5-Sa Balon

2.4K 80 6
                                    

IBANG-IBA talaga ang mundong ibabaw, at napakaganda, iyon ang tanging nauusal ni Ella sa kanyang sarili. Mula sa mga napagmamasdan niyang mga puno't halaman, lupa, mga hayop, at hanggang sa  mga gusali at establishimento. Pati na rin ang iba't-ibang bagay na nasaksihan sa bayan.

Halos tatlong oras silang namimili sa bayan at halos kalahati niyon ay naubos sa tindahan ng mga damit. Dahil sa kakapusan ng pera ay sa tiyangge na lang sila nagtungo. Maliban sa ilang pagkain at kagamitan para sa bahay, halos lahat na ng mga iyon ay para na kay Ella.

"Aling Milagros..." tawag ni Ella sa matanda habang bitbit niya ang apat na paper bags patungo sa Jeepney Terminal pabalik sa San Rafael. Nilingon siya nito.

"Hmm?"

"M-maraming s-salamat po sa inyo."wika ni Ella habang bitbit ang apat na paper bags patungo sa terminal pabalik ng San Rafael.

Isang ngiti ang isinagot sa kanya ng matanda. "Ikaw talaga, Ella. Huwag ka na munang magpasalamat dahil simula pa lang 'yan. Simula ngayon hindi ka na iba sa akin."

"Magtatrabaho po ako sa inyo para makabawi ako sa inyo..." giit ni Ella.

"Tumigil sa paglalakad si Aling Milagros." Ikaw talagang bata ka. Sabi ko nga sayo, puwede kang tumira sa bahay hangga't gusto mo. Kahit na bumalik pa ang alaala mo." Lumapit si Aling Milagros sa kanya. Biglaan nitong hinaplos ang kanyang pisngi sa may bahaging peklat. Natigilan siya at napatitig sa mukha ni Aling Milagros.

"Bakit po?"

"Napakaganda mo, Ella. Kahit na may ganito ka pa." Naramdaman ni Ella ang mainit na dumadaloy mula sa palad ni Aling Milagros. Dahil doo'y nakaramdam siya ng kapanatagan. Kung nandito sana si Mary Rose, siguro kasing edad mo na rin siya."

Napansin ni Ella ang biglaang pagtamlay ng mukha ng matanda at binawi na rin nito ang kamay. "Sino po si...Mary Rose?"

"Naku, mahabang kwento. Mabuti pa umuwi na tayo. Siguradong nagmamaktol na 'yon si David dahil 'di natin siya isinama."

PAGKAUWI nina Ella ay nagpaalam muna siya kay Aling Milagros na lalabas muna siya upang makapagpahangin at pinayagan naman siya nito. Pero ang pakay niya talaga'y balikan ang balon kung saan siya natagpuan ni Joseph. Mahigit limang minuto rin niya binagtas ang masukal na daanan patungo sa balon.

Tanging lumuting tabla lang ang nagsisilbing harang doon. Sumulyap si Ella mula roon at natanaw niya lamang ang isang madilim na hukay gayunman ay sagana pa rin sa tubig. Nagtataka pa rin siya kung paano nga ba siya eksaktong nanggaling roon dahil wala naming senyales na iyon talaga ang dinaanan niya mula sa impyerno. Isa lang 'yong ordinaryong bukal. Lingid pa rin sa kanyang kaalaman kung paano nga ba siya nagging isang ganap na mortal sa isang iglap lang?

Napapitlag si Ella sa gitna ng kanyang pag-iisip nang may kumaluskos mula sa kanyang likuran. Nakahinga lang siya nang maluwag matapos makilala kung sino iyon. Si Joseph.

"Anong ginagawa mo rito?" tanong ng binata sa kanya. May dala itong dalawang malaking balde at pawisang-pawisan. Hindi pa rin makuhang dumiretso ng tingin ni Ella kay Joseph. Bukod sa nakahubad ito nang mga sandaling iyon, nahihiya pa rin talaga siya pag naaalala niya na noong matagpuan siya nito'y wala siyang saplot. Hindi niya tuloy mapigilang isipin kung ano kaya ang naging reaksyon nito.

"Ah...wala." Tumalikod muli siya sa binata at dumungaw muli sa balon. "Baka kasi kapag bumalik ako rito, bumalik na rin 'yong alaala ko." Pagsisinungaling pa niya. Ngunit bigla na lang itong tumabi sa kanya at dumungaw rin sa balon.

"Alam mo, masama raw sumilip sa mga ganito, kasi baka manuno." Sa mga oras na iyon ay pagtataka ang nangingibabaw kay Ella. Hindi dahil sa mga sinasabi nito kundi dahil sa biglaang pagbabago ng kilos nito sa kanya. Ibang-iba kasi ito sa mga una niyang pagkakakilala rito na masungit at laging seryoso. Ngayon ay isang simpleng Joseph ang kasama niya at ito pa mismo ang nagbubukas ng usapan.

Ikinailang ni Ella ang biglaang pagtitig sa kanya ni Joseph at ang biglaan nitong pagngiti. Labas ang mapuputi nitong ngipin na bumabagay sa tumatawa rin nitong mata. Ito ang kauna-unahang pagkakataong nakita niya itong nakangiti sa kanya.

"Bakit?"

"Wala..."

Pumagitan muli ang katahimikan sa kanilang dalawa habang nakatitig lamang sa balon. Hanggang sa muling magsalita si Ella."Galit ka ba sa'kin?"

Humugot ng isang malalim na buntong hininga si Joseph saka muling humarap s dalaga. "Aaminin ko nagduda talaga ako sa pagkatao mo. Pero ngayon..." ngumiti muli ito sa kanya saka tumanaw sa malayo. "naniniwala na ako kay Mama na mabuti ka ngang tao."

"Maraming salamat. Sa lahat..."

"Siguro nga dapat rin akong magpasalamat s iyo eh." Balik sa kanya ng binata.

"Bakit naman?"

"Dahil simula nang dumating ka, naging masigla na ulit si Mama." pagpapatuloy ni Joseph. "Oo, masayahin talaga si Mama. Pero nung dumating ka, lalo siyang sumaya. Ngayon ko na lang ulit siya nakitang ganyan kasaya. Siguro dahil naalala niya sa'yo si Mary Rose."

Nasabi na rin sa kanya ni Aling Milagros ang pangalang iyon. Iyon nga kaya ang nakita niya sa larawan noong isang araw?

"Mary Rose? Sino siya?"

"Nakakabata ko siyang kapatid. Siya 'yong sumunod sa akin." Paliwanag sa kanya ni Joseph. Nasilayan niya ang pagdilim ng mukha nito. "Sa kasamaang palad wala na siya. Namatay na siya noong mga bata pa lang kami. Naiwan siya sa nasusunog naming bahay noon sa Maynila. Sinubukan pa siyang iligtas ni Papa pero pati siya...pati siya napahamak."

Naramdaman ni Ella ang kirot sa puso ni Joseph habang nagkukwento ito sa kanya. Kahit na hindi nito ipakita, alam niyang umiiyak ang kalooban ng binata.  alam niyang ganoon rin ang nararamdaman ni Aling Milagros. Dahil doo'y muling bumalik sa kanyang isip ang mga imahe ng mga kaluluwang naghihirap sa impyerno. Sa tuwing makikita niya ang mga ito'y nakakaramdam siya ng awa. kaya't naiintindihan niya ang sakit at lungkot na nararamdaman ng mag-ina.

Idinampi ni Ella ang kanyang palad sa ibabaw ng palad ni Joseph habang nakahawak sila sa gilid ng balon. Ikinagulat pa nga niya sa kanyang sarili kung bakit niya iyon nagawa. Kusa na lamang iyong gumalaw para kahit paano'y maparamdam niya ang kanyang pakikiramay. Dahil doo'y nasilayan niyang muli ang inosenteng ngiti sa mga labi ni Joseph. Kaya't di rin niya napigilang magbalik ng ngiti rito.

Lingid sa kaalaman ni Ella, kanina pa pala may nagmamasid sa knila sa gitna ng masukal na damuhang iyon. Nagtatago sa ilalim ng anino ng mga damo. Isang serpyente.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now