[41] In Which Lotte Goes to Luddeim Castle

691 89 39
                                    

EPISODE 41:
In Which Lotte Goes to Luddeim Castle

Hindi agad makapagsalita si Lotte. At nang makabawi siya ay napakurap siya at napabulalas. "Ano? At paano mo nalaman? At bakit—?"

Ngumiti lang si Muriel. "Gusto ko sanang ipaliwanag sa'yo lahat-lahat pero paparating na kasi sila kaya sa susunod na lang. Sige na, akin na 'yang kamay mo."

Sa labas naman ay dinig pa rin nila ang mga takbuhan ng mga sundalo. May isa pa ngang sumigaw: "Ihanda niyo ang mga Neutralizing Rifles niyo. Nandyan sa loob ang mga target. At makinig ng mabuti sa aking hudyat, maliwanag?"

Napalingon si Lotte sa direksyon ng kalsada. Sa pagkakataong 'yon ay may namuo ng maliit na luha sa mga mata niya. Ayaw niyang maiyak, subalit nagbabadya talaga 'yon lalo pa't unti-unti nang sumisikip ang lalamunan niya.

"Charlito," untag ng kasama niya.

Umiling-iling si Lotte. "Hindi. Kasi, diba, kapag ibibigay mo sa akin ang Arcane Seal mo, pwede mo 'yong ikamatay?"

"Alam ko. Pero mas kakailanganin mo ito ngayon, kaya susugal tayo," mahinahong sabi nito. "Akin na ang kamay mo."

"Bakit pa?"

"Maaari mong gamitin ang kapangyarihan ng Arcane Seal kapag nasa iyo ito. Sa loob ng bente-kwatro oras, aayon sa'yo ang kilos ng kapalaran. 'Yon ang kapangyarihan ng Arcane Seal ko," seryosong sabi ni Muriel.

"Nasa loob pa rin si Target B!" sigaw ng isang boses sa malayo. "Hindi ko pa makita ang dalawa niyang kasama, lalo na ang main target. Pero mukhang nasa loob din ang babaeng kasama nila."

Muling napalingon si Lotte sa mga ito kaya tinawag ulit siya ni Muriel. "Charlito, nakikinig ka ba?"

"Hindi ko kayang gawin. Hindi ko kayang isugal ang buhay mo, o buhay ng kahit sino," sabi ni Lotte na umiling-iling. "Paano kung magkamali tayo, o magkamali ako, at mapahamak ka?"

"May tiwala ako sa'yo. May tiwala ka rin sa'kin, diba?" tanong nito. Tumingin siya rito. "Tsaka, paano natin malalaman kung hindi natin susubukan?"

Napayuko si Lotte sa lupa. Sa labas ay pinapaligiran na sila ng mga sundalo. Hinawakan naman niya nang mahigpit ang himbing na himbing pa ring si Rivendyll.

Hindi na siya sumagot at tumango na lang.

"Makakauwi rin tayong lahat sa mansyon. Pero sa ngayon, ikaw na muna ang bahalang magpatuloy nito at ako na muna bahala sa mga epal na sundalong 'yon. Ikaw lang din ang makakatulong kay Rivendyll, gamit ang kapangyarihang meron ka. Ano? Kaya mo, diba, Charlito?"

Napalunok si Lotte. Bagama't seryoso ito ay nakita niya na kalmado ang mga mata nito. Humugot siya ng malalim na hininga, saka dahan-dahang iniabot ang nanginginig na kamay.

"Nice, Charlito," sabi nito. "Ngayon, tanggapin mo ang consent ng Arcane Seal ko."

Tinanggap din nito ang kamay niya at mahigpit na hinawakan. Umilaw ang marka sa harapan ng palad nito na noon lang napansin ni Lotte na naroon pala. Napanganga naman siya nang marekognisa ang simbolo: gulong na may mga linyang nagki-criss-cross sa gitna at may outer circle kung saan nakasulat ang mga simbolo. Mukha itong maliit na magic circle sa palad ni Muriel. At nagbibigay ito ng kulay-indigong liwanag.

"Wheel of fortune," bulong ni Lotte.

"Magaling. May plus five points ka sa grades mo." Napangiti na lang si Lotte dahil nakuha pa rin nitong magbiro. "Handa ka na?"

Tumango siya.

"Sigillum: Rotam Fortunae."

***

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon