33-Bunga ng Paghakbang

758 24 2
                                    

AT SA paghakbang ng kanyang mga paa patungo sa lagusan—

Kakaibang init ang kumulong sa kanyang katawan. Hindi dahil sa impyerno kundi sa ibang dahilan. Binalot ng kakaibang sensasyon ang kanyang buong pagkatao. At 'di na napigilan pang manlaki ang kanyang mga mata nang mapagtanto kung ano ang dahilan niyon—mga matitipunong bisig na kumulong sa kanya.

Mahigpit na mahigpit 'yon na parang ayaw na siyang patakasin pa. Ni hindi man nga lamang ito napapaso kahit naglalagablab ang buo niyang katawan. Maya-maya'y narinig niya ang gumagaralgal at humihikbing bulong mula sa kanyang likuran. "E-ella, patawarin mo ako. P-pakiusap, huwag mo akong iiwan."

Ang tinig na 'yon. Ang tinig na matagal na niyang hindi narinig. Ang tinig na matagal na niyang hinintay na muling mapakinggan.

Ang mga yakap nito. Ang mga pagsusumamo nito. Ang siyang tuluyang nagpabagsak sa kanyang mga luha. At tuluyang nagpahupa sa kanyang mga apoy at nagpabalik sa kanyang wangis-tao.

"J-joseph..." tanging iyon lamang ang mga katagang lumabas sa mga labi ni Ella nang harapin niya ang binata. Ni hindi nga niya inindang wala siyang anumang saplot ng mga sandaling 'yon. Basta't nagtama lamang ang kapwa lumuluha nilang mga mata.

Hindi na napigilan pa ni Damarkus ang tuluyang pagsasara ng lagusan. At tanging ang pagbuhos ng malakas na ulan ang naging saksi sa kaganapang 'yon ngunit pare-pareho nilang hindi inalintana.

"Joseph...patawad sa lahat ng sakit na naidulot sa pamilya mo. Sa iyo. Patawad kong niloko ko kayong lahat."

"Wala na 'yon, ha? Na-naiintindihan kita. Kung bakit mo ginawa ang lahat ng 'yon. Tanggap ko kahit ano ka pa..." Hinawi ni Joseph ang nabasang buhok ng dalaga na tumakip sa mukha nito. Tinitigan niya si Ella.

"A-ako ang humihingi ng sorry. Sorry dahil pinag-isipan kita nang masama. Sorry kung nahusgahan kita. Sorry dahil nagpadala ako sa galit at takot. At sorry dahil 'di kita nagawang ipagtanggol."

"Joseph..." hinimas ni Ella ang pisngi ni Joseph matapos niyang makitang may mga sugat ito sa mukha at katawan.

"Ella...kailangan kita. Ella, mahalaga ka sa buhay ko, at hindi ko kayang mawala ka." Humugot ng isang hininga si Joseph. "Ella...m-mahal kita."

Nanginig si Ella. Hindi dahil sa lamig na dulot ng ulan, kundi dahil sa narinig. Bumilis ang tibok ng puso ni Ella. Hindi rin niya maipaliwanag ngunit pakiramdam niya'y may mga lumilipad na kung ano sa tiyan niya. Hindi niya maitatanggi na lihim na nagdiriwang ang puso niya. Dahil sa wakas, narinig na niya sa binata ang pinakamatatamis na salitang gusto niyang marinig mula rito...noon pa. Gayunman, napipi siya. Hindi niya ito nagawang sagutin pabalik.

Sa halip na sumagot kay Joseph, ay naibaling niya ang paningin kay Marco. Nagkatama ang mga mata nila. Basang-basa na rin ito ng ulan ngunit nananatili pa rin itong nakatayo roon. Seryoso ang mukha nito at tila walang emosyong gustong ipakita sa kanya. Wala itong imik at nakapanood lamang sa kanila ni Joseph.

Hindi na ito nakapag-iwas pa ng tingin nang mapabaling siya sa binatang diyablo. Sa halip, bahagya lamang itong tumugon. "A-ang mabuti pa, pumasok na muna tayo sa loob ng bahay."

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now