[49] In Which The Blood Demons and Mages Battle to Death

582 86 32
                                    

EPISODE 49:
In Which The Blood Demons and Mages Battle to Death

Dahan-dahan namang napatingin si Lotte sa paligid. Sa kung anong dahilan ay nakabulagta na pala ang mga blood demons na kalaban niya kanina. Maliban sa isa.

Tiningnan niya si Luan. Sa nanghihina niyang katawan at kamalayan ay dahan-dahan din siyang naglakad papunta rito.

Umatras naman ito.

"L-l-lumayo ka," sabi nito. Kumunot naman ang noo ni Lotte, nagtataka bakit parang natatakot ito sa kanya. "L-lumayo ka sabi!"

"Anong nangyayari sa'yo?" marahang sabi ni Lotte. "Kanina lang ang yabang mo. Ayos ka lang ba?"

Pero lalo lang siyang maguguluhan nang nagsimulang mamuo ang luha sa mga mata nito. Tinaas niya ang dalang patpat, dahil baka sugurin na naman siya nito bigla.

Subalit lalo lamang itong umatras. Tinaas pa nito ang mga kamay. "L-l-lumayo ka sa'kin! Parang awa mo na. G-g-gagawin ko ang lahat, 'wag mo lang akong patayin o saktan."

"Anong pinagsasabi mo?" sabi niya. "Eh ako nga 'tong pinagtulungan niyo kanina. Matanong ko lang—"

"Ano?"

"M-may dumating ba na Nagga dito?"

Tumigil ito sa kakaiyak. "Eh?"

Napalinga-linga siya sa paligid. "Eh kasi, parang natalo na yata ang mga kasama mo. May dumating ba rito para tulungan ako?"

Hindi agad makapagsalita si Luan. "A-a-ano bang pinagsasasabi mo? Eh i-i-ikaw nga ang may gawa ng lahat ng ito eh!"

Naguguluhang napatingin si Lotte sa paligid, saka nanlaki ang mga mata niya. Napatingin din siya sa hawak na patpat at nakita ang pagbabago ng anyo nito.

Kung ganoon, ang bagay na ito ay hindi pala isang ordinaryong patpat lang? sabi niya sa isipan. Kung hindi ay isang staff?

Muli inilibot ni Lotte ang mga mata. Kung hindi dumating si Rivendyll, posible ba na—ako ang may gawa nito? aniya sa isip. Tulad ng sinasabi ng batang blood demon?

Pero paano?

Hindi niya talaga maintindihan ang nangyari. Marahil, ang staff na 'yon ang dahilan bakit natalo ang mga blood demons. Siguro nga. Tingin ni Lotte ay malabo na kapangyarihan niya mismo ang may gawa niyon. Konti lang ang alam niya sa magic, at tanging stunning spell pa lang ang nagagawa niya.

Nakatingin pa rin siya sa hawak na staff nang makaramdam ulit siya ng pagkahilo. Napaluhod ulit siya sa sahig at pakiramdam niya ay naglalaho na naman siya.

Nagsusumigaw naman si Luan at tarantang napaatras mula sa kanya.

"'W-wag—parang awa mo na—pasensya na kung ginalit kita—" sabi nito na nagsisimulang umiyak.

"Ah, alam kong magkaaway tayo, pero pwede bang makiusap?" sabi ni Lotte. Maaaring hindi ito papayag, subalit sinubukan na lang niya. Maliban sa staff ay wala na kasi siyang ibang mahawakan.

"A-ano naman 'yun?" ani Luan. "K-kahit ano, basta 'wag mo lang akong sasaktan!"

Kahit nagtataka si Lotte bakit bigla na itong natatakot sa kanya ngayon, ay hindi na lang muna niya 'yon inisip.

"Pwede bang, pakikuha ng pastry diyan sa loob ng bag ko?" sabi niya na nanghihina na talaga. "H-hindi ko na kasi—hindi ko na kasi—"

Nadapa pa siyang lalo sa lupa.

"H-ha? S-sige, pero mangangako kang hindi mo ako sasaktan, ha?"

"Oo na."

"T-teka lang," sabi nito na hinalungkat ang bag niya. Wala siyang tiwala rito pero sa pagkakataong 'yon ay wala siyang magawa kundi humingi ng kaunting tulong. Isa pa, mukha talagang takot ito sa kanya, kaya naman mapapakinabangan niya 'yon. "E-eto."

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon