13-Tunay na Anyo

1.4K 45 6
                                    

DUMAGUNDONG ang malakas na palakpakan sa loob ng klase. Para iyon sa tinawag na pangalan ng kanilang propesor, sa nakakuha ng mataas na marka para sa pagsusulit: walang iba kundi si Ella Ramirez.

Nanginginig si Ella nang humarap siya sa klase. Hindi iyon ang kauna-unahang pagkakataong masentro sa kanya ang atensyon ng karamihan; ang pinagkaiba lang ay hindi para punahin ang kanyang kakulangang pisikal, kundi para papurihan ang nakamit niya. Mula doon ay sari-saring mukha ng kanyang mga kamag-aaral ang nakamasid sa kanya. Ang iba'y natutuwa para sa karangalang natanggap niya at binabati siya. Ang iba nama'y walang pakialam at halatang nakikipalakpak lang. At siyempre, hindi mawawala ang mga nanghuhusga at naiinggit sa kanya. Bagaman, unti-unti na rin naman niyang natututunang makibagay sa mga ito. Hindi na lamang niya ito pinapansin.

"Congratulations, Ms. Ramirez. Keep up the good work." Kaswal ang ngiti sa kanya ng guro habang iniabot nito sa kanya ang kanyang papel. Gayunman, hindi niya pa rin magawang suklian rin ng ngiti ang guro sa hindi niya maipaliwanag na dahilan. "One of these days, I want you to go to the Math Office, para naman maipakilala kita sa mga kasamahan ko. Siguradong matutuwa sila to have a bright student like you..." paanyaya pa nito sa kanya. "Sige, puwede ka nang maupo."

Pagbalik niya sa kanyang upuan ay ang matamis na ngiti ni Joseph ang sumalubong sa kanya. "Congratz, Ella. Masaya ako para sa'yo."

"Salamat..."

"Sa totoo lang, dapat talaga siyang magpasalamat sa binata. Dahil kung hindi sa tulong nito, hindi niya marahil natanggap ang karangalang iyon. Halos araw-araw siyang nag-aaral kasama ang binata, at ito ang nagtuturo sa kanya. Hindi lang tungkol sa kanilang mga leksyon, kundi ang iba pang mga bagay na may kinalaman sa mundo ng mga mortal. Kitang-kita niya ang pagsisikap nito sa pag-aaral, at ang dedikasyon nitong matupad ang pangarap. Kaya para sa kanya, kay Joseph talaga nararapat ang papuring iyon.

"O, bakit parang hindi ka masaya? Ngiti naman d'yan!" wika sa kanya ni Joseph matapos nitong mahuling nakatulala lamang siya sa binata. Nahiya tuloy siya kaya't pinilit na lang niyang paarkuhin ang kanyang pilit na ngiti,

Lingid sa kaalaman nila, mayroon na palang nanonood sa kanilang dalawa mula sa likuran. Si Katrina. Magkakrus ang mga bisig nito at nanlilisik ang mga mata dahil sa nararamdamang selos at inggit. Hindi man nagsasalita, nagsisisigaw na ito sa isipan. "Hayop ka talagang babae ka! Sabihin na nating matalino ka nga. Pero hanggang doon ka na lang! Dahil kahit anong gawin mo, pangit ka pa rin...Hindi ako papayag na ikaw ang maging bida dito. Hindi ako papayag na maagaw mo sa akin si Joseph. Akin lang siya!"

NAGTUNGO sa Ladies Restroom si Ella upang mag-ayos ng kanyang sarili. Katatapos lang nilang kumain ng tanghalian sa Cafeteria at nagpaalam na siya kay Joseph na nagtungo na rin sa klase nito. Nagpasya siyang pumunta muna roon dahil nakararamdam siya ng paglalagkit ng kanyang mukha. Lalo na sa parteng may peklat niya. Bahagya itong naglalangis na hindi naman niya alam kung bakit. Buti na lang at nagkataong mag-isa siya ng mga oras na iyon doon dahil class hours na.

Naghilamos muna siya na nagpagaan ng kanyang pakiramdam. Medyo naibsan nito ang 'pag-aalburuto' ng kanyang peklat. Kinuha niya ang kanyang shoulder bag at dinukot roon ang kanyang balabal. Nangako siya kay Joseph na hindi na isusuot iyon, pero kailangan niya iyong isuot sa oras na iyon.

Akmang isusuot na niya ito nang sa pagtunghay niya sa malaking salamin, isang hindi inaasahang tao ang bumulaga sa kanya. Para itong multo na bigla-bigla na lamang sumusulpot, dahilan para magulat siya. Idagdag pa ang seryoso nitong pagkakatitig sa kanyang repleksyon. Walang iba kundi si Katrina.

"May problema ba?" tugon niya rito sa kanyang pagharap. Mahihinuha niyang mayroong hindi maganda base na rin sa pagkakatitig nito sa kanya.

"Ikaw ang problema ko!" Napapitlag pa siya dahil sa lakas ng boses nitong umalingawngaw sa loob ng banyo. Buti na lamang at sila lang dalawa ang naroroon. Wala nang iabang makakasaksi sa ginawa nitong panduduro sa kanya.

Inferno's HeiressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon