[3] In Which Lotte Meets Two Strange People

2.1K 148 29
                                    

EPISODE 3
In Which Lotte Meets Two Strange People

"Hindi, hindi—" Puno na ng desperasyon ang boses ni Lotte. Pinagkaskas niya ang dalawang kamay ngunit unti-unti na itong nawawala, at gumagapang na rin ito sa buong katawan niya. Ano bang nangyayari sa akin? "Bumalik ka sa dati, bumalik ka sa dati!"

Isang maliit na kamay ang marahang dumampi sa balikat niya. Agad na napalingon si Lotte sa takot na isa 'yon sa mga tao sa palengke na galit na galit sa kanya dahil lang sa gusto niyang hanapin ang mansyon ng mga Magoria.

Ngunit nang alisin nito ang hood ay nakita niya ang pamilyar na mga mata.

"Ikaw 'yung—" panimula niya.

"Hadi!" sigaw ng isa pang pamilyar na boses. May mga yabag na tumatakbo papunta sa kanya. Naalarma siya dahil kilala din niya 'yon, ngunit nang subukan niyang tumayo ay muntik lang siyang natumba. Napakapit naman siya sa pader ngunit tumatagos pa rin siya. Sinubukan din siyang alalayan ni Hadi.

"'Wag kang masyadong magalaw. Masyado ka nang mahina," sabi ng lalaki. Di gaya kanina ay hindi na matigas ang boses ng mga ito. "Kunin mo sa bag 'yung nakabalot ng dahon. Ako na muna bahala sa kanya."

Hindi na alam ni Lotte anong nangyayari. Nakakapit na lang siya sa pader habang nakaupo, at ang alam lang niya ay maglalaho na rin siya.

"E-eto—eto—" sabi ng boses ni Hadi. Inabot naman ng lalaki ang supot na binigay ng bata ngunit natisod ito sa nagkalat na mga bag na nabitawan nila kanina. Sinalo naman ng lalaki ang supot at binuksan ang bagay na nakabalot ng dahon ng saging.

"Kainin mo 'to," sabi ng lalaki.

Di man naintindihan ni Lotte ang ibig sabihin nito ngunit kinuha na rin niya at sinubukang kainin. Nahirapan pa siya dahil tumatagos lang ito sa kanya. Nagawa naman niyang makagat at manguya ang pagkaing binigay sa kanya.

Pakiramdam niya ay uri ng biko ang kinakain niya. O malagkit na lasang kanin na matamis.

Ilang segundo lang ay naramdaman niyang bumuti na ang pakiramdan niya. Tiningnan niya ang mga kamay at unti-unti na rin siyang nagiging solido. Hanggang sa bumalik na rin ito sa normal.

"Pangsamantala lang ang epekto sa'yo ng binigay ko, pero sapat na 'yon para sa ngayon," marahang sabi nito.

Natanggal na ang hood ng lalaki at sa nakita na rin ni Lotte ang mukha nito sa unang pagkakataon. Gwapo ang lalaki, lampas tenga ang may pagka-brown nitong buhok. Nakasuot ito ng salamin at ang unang impresyon ni Lotte dito ay mukha itong taong ang seryoso sa buhay. Pero pakiramdam niya ay mabait ito.

"Sino ka?" ani Lotte.

"Lewis," tipid na sagot nito. "Kapatid ko, si Hadrian."

Napatingin naman siya sa bata. Kumurap lang ito sa kanya at ngumiti na parang nahihiya. Mas lalo namang nacute-an si Lotte dito sa ikalawang pagkakataon na nagkita sila. Tantya niya ay mga nasa anim na taong gulang ang bata.

"Alam mo bang tumawid ka ng dimensyon?"

Napabaling siya kay Lewis. "Ha? Tumawid ako ng dimensyon?"

Napailing ito. "Di mo pa ba nahahalata na hindi ito 'yung mundo mo?"

"A-alam ko na naman na parang ganoon, pero—paano ako nakatawid ng dimensyon? Ang alam ko lang, sumakay ako ng tren at nakatulog ako at paggising ko, nandito na ako," aniya.

"Kaya ka naglalaho dahil hindi ito ang mundo mo. Kailangan mong kumain ng pagkain sa mundong ito para hindi ka tuluyang maglaho," ani Lewis. "Pero panandalian lang 'yon, kailangan pa rin natin makahanap ng permanenteng solusyon sa problema mo."

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon