[58] In Which Lotte Starts to Teach the Triplets

640 93 77
                                    

EPISODE 58:
In Which Lotte Starts to Teach the Triplets

Mula kay Muriel ay nalaman ni Lotte na hindi pala talaga nagbibiro si Nathan sa mga pinagsasabi nito sa kanya.

"Nakahuli ka na ba ng familiar dati?" sabi ni Lotte. "Kaya alam mo ang lahat ng ito?"

"Minsan. Noong medyo bata-bata pa ako," sabi ni Muriel.

Nakaupo silang dalawa sa isa sa mga mesa ng library. Free time ni Lotte, at tuwing wala siyang ginagawa ay napagdesisyunan niya na ipagpatuloy ang pag-aaral ng magic. Buti naman at willing si Muriel na turuan siya, dahil hanggang ngayon ay alangan pa rin itong lumabas at maghanap ng panibagong trabaho.

Bagay na ayos lang naman sa kanila dahil mukhang mainit pa ito sa mata ng World Sovereign. Nasa dyaryo pa rin ang mukha nito hanggang ngayon. At hindi pa rin tumitigil ang gobyerno ng Northangia para mahanap ito at lahat ng mga taong sangkot sa gulo sa Northangia.

Pati na si Lotte.

"Nakahuli ka na rin ng blood demon?" sabi ni Lotte.

Umiling ito. "Hindi. Ang mga blood demons ang isa sa pinakamahirap hulihin na familiars sa mundo. Likewise, sila din ang isa sa pinakamahirap na paamuhin," sabi ni Muriel. "Dahil na rin 'yon sa kapag hindi nga naging loyal sa'yo ang blood demon, ikaw ang unang tatargetin nila pag nakalaya sila."

Napayuko si Lotte at tinitigan na lang ang librong hawak niya.

"At mantakin mo, ang kasalukuyang pinakamalakas na blood demon pa talaga ang nahuli mo," natatawang saad nito. Natahimik ulit sila.

Mas naging malapit na sila ni Muriel mula noong umuwi sila ng Northangia. Sa katunayan, para na nga silang malapit na magkaibigan nito. Hindi rin kasi siya naaasiwa dito, dahil bagama't medyo maloko rin ito gaya ng iba pang kapatid nito, ay magaan naman ito kasama.

"May binanggit si Nathan tungkol sa intimacy levels. Ano 'yun? Seryoso ba 'yun?" sabi ni Lotte.

"Syempre naman. Doon mo masusukat kung gaano kaloyal ang familiar mo sa'yo," sabi ni Muriel. "Pero, may mga paraan naman para mapataas 'yon."

"Ano naman 'yon?" nagdududang tanong ni Lotte.

"Tulad ng sinabi niya, hayaan mo siyang sumama sa'yo kahit saan—"

"Baliw ka ba! Noong isang gabi, sinabi niya sa'kin kung gusto ko ba raw doon siya matulog sa kwarto ko. Syempre naman tinanggihan ko tapos—saktong nakita kong lumuwang ng konti 'yung Collar of Obedience," sabi ni Lotte na gustong sabunutan ang buhok. "May iba pa ba akong pwedeng gawin? 'Yong hindi ganoon katakot?"

"Inuutusan mo ba siya?"

"M-mga konting bagay lang. Gaya ng, samahan niya si Uno palagi," sabi ni Lotte. "Pero mukhang hindi siya natutuwa doon."

"Malamang. Imbes na ilapit mo siya sa'yo, lalo mo siyang inilayo."

"Ano namang pwede kong iutos? Ayoko namang isipin ng mga kapatid mo na 'yung maid niyo eh kinuha din ang isa sa inyo para gawing katulong!"

Natawa si Muriel sa sinabi niya. "Maniwala ka. Naiintindihan nila 'yon," sabi nito. Natahimik ulit sila habang nag-iisip pa rin ng malalim si Lotte. "Hmmm, bilang isang blood demon si Nathan, tingin ko may short cut para maging loyal siya sa'yo."

"At ano 'yon?" sabi ni Lotte.

Umiling ito ng mabilis. "'Wag na nga. Tingin ko hindi mo rin magugustuhan ang paraang ito. At isa pa, baka patayin ako ni Rivendyll pag nalaman niyang tinuro ko 'to sa'yo."

"Sabihin mo na lang kaya. Kung may paraan para hindi siya makawala at mag-amok, baka naman kayanin kong gawin."

"Sigurado ka?" Tumango si Lotte. "Sige, ibubulong ko na lang."

Phantasmagoria (Wattys2018 Winner)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon