[25] In Which The Maid Scolds the Master

1.6K 152 62
                                    

EPISODE 25:
In Which The Maid Scolds the Master

Simula nang mangyari 'yong engkwentro sa pagitan nila ni Nathan ay mas lalo na niya itong iniwasan. Ngunit hindi gaya dati na nilalampasan lang siya nito, may mga pagkakataon na nararamdaman niya na nakatingin ito sa kanya. Kaya lang, tuwing lumilingon siya ay wala naman itong ginagawa.

Sa totoo lang, natatakot talaga siya rito at kung anong kayang gawin nito.

Sa kabilang banda naman ay patuloy pa rin ang pag-iwas sa kanya ni Gawaine. At mula nang batuhin niya ito ng bungo ay talagang lumiliko ito sa ibang bahagi para lang iwasan siya at mas madalang na niya itong nakikita.

Naisip tuloy niya na saan kaya ito naglalagi. Sa laki ba naman kasi ng mansyon, parang hindi pa yata niya naikot ang kalahati niyon. Mula rin noong nawala siya sa third floor ay hindi na lang talaga niya pinupuntahan ang ibang bahagi ng mansyon na hindi niya kabisado. Kahit curious na curious pa siyang malaman ang mga pasikot-sikot dito. Buti na lang 'yon kaysa mapahamak na naman siya.

Hindi na rin nagsayang ng oras si Lotte at kumilos na siya para kolektahin ang mga arcane seals. Kailangan niyang kumbinsihin muna si Finnley pero hindi niya alam kung paano ito kakausapin. Ni hindi niya nga rin ito halos mahagilap.

Kasi, kung hindi ito lumalabas ng bahay, kausap naman lagi nito ang ibang mga kapatid, partikular na si Muriel. Ayaw din naman niya na maghinala si Muriel sa kanya. Lalo pa't matalas itong tao at baka malaman nito agad ang pinaplano niya. Minsan, nagtatanong pa rin siya sa sarili kung tama ba ang gagawin niya dahil baka mailagay niya sa panganib ang magkakapatid. Pero may tiwala rin naman siya sa katalinuhan ni Hadi at baka, 'yon na nga lang ang huling tsansa na meron siya.

Isang umaga, kakatapos niya pa lang linisan ang kusina nang maispatan niya si Finnley na naglalakad sa corridors. Nag-iisa ito kaya sinundan ito ni Lotte. Nagtataka naman siya kung saan ito pupunta kasi wala naman dapat itong pasok ngayon dahil weekends.

Palihim siyang nakabuntot dito. Dumiretso ito sa pasilyo na nasa unahan pa ng gallery hall. Pero akala niya ay mga saradong pinto lang ang naroroon. Naghinala siya na baka may kaugnayan 'yon sa mga lugar na laging pinupuntahan ng mga ito. Hindi kaya roon matatagpuan ang portal na sinasabi ni Hadi?

Nagha-hum pa ito habang naglalakad. Kailangan niya itong kausapin, pero hindi niya talaga alam kung paano. Baka kasi magpanic ito bigla at malaman ng ibang mga kapatid nito. Muli niyang tinanong ang sarili kung tama ba na ito ang una nilang lapitan at hindi ang ibang mga kapatid. Pero wala naman kasi siyang mapagpipiliian. Hindi na muna pwede ang iba pang mga kapatid nito.

Mula sa pillar ay sumilip si Lotte.

Tumigil pala si Finnley sa harap ng pader. Dulo na pala 'yon ng pasilyo at wala nang ibang pinto. Pero nakatingala lang ito sa higanteng painting na nakadikit sa pader.

Kunot-noo itong tinitigan ni Lotte. Pero biglang lumingon si Finnley, kaya otomatiko siyang napatago sa likod ng pillar. Agad naman niya 'yong pinagsisihan kasi nga gusto niya itong kausapin pero sa halip ay nagtago pa siya.

"Finnley—" panimula niya at lumabas na sa pinagtataguan, pero wala na ito roon. Luminga-linga naman si Lotte sa paligid pero wala na talaga ito. "Finnley?"

Bumuntong-hininga siya. Nakaalis na tuloy ito. Umiling siya at sinisi kung bakit nagdalawang-isip pa siya.

Saka naman siya napatingin sa higanteng painting na tinitigan nito kanina. Lumapit naman siya roon. Painting pala ito ng isang binata. May kakapalan ang wavy at straw-blonde nitong buhok. Gaya ni Rivendyll ay may berde rin itong mga mata at nakasuot ng military uniform. Kaya lang ay nakasimangot ito at mukha pang galit.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon