56-Digmaan

651 18 4
                                    

UMALINGAWNGAW ang malakas na pagdaing ni Devila nang markahan ni Lucifero ng simbolo na bilog na may malaking mata sa gitna, ang noo ni Devila sa pamamagitan ng punyal na gawa sa sungay ng isang diyablo. Pagkatapos ay inilubog na ni Lucifero ang talim ng punyal sa tubig ng Bukal. Pumikit si Lucifero at umusal ng engkantasyon:

"Dugo ng Susi sa Katuparan,

Dugong iaalay sa Asul na Araw,

Dugong dadanak gamit ang Punyal,

Dugong Susi sa Kapangyarihan!"

Pagkawika ni Lucifero ng engkantasyong iyon ay natunghayan ni Devila ang paglalagablab ng asul na apoy sa punyal na hawak ng ama. Sumilay ang napakalapad na ngiti sa mukha ni Lucifero at itinutok sa kanya ang lumiliyab na punyal.

"A-anong gagawin mo?"

Nangibabaw ang matinding takot kay Devila sa kasunod na ginawa ng ama. Nagpumiglas siya ngunit 'di pa rin siya makagalaw dahil sa pagkakagapos na ginawa ng ama. Narinig ni Devila ang tinig ni Dayab mula sa likuran at bumulong ito sa kanya.

"Magtiwala ka sa panginoon, mahal ko. Hindi na ako makapaghintay na mapasaakin ka!" at umalingawngaw ang paghalakhak ni Dayab na halos mabingi na siya. Naniniwala pa rin itong susunod na ang seremonyas ng kanilang pag-iisang dibdib.

Nagsisigaw si Devila kasabay ng walang kalaban-laban niyang pagpupumiglas nang sinimulang susugin ni Lucifero ang markang ginawa nito sa kanyang noo gamit ang nagliliyab na punyal. Maya-maya ay umaalingawngaw na rin ang pag-ungol ni Lucifero at ang pagliliyab ng buong katawan nito sa asul na apoy.

Habang tumatagal ay lalong nanghihina si Devila sa ginagawa ng ama. Hindi na siya makapumiglas pa at naipikit na lang niya ang sumuko nang mga mata. Kahit na hindi niya maintindihan ang eksaktong ginagawa ng ama, isang bagay na lang ang tumatakbo sa isip niya: katapusan na niya.

"Tama na!"

Sa pagkakapikit ni Devila na iyon ay narinig niya bigla ang isang pamilyar na boses na siya ring nagpatigil sa ginagawa ng ama.

'Paanong—

Pagmulat ng kanyang mga mata ay hindi niya inaasahang masisilayan niya muli ang nagmamay-ari ng tinig na iyon. Hindi man siya halos makapaniwala, nabuhay muli ang mumunting pag-asa ni Devila.

"Damarkus!"

Kapwa nagulat sina Lucifero at Dayab. "Buhay ka? Imposibleng—

"Oo. Buhay na buhay. At hindi ako papayag na maisakatuparan mo ang balak mo!"

Nagbato ng isang bolang apoy si Damarkus kay Lucifero ngunit nasalag iyon ng huli.

"Hindi ka magtatagumpay!"

"'Yan ang akala mo."

Sumilay ang ngiti kay Damarkus. Ginamit lang palang panlilinlang ni Damarkus ang bolang apoy. Nilagyan niya iyon ng engkantasyon. Nang salagin iyon ni Lucifero ay bigla itong naglaho at napadpad sila ni Damarkus sa Kawala.

Dahil doon nakalapit si Joseph sa trono at sa pamamagitan ng higanteng tinidor na nilagyan ni Damarkus ng kapangyarihan ay tinanggal niya ang mga kadenang apoy na gumagapos kay Devila. Isang panandalian ngunit mahigpit na yakap ang isinalubong ng binata sa prinsesa.

"Joseph? Paano—

"Sa susunod na ako magpapaliwanag. Kailangan na nating umalis dito! Hindi ililipat sa'yo ang trono kundi papatayin ka ng iyong ama!"

Nanghilakbot si Ella sa narinig. "Ano?"

Nanghihina pa man ay sinikap na tumayo ni Devila. Pero bago pa man sila makaalis ay naharang na sila ng napakaraming mga Lakaw at ng nagngingitngit na si Dayab. Itinutok nito ang hawak na sandat kay Dayab. "Lapastangan! Hindi mo puwedeng itakas ang prinsesa!"

Inferno's HeiressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon