[45] In Which They Run Through The Sewers

726 93 27
                                    

EPISODE 45:
In Which They Run Through The Sewers

"Nasaan na tayo?"

Parehong inilibot nina Lotte at Aelle ang mga mata. Tingin niya ay nasa isang underground tunnel sila. Or rather, sa isang sewer.

"Huh. Natitiis ng prinsipe na dumaan sa lugar na gaya nito?" sabi ni Aelle.

Tumabi naman ito nang muntikan na itong matuluan ng tubig mula sa itaas. Sa mga bato-batong pader ay may mga tumutulo ring tubig. Pati ang sahig na tinatapakan nila ay mas tama sigurong tawaging kanal.

Kaya naman nanatili na lang sila sa gilid na nagsisilbing sidewalk doon pare hindi sila mabasa, habang sinisiguro nilang hindi sila madikit sa mamasa-masang pader.

"'Yon ay kung dumadaan talaga siya rito," sabi ni Lotte. Tiningnan niya ang mapa. "Bale parte lang 'to ng mga network ng tunnels na nandirito sa kastilyo. Buti na lang na-secure natin 'to kung hindi mawawala talaga tayo. May daanan din pala rito diretso sa labas ng Northangia?"

Tumango ito. "Oo. Sabi ko nga, may mga ganitong klase talaga sa mga kastilyong gaya nito, para kung sakaling kailangang i-evacuate ng Royal Family ang lugar, may madadaanan sila. Magagamit din natin 'to pag tayo na naman ang tumakas."

Natawa na lang si Lotte.

Nagsimula silang maglakad at sinundan ang mapa, papunta sa kwarto ng prinsipe. Mala-maze ang mga pasikut-sikot, pero sa tulong na rin ng bagay na hawak nila ay madali na naman nilang matutunton 'yon. Habang naglalakad sila ay nag-uusap naman sila ni Aelle.

"Siya nga pala, Aelle, taga-saan ka ba?" tanong niya.

Sinulyapan siya nito ng matagal saka bumuga ng hangin. "Galing ako sa malayong bayan. Ikaw ba, taga-saan ka?"

"Taga-Magoria ako, pero alam mo na naman siguro 'yon. Nasabi ko na naman sa'yo kung sino ako, diba?"

Kumunot ang noo nito. "Oo, pero kaanu-ano ka ba nila? Magkapamilya ba kayo?"

"Hindi," aniya na natawa pa. "Katulong lang nila ako doon. Bale, napunta lang ako sa sitwasyong ito nang dahil na rin sa amo ko."

Nakatitig ito sa kanya, pero di niya na 'yon ininda lalo pa't abala siya sa pagtingin sa mapa.

"Taga-saan ka ba?"

"Galing din ako sa malayong bayan," sabi na lang niya. Hindi naman niya pwedeng sabihin dito na galing siya sa ibang mundo. Baka kasi ma-wirduhan ito sa kanya at pagdudahan siya nito.

"Gaano kalayo? Nasa ibang kontinente ba?"

Tumango siya. "Parang ganoon. Basta, malayo. Hindi mo na rin siguro alam kung nasaan 'yon."

"Marami na akong napuntahang lugar. Baka lang alam ko," sabi niya.

Napaisip si Lotte. Siguro naman sa laki ng mundo, hindi rin naman siguro nito alam lahat ng mga lugar. Kaya sinabi na lang niya.

"Dacarra City," sabi pa niya na ngumiti. Kumunot naman ang noo nito, kaya natawa siya. "Sabi ko sa'yo, diba? Hindi nga masyadong pamilyar ang lugar na pinanggalingan ko. Tsaka, nasa ibang kontinente 'yun kaya malayo talaga."

Marahan itong tumango. "Hindi nga pamilyar," sabi nito. "Kung ganoon, paano ka napunta rito sa Auvergnia?"

"Naghanap ako ng trabaho tapos may nakapagturo sa'kin sa bayan ng Magoria."

"Ang layo naman."

"Oo nga eh. Pero, wala na akong ibang pamilya eh, kaya tinanggap ko na lang," sabi na lang niya at nginitian ito. Muli siyang napatingin sa mapa at kumunot ang noo niya. "Hindi pa rin pala ganoon kadali kahit may mapa na tayo. Sa dami ng mga pasikut-sikot, makakarating kaya tayo agad doon?"

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon