Ensaymada

4 0 0
                                    


Espesyal ka sa'kin at iyon ang totoo,
Magkaiba nga tayo ng mundo,
Kaalaman, paniniwala, opinyon at kung ano pa man.

Mula sa doon sa pagtagu-taguan natin,
Isang araw sumilip lang ako noong nalulungkot ako,
Nagulat ako dahil nakita mo ako doon sa bintana,
Kaya pinapasok mo ako pero hanggang sala lang.

Dati abot taas pa ang paglalaro natin pero ngayon hanggang dito lang,
Silip lang din sa may kusina,
Pero binigyan mo naman ako ng tinapay.

"Ensaymada" alok mo.

pero sabi ko, "Hindi ako nakain niyan e."

"Huh? Bakit?" tanong mo agad.

"Ayoko ng maraming asukal sa tinapay." sagot ko naman.

"Ah, ako kasi mahilig sa maraming asukal sa tinapay." sabi mo.

Hindi ko alam na mahilig ka pala sa Ensaymada tapos may kasamang kape.

Kaya itinabi mo na lang 'yong tinapay.
Masaya naman tayo habang nakaupo sa inyong sala.

Gusto ko na munang umuwi,

Gusto ko kumain ng tinapay na walang asukal. Kaya umalis ako sa inyo ng walang paalam, nawala ka rin kasi.
Hindi ko alam kung anong ginagawa mo kaya hindi na ako nagpaalam.

Noong umuwi na ako umupo ako sa sala namin.

"Oh anak buti nakauwi ka na, ito Ensaymada paborito mo."

Hindi ko alam bakit hindi ko tinanggap 'yong Ensaymada na alok mo.

Hindi ko rin alam bakit ko nasabi na hindi ko gusto ang may asukal sa tinapay.

Bigla akong napaisip na kahit espesyal hindi mo pa rin pala kayang tanggapin.

Dahil siguro iba ang pagkakaluto o iba ang ginamit na margarine?

'Yong iba sakto lang ang asukal at hindi marami, meron ding cheese ang iba naman ay wala.

Kung tinanggap ko ang alok mong Ensaymada mananatili ba tayo sa sala?

IWhere stories live. Discover now