[15] In Which Lotte Draws a Magic Circle

1.4K 125 21
                                    

EPISODE 15:
In Which Lotte Draws a Magic Circle

Dahil nagbagsakan na ang iba sa mga shelves sa loob ng library ay nahirapan na sina Lotte at Uno na bumalik at makapagtago si manaegerie. Sinulyapan niya ang manaegerie at hiniling na sana maayos lang si Hadi at ang triplets doon. Gusto man niyang papasukin si Uno roon at magpaiwan siya sa labas para magbantay ay hindi na nila magagawa iyon.

Naglalabanan pa rin sina Levine, Nathan at Gawaine sa gallery hall at ang iba sa mga gamit doon ay nasisira na. Kapag nakita ito ni Lewis ay siguradong magagalit ito. Naalala naman ni Lotte si Lewis at naisip na puntahan ito sa main hall.

Pero nakita niya ulit si Gawaine. Kahit anong gawing pag-atake ni Nathan ay hindi na ito pinapatulan ni Gawaine, at sa halip ay nakatuon ang buong atensyon nito kay Levine. May mga sugat at galos na ito at sa tanawing iyon ay muli na namang nagdalawang-isip si Lotte kung tama ba ang ginawa niya.

Bigla namang pumitik ng malakas ang puso ni Lotte. Sandali siyang nahilo. Umikot ang paligid niya at akala niya ay mawawalan na siya ng malay. Kinapa niya ang dingding at lumapit sa pinakamalapit na sofa. Pero buti na lang ay nawala rin iyon at hindi siya tuluyang natumba.

Pero sa kung anong rason ay napahinto rin si Levine.

Iginala nito ang tingin sa paligid. Nakiramdam. Dumilim ang mukha nito.

Nakita naman 'yong tsansa nina Gawaine at Nathan para sugurin ito pero bigla itong naglaho. Sa isang iglap ay naroon na ito sa entrada ng gallery hall. Palabas ng pasilyo.

Tumakbo ito papalayo.

"Walang tatakas, Levine!" sigaw ni Nathan at sinundan ang babae palabas. Si Lotte naman na naalala na naroon pa si Lewis sa main hall ay sinundan din ito. Hindi rin nagpahuli si Gawaine. Sumama na rin si Uno at hinabol nilang apat si Levine sa hallway na papunta sa main hall.

Nagtakbuhan sila sa pasilyo habang hinahabol si Levine. Subalit sa dulo ng pasilyo ay isang lalaki ang naghihintay. Si Lewis na nagkamalay na pero duguan pa rin.

"Saan ka pupunta, Levine?" tanong nito.

Napahinto si Levine. Tiningnan nito ng masama si Lewis. Saka nilingon sila na nasa likod nito.

"Umalis ka sa dinadaanan ko," sabi ni Levine. "Binabalaan kita."

Hindi naman tuminag si Lewis at sa halip ay inahigis lang sa harap nito ang katawan ng orc na nagbabantay dito kanina.

"Mag-isa ka na lang, Levine, wala na ang mga kampon mo dito," sabi ni Lewis.

"Lewis. 'Wag mo akong pipilitin," seryosong babala nito.

"Akin ang buhay niya Lewis 'wag kang mangialam," sabi naman ni Nathan. Nagulat naman si Lewis nang makita ang kapatid.

"Tabi," sabi naman ni Gawaine na tinulak si Nathan saka hinabol si Levine.

Agad naman 'yong napansin ni Levine at gamit ang staff nito ay nagpakawala ito ng kulay purplish na enerhiya para patamaan si Gawaine. Nakailag man ang lalaki ay nakatakas naman si Levine. Itinuon nito ang staff kay Lewis at muling nagpakawala ng kapangyarihan. Napilitan naman si Lewis na yumuko para makailag. At ginamit naman 'yon na tsansa ni Levine para lumipad sa itaas nito. Lumapag si Levine sa sahig ng main hall.

"Tarantado ka, Gawaine!" bulyaw ni Nathan at naghabulan na naman ang mga ito.

Dumiretso naman si Levine sa grand staircase at umakyat doon. Sa sobrang bilis nito ay hindi na nila ito mahabol. Lumiko ito sa isang pasilyo—ang corridor na papunta sa third floor.

"Levine!" sigaw ni Lewis sa kapatid.

Nilingon sila ng babae at nginisihan. Saka nito ibinagsak ang staff at mga sampung orcs na naman ang lumitaw at humarang sa grand staircase. Hindi na sila makadaan para habulin ito.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon