-tawahan. "E-eh diba po matagal nang w-wala ang taong 'yon? Pati na ho ang buong pamilya niya? Malabo naman ata 'yan. Baka naman ho tsismis lang."

Narinig naman niya ang tawanan nina Finnley at Muriel habang kausap nito ang mga babae roon. Pati si Uno ay nakikisali rin ata. Si Lewis lang ang hindi, pero may kausap din itong ibang namamasyal doon.

Para namang nainis ang lalaki sa sinabi niya. "Tingin mo talaga magdadagdag sila ng ganito karaming bantay kung tsismis lang, ha, kung tsismis lang?" Napailing ito kaya awkward namang ngumiti si Lotte. "Totoo ang sinasabi ko. Tsaka, mukhang hindi pa tuluyang namatay ang pesteng pamilyang 'yon, sa kasamaang palad."

Doon ay si Lotte naman ang nainis. Kahit na gusto niyang sagut-sagutin at awayin ang lalaking ito dahil sa sinabi nito sa pamilyang pinaglilingkuran niya ay pinilit niyang kumalma.

"Bakit niyo naman ho nasabi 'yan?" sabi na lang niya.

"May nakakita sa kapatid niya doon sa Eckham. Sa katunayan, nakuha pang magtrabaho ng walanghiyang mage at nagpanggap na ordinaryong tao sa loob ng isang taon," sabi naman nito. "Tsk. Kaya kung buhay pa 'yon, eh paano na lang ang iba pa? Malamang buhay pa rin ang pinakamalala sa kanilang lahat."

Abala pa rin ang mga ito pati na si Muriel sa pakikipag-usap ng mga ito. Buti na lang, sabi ni Lotte. Siya ang nasasaktan at nagagalit sa pinagsasabi ng taong ito tungkol sa kanila.

"Eh, 'yung sinabi niyo na s-si R-Ra—sino nga 'yon?"

"Rivendyll Magoria. Alam mo ba kung gaano kasama ang mage na 'yon?" sabi ulit nito. "Narinig mo rin diba na namatay na siya kasama ng pamilya niya tatlong taon na ang nakakaraan? Pero ang sabi may bumuhay daw sa kanya, at ngayon, ay paghihigantihan niya ang Royal Family at ang World Sovereign."

Kung si Lotte ang tatanungin ay puro kalokohan lang ang sinasabi ng taong ito. Pero may isang bahagi ng isip niya na gusto pang makinig at magtanong. Dahil baka may masabi itong mahalagang detalye tungkol sa misteryong nilulutas nila ni Muriel ngayon.

"Paano niyo naman po nasabi 'yan?" aniya.

"Namataan siyang umaaligid sa Northangia nitong mga nakaraang araw. Tapos kanina lang nakumpirma ng otoridad na totoo 'yon," sabi nito.

Kumunot ang noo ni Lotte. "N-nakita nila siya kanina?"

"Oo," marahas na singhal nito. "Saan ka ba nagsusuot at hindi mo narinig? Kalat na kalat sa buong bayan ang nakakagimbal na balitang 'yon!"

Bigla namang kinabahan si Lotte, na sinulyapan si Rivendyll. "Pero hindi maaari—"

"Bahala ka kung ayaw mong maniwala," sabi pa nito. "Pero kung ako sa'yo, mag-iingat ako. Lalo na't kumakain pa naman daw 'yon ng buhay na tao."

"Ha?"

"Wala ka ba talagang alam? Blood demon ang taong 'yon! O kung hindi man siya blood demon, isa siyang orc. O kung hindi naman, bampira. Ah basta. Hindi siya tao," sabi nito. "Kaya sabi ko mag-ingat ka."

Napanganga si Lotte. "Ang dami naman po niyang katauhan. Kayo ho ang mag-ingat. May memory gap na ata kayo eh. Baka ho makalimutan niyo rin kung saan kayo uuwi, ha."

Sinugod siya nito. "Siraulo kang babae ka ah—"

"May problema ba tayo rito?" sabi ni Finnley na humarang sa pagitan nila. Iniharang pa nito ang malalaking mga braso sa harap ng dibdib nito, saka tinanguan ang lalaki. Sa likod at paligid niya ay nakatayo sina Uno, Lewis, at Muriel.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon