[69] In Which Lotte Was Left Alone With Nathan

651 76 82
                                    

EPISODE 69:
In Which Lotte Was Left Alone With Nathan

"Ang Zeroth Seal. Ang kaisa-isang Arcane Seal sa buong mundo na kayang buksan ang Origin Magic," sabi ni Nathan. "Huh. Aabot siguro ang presyo mo sa ilang daang milyon. Baka nga isang bilyon pa. O mahigit."

Hindi makapagsalita si Lotte na hindi pa rin makapaniwala na siya pala ang gagawing pain ng mga ito. Kinuyom niya ang mga kamao.

"Tama," pagsang-ayon ni Finnley. Hinawakan nito ang baba na parang kunsinong kontrabida. "Kapag ang Zeroth Seal ang ibebenta natin, malamang bibigyan tayo ng special treatment ng auction house. Kaya naman makakapasok tayo ng walang problema roon. Kaya lang, saan naman natin hahanapin ang bearer ng Zeroth Seal? Eh matagal na nga 'yong nawawala eh."

Napanganga si Lotte. Tama. Hindi nga pala alam ni Finnley na may Arcane Seal siya, at mas lalong hindi rin nito alam na siya ang bearer ng Zeroth Seal.

"Nasa harap mo na siya," ani Nathan.

"Sino?" tanong ni Finnley.

"Ang bearer ng Zeroth Seal," walang ganang sagot ni Nathan.

Umismid si Finnley. "Eh si Lotte ang nasa harap ko, eh? Sinong tinutukoy mo?" Luminga-linga pa ito. "Wala namang ibang tao dito, eh. May iba ka bang nakikita na hindi namin nakikita?"

Nagpatuloy ito sa paglinga-linga. Napailing na lang si Lotte. Pero si Nathan, ay nagsisimula nang mainis ng sobra at nakakuyom na ang isang kamao.

"Si Charlotte ang tinutukoy ko. Siya ang bearer ng Zeroth Seal," mabagal na sabi ni Nathan.

Natawa si Finnley. Tinitigan lang nila ito ni Nathan, habang pina-process pa nito sa utak ang dapat nitong i-process.

Nawala ang ngiti nito. Lumingon ito kay Lotte. Napasinghap ito ng malakas at namilog ang mga mata. "Si Lotte ang bearer ng Zeroth Seal?! Siya?!"

Inikot ni Nathan ang mga mata at tinalikuran ito. Bilib din naman si Lotte dahil kahit papaano ay natuto na itong magpigil at hindi na agad nang-uupak. Kahit halatang asar na asar na ito kay Finnley.

"Totoo?! Ma cherie, ikaw ang—?" ani Finnley.

Tumango siya. "Ako nga."

"S-so—sa tinatagal-tagal nating magkakilala—hindi ko alam na—isa ka pala talagang literal na dyosa," ani Finnley.

"Siraulo!" inis niyang sabi. "Bearer lang ng Zeroth Seal, dyosa agad? Hindi ko alam kung may saltik ka lang sa utak o inaasar mo lang talaga ako, eh."

"Pero totoo naman ah. Sa sobrang makapangyarihan ng Zeroth Seal, para ka talagang isang dyosa na galing sa ibang mundo," sabi ni Finnley. Inilagay pa nito ang isang kamay sa dibdib na parang tumutula.

"At galing din talaga siya sa ibang mundo," sabi ni Nathan kay Finnley.

"Nathan!" tili ni Lotte na hindi makapaniwalang binulgar nito ang sikreto niya nang ganoon-ganoon na lang.

"Ano?!" tili rin ni Finnley. "G-galing ka sa ibang mundo, ma cherie? Kaya pala—kaya pala out of this world ang iyong kagandahan!"

"Iniinsulto mo ba ako? Anong tingin mo sa'kin, alien?!" singhal ni Lotte. Umiling ito. Si Nathan naman ang binalingan niya. "Ba't mo sinabi ng ganoon-ganoon na lang? At paano mo nalaman?"

Bumuga ng hangin si Nathan. "Paulit-ulit?" Sinamaan niya ito ng tingin. "Noong una palang kitang makita, alam ko na na hindi ka taga-rito. At ang wirdo ng suot mong damit, malamang."

"Hoy, para lang malaman mo, 'yon ang usong damit sa mundo namin! At—k-kahit na jeans lang 'yon at t-shirt, branded 'yon. Galing sa ukay!" depensa niya, kahit wala naman itong alam sa pinagsasabi niya.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon