[36] In Which They Go to the Northangia City Hall

723 88 43
                                    

EPISODE 36:
In Which They Go to the Northangia City Hall

Pagkatapos nilang kumain ay agad namang kumilos sina Lotte at Muriel para mapuntahan ang ampunan na tinutukoy ng manager. Bago umalis ay tinanong na muna ni Lotte si Harry kung maayos lang ba ang mansyon. Sigurado siyang gising na ang mga ito ngayon at baka may napapansin ng kakaiba.

"Maayos lang ang lahat, ma poupée," sabi ni Harry. "Ininit lang ni Lotte Number 2 ang mga naluto mo na kagabi. Pero mukhang nagtatampo yata sina Uno at Finnley dahil hindi sila gaanong kinakausap ng clone mo."

"Talaga?" sabi niya na hindi maiwasang ma-guilty sa pag-alis niya ng walang paalam. "Eh ang mga bata? 'Yung triplets at si Hadi?"

"Tapos na silang paliguan ni Lotte Number 2. Wala rin silang nahalata, pero binuhusan yata nila tubig ang clone mo. Ngunit dahil clone mo nga lang siya at wala naman talaga siyang sariling pag-iisip, ay ngumiti lang siya sa ginawa ng mga bata sa kanya," sabi ni Harry.

Bumuntong-hininga naman si Lotte. "Kahit kailan talaga, ang mga batang 'yon."

"Subalit sa isang banda, mukhang natakot tuloy ang triplets dahil imbes pagalitan sila, ay nginitan lang sila ng clone mo. Iniiwasan na nila ngayon si Lotte Number 2. Naglalaro lang sila ngayon sa main hall," dagdag pa ni Harry.

"'Yung iba sa kanila—hindi ba naghinala?"

"Tingin ko hindi naman. Abala sila sa kanya-kanya nilang ginagawa. Habang 'yung clone mo naman, nasa kwarto mo na ulit kasi wala pa namang ginagawa," sagot nito. "Pasensya na kung hindi ako masyadong nakakatulong sa inyo rito. Kailangan kong manatili roon nang mas matagal para bantayan ang mansyon. Pero kung may kailangan kayo, tawagin niyo lang ako kahit anong oras."

"Ayos lang Harry. Malaki na nga ang naitutulong mo. Salamat," sabi niya at nginitian ito.

Dala-dala ang mga gamit ay lumabas na ulit sila ni Muriel sa silid. Pagbaba nila ay nagpasalamat sila sa manager, bagama't mukhang nagtataka ito dahil aalis na sila agad. Kung makita man nila si Rivendyll doon, baka uuwi na rin sila sa mansyon ngayong araw ding ito.

Hindi na sila sumakay ng karwahe at sa halip ay naglakad na lang. Ngayon, ay mas dumami pa ang mga tao sa paligid. Mukha na ngang pista.

Napahinto naman si Lotte nang biglang humangin ng malakas at dumilim sa kinatatayuan nila, na sinundan ng pagdagundong mula sa itaas. Tumingala siya at nagitla nang makitang dumadaan pala ang isang higanteng airship. Sa mundo nila, matagal nang hindi ginagamit ang mga ganoong klase ng sasakyang panghimpapawid dahil uso na ang mga mas mabilis at maliit na airplanes. Kaya naman namangha talaga siya nang makita 'yon. Maging ang mga taong nasa paligid ay napatingin din.

Pero mas lalo siyang mamamangha nang may sumunod pang isang squad ng propeller planes. Nakabitin sa buntot ng bawat isang eroplano ang flag ng Auvergnia. Sumayaw pa ang mga ito sa ere at naghagis pa ng mga maliliit na piraso ng papel na parang confetti.

Nagpalakpakan naman ang mga tao.

"Charlito!"

Napalingon si Lotte kay Muriel. Ilang metro na pala ang layo nito mula sa kanya. Tumakbo siya para sundan ito habang nakikipagsiksikan sa maraming tao.

Naglakad pa sila ng ilang blocks. Napansin naman ni Lotte ang mga posters na nakapaskil sa mga gusali at pader. Lahat ng mga ito ay may mga nakasulat na palastas laban sa mga mages.

Nakarating naman sila sa isang malawak na central square na pinapalibutan ng malalaki at magagandang gusali. Manghang inilibot ni Lotte ang tingin sa paligid. Hawig ng mga gusaling 'yon ang Baroque architecture sa Europa. Kagaya sa labas, ay marami ring tao roon na kung hindi namamasyal, ay nagkakasiyahan naman. Sa bawat lakad nila ay nagliliparan ang mga kalapati, na mas lalong nakadagdag sa ganda ng tanawin.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon