[38] In Which Lotte Disguises Herself

687 86 26
                                    

EPISODE 38:
In Which Lotte Disguises Herself

Ngumiti naman ng malawak si Finnley nang tawagin ito ni Muriel. Pero si Muriel ay parang nakakita ng multo. Putlang-putla ito at halata ang kaba.

"Siraulo ka, nang-iiwan ka ngayon ha? Nang-iiwan ka na ngayon?" biro pa ni Finnley habang naglalakad papalapit kay Muriel. "Akala namin naglayas ka na!"

Rinig naman ni Lotte ang malakas na pagtawa ni Finnley. Hindi naman makakilos si Lotte sa kinatatayuan. Sinusulyapan niya si Muriel para sabihin kung ano ng gagawin. Ano na lang sasabihin ng kapatid nito pag nakita rin siya doon na kasama nito? Malamang ay maghihinala ito at magtataka kung bakit siya nandoon, lalo pa't alam ng mga ito nasa mansyon siya.

Pero sa halip na may sabihin, ay walang kaapog-apog lang siyang tinulak ni Muriel papasok sa isang tindahan. Sa lakas nito ay natumba si Lotte sa sahig. Ngunit buti na lang ay nasalo niya si Rivendyll kaya siya lang ang nasaktan at hindi ito napaano.

"A-anong ginagawa mo rito?" sabi ni Muriel na tumatawa pa ring masyado. Kumunot naman ang noo ni Finnley na nagdududa na ata kung bakit para itong kinakabahan. Dali-dali namang umalpas sina Lotte at Rivendyll papasok sa shop para magtago.

"Siraulo 'yung matabang mama na 'yon ah," sabi naman ni Rivendyll. "Okay ka lang po ba, mama? Lagot sa'kin 'yun mamaya."

"Ayos lang ako. Hindi naman ako nasaktan eh," pagsisinungaling niya. Muli siyang sumilip sa labas ng bintana at nakita niyang nag-uusap pa rin ang dalawa. Panay naman ang sulyap ni Muriel sa tindahang pinasukan nila. Siguro naman ay magiging maayos ito roon, kaya napagdesisyunan niyang doon na muna manatili sa shop hanggang nasa labas pa si Finnley.

"Mama, may gagawin po ba tayo rito?" tanong naman ni Rivendyll sa kanya.

"O-oo. May kailangan lang akong bilhin," sabi niya. Nagtitingin naman siya sa mga paninda roon. Kadalasan sa mga nasa estante ay mga magical ingredients na nakalagay sa jars at boxes, mula powders, potions, hanggang raw materials.

Hanggang sa makarating siya malapit sa counter kung saan may mga produkto roong nakahuli ng atensyon niya.

Hair Coloring Tablet.

May iba't-ibang kulay na nandoon. Kumuha siya ng iilan sa mga 'yon. Saka sa isang banda naman ay may capsule na nakakagpabago daw ng kulay ng mata. Kinuha rin niya ang ilan sa mga 'yon. May iba't-ibang bagay pa siyang nakuha, gaya ng candy na nakakapagpakulot daw ng buhok.

"Kukunin ko lahat 'to," sabi ni Lotte sa lalaking nagbabantay sa counter at inalapag lahat ng pinamili doon. Sinali na rin niya ang tatlong Re-Equipping Box Set. "Bibili pa ba ako ng damit para ilagay diyan?"

"Hindi na ho, Madamoiselle. May libreng mga damit na ho 'yan sa loob. Pati na po 'yang para sa bata," sabi pa nito. Medyo malaki-laki ang nabayaran ni Lotte pero di bale na lang. Kinuha naman niya ang bag. "Maraming salamat po, balik po kayo."

Pumunta naman siya sa isang sulok para doon magpalit. Mukhang magkausap pa rin sina Finnley at Muriel. Ibinaba niya na muna si Rivendyll.

"Sandali lang, magpapalit lang ako ng damit. 'W-wag mo lang sasabihin sa iba na ginawa ko ito, ha?" sabi niya rito. Tumango lang ang bata.

Una niyang ininom ang kulay yellow na tabletas. Saka niya sinunod ang iba pa. Sana lang ay hindi siya magmukhang clown sa gagawin niya.

At nang mainom na 'yon ay binigay niya kay Rivendyll ang Re-Equipping Box Set para dito. Inutusan naman niya ito na pindutin 'yon. Sa isang iglap, ay nagbago na ang damit nito.

"Wooow," mangha namang sabi ng bata. Natuwa naman si Lotte dahil maganda ang damit na napunta rito.

Ngayon siya na naman ang susubok. Kinakabahan pa siya dahil baka totoo 'yung sinabi ng isang tindero kanina na minsan nahuhubaran ang taong gumagamit nito. Lalo pa't napapasulyap sa kanya ang binatang tindero na binayaran niya kanina. Alam yata nito na may chance na mangyari 'yon. Kaya naghanap ng ibang lugar si Lotte.

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon