30-Gisingin

744 24 2
                                    

"SABI NA nga ba't dito kita makikita." Si Aling Milagros. Maaliwalas na ang mukha nito. Bagama't naka-wheel chair at nahihirapang kumilos, nagawa nitong makarating sa balon. Buti nga lamang at hindi naman 'yon kalayuan sa bahay nila. Naabutan niya roon si Joseph, walang suot na pang-itaas, nakaupo lamang sa isang nilulumot na tuod na kahoy. Nandoon ang mga timba sa gilid ng balon ngunit wala ni isa man roon ang nalamanan na ng tubig.

"Mama..." gulat si Joseph. "B-bakit pa kayo nagpunta dito, dapat ay nagpapahinga na kayo," suhestyon ni Joseph. Hinablot niya ang nakasampay na nabasang T-shirt at saka isinuot.

"Alam mong hindi kita matitiis,"sagot naman ni Aling Milagros. Ipinagulong niya ang wheel chair papalapit sa anak. "Huwag kang mag-alala, okey na si David," napangunahan na siya ng ina. "Napagod lang sa pagliligpit."

"Sorry po, Mama..."pagpapatuloy ni Joseph. Mahina ang pagkakabigkas niya sa mga salitang iyon dahil nahihiya pa rin siya sa kanyang naging asal. Pero ikinagulat niya ang paghampas ng ina sa kanyang balikat. Hindi ganoon kalakas pero sapat na para gisingin ang kanyang pandama. Pagtingin niya sa mukha ng ina ay seryoso ito.

"Ikaw na bata ka talaga! Hindi ako nagpakahirap magpagulong ng wheel chair na ito dito para marinig lang 'yang sorry mo! Nandito ako para gisingin ka!" Tinitigan siya nang diretso ni Aling Milagros na parang tutunawin siya. Mata sa mata. Nahihiya man ay sinikap niyang ipokus ang atensyon sa ina.

"Ano? Habang buhay ka na lang bang magmumukmok dito? Hindi ka ba kikilos para sundin yang tibok ng puso mo? Anak ayaw kong makita kang nasasaktan. Nasasaktan dahil nagsisisi kang hindi mo ginawa ang dapat mong gawin."

"Mama, hindi ko-

Bago pa man makapagsalita si Joseph ay pinutol muli siya ng ina.

"Hindi mo alam ang gagawin kasi natatakot ka? Natatakot ka sa pinagmulan ni Ella? Natatakot sa maaaring mangyari? Natatakot kang-

"Natatakot ako dahil hindi ko siya kayang ipaglaban! Dahil simula pa lang, hindi na kami nararapat sa isa't-isa! Wala nang saysay pa kung ipagpapatuloy ko ang nararamdaman ko para sa kanya." Nagsimula nang mangilid ang mga luha sa mata ng binata.

"Joseph, kung mahal mo si Ella, hahamakin mo ang lahat. Ipaglalaban mo siya. Walang makakapigil sa inyo. Kahit ang impyerno."

Tumagos ang mga salitang 'yon sa bawat himaymay ng kamalayan ni Joseph. Tuluyan nang bumagsak ang isang buong luha mula sa kanyang kanang mata. Ngunit nandoon si Aling Milagros at pinunas iyon.

"Sabi ko sa'yo, may dahilan ang lahat. Dumating si Ella sa buhay mo...dahil kailangan mo siya. At ngayon, kailangan ka rin niya. Anak, huwag kang susuko...para sa kanya."

"H-hindi ko alam kung saan magsisimula..."ani Joseph. Sa pagkakataong iyon, hinawakan ni Aling Milagros ang kanyang palad at idinikit 'yon sa kanyang kaliwang dibdib.

"'Di ba ang sabi ko sa'yo, 'yan ang magtuturo ng dapat mong gawin? Kailangan mo lang pairalin ang pagmamahal na nandyan sa puso mo."

Napapikit na lamang si Joseph habang dinarama ang init na nagmumula sa kamay ng ina habang hawak niya rin ito. At sa kadilimang 'yon, kasabay ng malakas na pagkabog ng kanyang dibdib, nahanap niya ang saglit na kapayapaan. Tumahimik ang paligid. At sa tagpong 'yon, mistulang isang pelikula na umandar nang napakabilis ang lahat ng kanyang mga alaala kasama si Ella-at doon, doon niya napagtanto ang dapat niyang gawin.

"Ngayon, ano ang sinasabi niya sa'yo?" wika ni Aling Milagros, inalis na ang palad sa dibdib ng anak. Nagbukas na rin ng mga mata si Joseph.

Walang anumang salitang naisagot si Joseph sa kanyang ina. Ngunit isang matamis na ngiti ang kumawala sa mga labi ni Aling Milagros. Dahil base sa ekspresyon, at sa pagkakatitig ng anak sa kanya, hindi na niya kailangan pang marinig ang sagot nito.

Mula sa pagkakaupo sa tuod, tumayo si Joseph at binigyan ng yakap si Aling Milagros. "Sige na, huwag mo na akong intindihin. Lumakad ka na. Tumakbo ka na! Bilisan mo! Habulin mo na ang mahal mo!"

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now