51-Sanctuario

492 19 2
                                    

MATAPOS ang napakahabang pananatili sa kadiliman, nabanaag niya ang aandap-andap na liwanag. Maliit. Palaki nang palaki. Palakas nang palakas. Hanggang sa tuluyan nang lamunin ng liwanag ang kadiliman.

Siya ang kadiliman.

"Aaahhh!"

Umalingawngaw ang basag na tinig na iyon sa kanyang kamalayan.

Kamalayan.

Buhay pa siya.

Buhay pa siya?

Paano?

Bumalikwas siya. Iminulat niya ang mga mata. Madilim. Wala siyang makita. Mumukat-mukat. Malabo. Hanggang sa unti-unting lumilinaw. Nasilayan niya ang napakaraming mata. Mga matang sasaktan siya!

"Huminahon ka! Hindi ka namin sasaktan!" Narinig na naman niya ang basag na tinig.

Sinunod nga niya ang sinabi nito. Tumigil siya sa pagpupumiglas. At sa pagtigil niya, luminaw nga nang tuluyan ang lahat.

Tumambad sa kanya ang mga nagmamay-ari ng mga matang nakatingin sa kanya. Nakapalibot ang mga ito sa kanya.Yinuko ng mga ito sa kanya ang kanilang mga ulo. Mga diyablo. Mga kaluluwa. Magkakasama.

"Apo, magpapaalam na kami." Narinig niyang wika ng isang diyablo sa kaluluwang may basag na tinig. Maya-maya'y nag-alisan na nga ang mga ito at naiwan na lamang ang kaluluwang may basag na tinig. Saka niya lamang lubusang nasilayan nang buo ang kanyang kinaroroonan.

Madilim. Ngunit tinatalo ng mga liwanag ng apoy na nagmumula sa mga sulo ang kadiliman. Nasilayan niya ang mga bato. Malalaking bato. Matutulis na bato. Sa ilalim. Sa itaas. Sa gilid. Sa buong paligid. Gawa ang lahat sa bato.

"Damarkus."

Narinig niya ang pag-usal ng kaluluwang may basag na tinig sa kanya. Ang tinatawag ng mga diyablo at kaluluwa kanina na 'Apo'. Pero paano? Paano siya nito nakilala?

"P-paano mo ako nakilala? A-at nasaan ako?" Napahawak si Damarkus sa kanyang leeg nang magsimula siyang magsalita. Pakiramdam niya'y napakatagal niyang nawala at pati ang pagsasalita ay nakalimutan na niyang gawin.

Ngumiti sa kanya ang kaluluwang may basag na tinig. "Sino ba naman ang hindi makakakilala sa iyo? Kahit na sabihing medyo nagbago na ang anyo mo sa mahabang panahon? Kilala ka ng lahat. Ikaw si Damarkus. Ang Kalihim ni Lucifero," pagpapatuloy pa nito. Kinagulat niya iyon. "At nandito ka sa Sanctuario."

Hindi maapuhap ni Damarkus ang sasabihin. Hindi pa rin siya makapaniwala. Sa ilang daang taon ng kanyang buhay ay hindi niya pa kailanman narinig ang lugar na iyon sa impyerno. Nahihibang na ba ang mga ito? O, siya ang nahihibang?

"S-sanctuario?"

"Oo, tama ka nang narinig. Ang lugar na ito ang nagsilbi na naming sangktwaryo. Kami na rin mismo ang nagpangalan sa lugar na ito. Dito, mapayapang namumuhay ang mga makasalanang kaluluwa at mga diyablo. Walang nagdurusa. Walang nagpaparusa. Ito na ang nagsilbi naming langit. Kahit napakatagal na naming nakakulong dito."

Hindi pa rin makapaniwala si Damarkus sa kanyang naririnig mula rito. Paano nangyaring may ganoong klaseng lugar sa impyerno? Paano sila napadpad roon?

"P-pero paano ako nakarating dito?"

"Natagpuan kita sa gilid ng Batis. Walang malay. Kaya dinala ka namin dito. Puro lapnos ang katawan. Ganoon ang nangyayari sa mga napapadpad rito. Dahil tulad mo, lahat ay nanggaling sa Bukal."

Nanlaki ang mga mata ni Damarkus. "Paano ako nakaligtas? Paano kayo nakaligtas? Walang sinuman ang nakakaligtas sa Bukal," giit ni Damarkus. Ngumisi lamang ang kaluluwa.

"Iyon din ang akala ko. Ang akala ng lahat ng nandirito. At marahil, iyon din ang akala ni Lucifero. Kaya kailanman ay hindi niya natuklasan ang lihim na lugar na ito. Akala niya ay tuluyan na niyang mabubura ang lahat ng nilalang na gusto niyang burahin. Pero, nandito pa kami. Hindi namin alam ang hiwagang bumabalot sa Bukal, pero itinuturing na lamang namin 'yong himala. Kaligtasan."

Napatulala na lamang si Damarkus sa mga tinuran ng Apo. Maya-maya'y ito naman ang nagtanong sa kanya. "Ngunit paano ka napunta sa Bukal? Anong nagawa mo kay Lucifero at gusto ka niyang burahin?"

Dahil sa tanong na 'yon ay bumalik sa kanyang alaala ang kanyang pakay. Sa halip na sagutin ang katanungan ng Apo ay mabilis siyang umalis sa kinasasadlakang higaan. Nakaramdam siya ng bahagyang pag-ikot ng kanyang paningin pero sinikap pa rin niyang makatayo. Gaano katagal siyang nakatulog?

Hinagilap niya ng tingin ang bawat sulok ng silid na iyon. Ngunit hindi niya makita ang hinahanap. Nasaan na? Nasaan na ang Aklat sa Katuparan?

Hinanap niya ang daan palabas sa silid na iyon ngunit pinigilan siya ng kaluluwang may basag na tinig. "Saan ka pupunta?"

"Hindi ako maaaring magtagal dito. Kailangan ko nang umalis!"

Nahawakan nito ang kanyang braso. "Pero Damarkus, walang sinuman ang nakalalabas ng Sanctuario!"

"Ano? Imposible! May daan papasok, kaya may daan din palabas!"

"Makinig ka! Marami nang nagtangkang lumabas sa lugar na ito pero walang nagtagumpay. Mahirap ipaliwanag pero sarado ang lagusan papalabas ng Bukal!"

Nabanaag niya sa mukha ng Apo na nagsasabi ito nang totoo.

"Pero kailangan kong subukan! Kailangan kong mahanap ang Aklat!" sigaw niya. Nagpumiglas siya para makalabas roon. Paglabas niya ay tumambad sa kanya ang isang batis. Kulay-dugo ang tubig. Walang-hanggan. Walang hanggang batis. Napaluhod na lamang siya sa batuhan.

Paano na?

Bigo siya. At habambuhay na siyang makukulong sa huwad na langit na iyon.

"Ito ba? Ito ba ang hinahanap mo?" Narinig niya muli ang Apo na nagsalita mula sa kanyang likuran. Sa paglingon niya rito ay nanlaki ang mga mata niya nang makita ang hawak nito.

Ang Aklat sa Katuparan.

At ang mga nawawalang pahina!

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now