[44] In Which They Search for the Tapestry

674 82 20
                                    

EPISODE 44:
In Which They Search for the Tapestry

"Bago tayo lumabas, pwede bang may daanan tayo sandali?" sabi ni Lotte kay Aelle habang tumatakbo sila sa mga pasikut-sikot ng dungeons.

"Bakit, naiihi ka ba?"

"Hindi!" sagot niya. "Ang totoo niyan, may hinahanap kasi akong tapestry kaya ako nakulong dito. May alam ka ba tungkol sa tapestry na naglalaman ng instructions kung paano magsummon ng isang Nagga?"

Kumunot ang noo nito. "Hindi ba nasa Cathedral 'yon?"

"Tinanggal na nila roon at nilipat dito," sabi ni Lotte. "Sa laki ng kastilyong ito, hindi ko alam kung saan magsisimula."

"Nasubukan mo na sa gallery hall?"

"Galing na ako roon, pero wala eh."

"Huh," sabi ni Aelle na napaisip. "Ang ibang pwedeng paglagyan lang nila ay ang libary. Nakapunta ka na roon?"

"Saan ba 'yon makikita?"

Ngunit bago pa ito makasagot ay isa na namang grupo ng mga sundalo ang humarang sa dinadaanan nila, kaya parehong napahinto sina Lotte at Aelle. Tumingin si Lotte rito, at tumingin din ito sa kanya.

"H-hindi ko pa kasi magagamit ulit ang magic ko sa dami ng nagamit ko sa spell kanina," sabi nito na may awkward na ngiti.

"Ah?" sabi na lang ni Lotte. Kung ganoon, ako pala ang maghahanap ng paraan ngayon, aniya sa isip. Agad niyang hinanap ang mga bunga ng prutas sa bulsa saka ito hinagis sa ere.

Naging bato naman ang mga sundalo na humarang.

"Ayos!" tuwang-tuwang sabi ni Aelle. Pinulot nito ang mga nahulog na rifle ng mga sundalo. "Kunin natin 'to."

"Magandang ideya," sabi niya. Ngunit nang tanggapin ni Lotte ang sa kanya ay muntik na siyang matumba. "M-mabigat pala."

"Buti na lang 'yan kaysa wala," sabi lang nito. "Halika na. Dadaan din tayo sa kusina para makapagnakaw ulit ng pagkain."

Kaya kahit nabibigatan sa dalang Neutralizing Rifle ay pinilit na lang dalhin ni Lotte 'yon. Mabilis ding tumakbo ang kasama niya, maliksi, na para bang sanay na sanay ito sa mga ganito. Iilang sundalo na naman ang dumating sa harap nila, at sa isang iglap ay pinaputukan nito ang mga sundalo.

Hindi siya ordinaryong mage, puna ni Lotte sa isip. Hindi siya gumagamit ng kahit anong channeling object para makagawa ng magic. Parang si Rivendyll.

Oo nga no, aniya sa isip, ngayon ko lang na-realize na hindi gumagamit ng kahit anong channeling object si Rivendyll.

"Charlotte, ilag!"

Napalingon si Lotte sa harap at saktong nailagan niya ang ilaw na lumipad mula sa Neutralizing Rifle ng sundalong paparating. Walang anu-ano'y tinutok niya rito pabalik ang sariling rifle at nagpaputok. Isang malaking bola ng magical energy ang lumabas mula sa riple niya papunta sa sundalong nasa harap at natumba ito.

"N-napatay ko ba siya?" bulalas ni Lotte.

"Hindi. Hindi 'yon mapanganib sa ordinaryong tao, pero nakaka-negate 'yon ng magic at nakakapag-imobilize ng target sa loob ng ilang sandali," sabi ni Aelle. Hinawakan naman nito ang rifle ni Lotte at inusisa. "Magkaiba ba tayo ng ginagamit na rifle? Bakit parang canon 'yung sa'yo?"

"Eh? Pareho lang 'to eh?" sabi ni Lotte. Tiningnan ni Aelle ang sa kanya at tumango-tango.

Ngunit bago pa ulit may makasapagsalita sa kanila ay may mga dumating ulit. Sabay nilang itinutok ang rifle sa mga ito at sabay din silang nagpaputok. At doon lang napansin ni Lotte ang napansin ng kasama: mas malaki ang bola ng enerhiya na nagmumula sa rifle niya.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon