17-Pagsisinungaling

972 31 3
                                    

INILAPAG ni Aling Milagros ang isang tray ng pagkain sa side table kaya't natawag niyon ang atensyon ni Ella. Napabangon ang dalaga. "Ella, kumain ka na muna. Para bumuti na ang pakiramdam mo."

"Salamat po," sagot ni Ella na may kasamang matipid na ngiti. Lumapit sa kanya ang matanda at naupo sa gilid ng kama. Tumitig ito sa kanya at hinagap ang kanyang kamay.

"Ella, kamusta ka na? Ang ibig kong sabihin e...'yong pakiramdam mo, ayos na ba? 'Yong sugat sa kamay mo?" bakas sa mukha ni Aling Milagros ang pag-aalala para sa dalaga.

"Ayos na po ako. Huwag n'yo na po akong alalahanin. Saka maliit lang naman po itong sugat sa kamay ko. Aksidente lang po talaga 'yong nangyari," sagot ni Ella. "Papasok na rin po ako bukas."

"Ella..." tumitig ang matanda sa kanya nang diretso kasabay nang malalim na pagtitig nito. "Nakita ko ang buong pangyayari. Kitang-kita ko ang matinding takot na naramdaman mo ng mga oras na iyon. Ella...para na rin kitang tunay na anak. At ayaw kong mapahamak ka. Kaya sana...magsabi ka sa akin ng totoo. May naaalala ka na ba?"

Dahil sa narinig sa matanda'y bigla siyang kinabahan. Bahagya niyang ibinaba ang tingin rito, pagkat pakiramdam niya'y hindi niya kayang dalhin ang bigat ng pagkakatitig nito sa kanya. Hindi pa niya kayang aminin dito ang buong katotohanan. Lalo na't magiging malaki ang kabayaran ng katotohanang iyon. Pinilit niyang pakawalan ang isang alanganing ngiti para sakaling mapakalma niya ang sarili at si Aling Milagros. Ngunit pakiramdam niya, hindi iyon magiging sapat. "Ayos lang po talaga ako."

Sa gitna ng pag-uusap nilang iyon ay ginulantang sila ng biglaang pagkalabog at pagbukas ng pintuan. Bumulaga sa kanila si Joseph habang habol-habol nito ang paghinga. Maging si Aling Milagros ay hindi inaasahan ang maagang pagdating ng anak, lalo pa't ganoon ang ayos nito."O, anong nangyari? Bakit ang aga mong umuwi? Saka bakit hindi mo kasama ang kapatid mo?"

Sa halip na sagutin ni Joseph ang katanungan ng ina ay nagawi ang paningin niya kay Ella na kasalukuyang nakatitig rin sa kanya. Nabakas niya sa mga mata nito ang pagkagulat dahil sa pagdating niya. At sa pagkakatama ng kanilang paningin, lalo niyang nahukay ang emosyong natatago sa mga matang iyon. Ang emosyong nagpatigil saglit sa kanyang puso at nagdulot ng panlalamig sa mga himaymay ng kanyang kalamnan. Punong-puno ng takot ang nadama niya sa mga titig ni Ella. Iyon ang dahilan kung bakit maging siya, hindi niya magawang makapagsalita. Ang pumigil sa kanyang hangarin nang mga sandaling iyon.

"Joseph!" ang malakas na boses ni Aling Milagros ang naging dahilan para mahimasmasan siya. Agad siyang nag-iwas ng tingin sa dalaga at ibinaling ang atensyon sa ina. Ngunit pati ang kanyang ina ay nabalot rin ng pagtataka at pag-aalala. Saka lamang niya napagtanto ang ayos niya ng mga sandaling iyon: Pawis na pawis at hinahabol ang sariling paghinga.

"Ano ba 'yang hawak mo?" usisa ni Aling Milagros Napatitig siya sa sariling kamay. Iyon ang pahina ng librong nakuha niya kay Marco De Leon. At iyon rin ang dahilan kung bakit humahangos siyang umuwi.

"A...e...wala ho, quiz lang ho," pagsisinungaling niya. Nilamukos niya agad ang papel at isinilid sa bulsa.

"Alam mo, anak. Nagtataka ako sa'yo? Bakit ba nagmamadali kang umuwi? Akala ko ba susunduin mo ang kapatid mo?"

"A, gusto ko lang hong masiguradong ayos na si Ella," nauutal pang sagot niya. Maging si Joseph, nagulat sa mga salitang biglaang lumabas sa bibig niya. Bakit nga ba sa lahat ng palusot, iyon pa? Naramdaman niya tuloy ang pag-iiba ng hangin sa loob ng kuwarto. Halos murahin na tuloy niya ang sarili sa kanyang isip. Ni 'di niya magawang magtapon ng tingin sa dalaga dahil sa hiya. Kung tutuusin, puwede naman niya itong itext, dahil ibinili naman niya ng cellphone ang dalaga. Bakit nga ba sa lahat ng ikadudulas, iyon pa? Dahil ba sinasabi ng utak niyang iyon ang pinakamabisang palusot, o iyon lang talaga ang totoong nararamdaman niya?

"A, sige ho, Mama. Magbibihis na ho ako. Susunduin ko na lang si David mamaya," palipad hanging sagot niya saka mabilis na nilisan ang kuwartong iyon.

Aminado si Ella na maging siya'y naguguluhan sa mga ikinikilos ni Joseph. Pakiramdam niya, mayroon itong itinatago. Dama niya sa mga titig nito na pinipigil lamang nito ang sarili. Kakaiba ang mga iyon, kaya't hindi niya maiwasang mangamba. Pero may bahagi ng utak niyang nagsasabing wala naman siyang dapat na ikatakot kay Joseph. Sa ipinapakita nitong pag-aalala sa kanya, hindi niya maitatangging napapagaan nito ang pakiramdam niya. Kapag kasama niya si Joseph, alam niyang ligtas siya.

Inferno's HeiressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon