55-Kawala

666 18 0
                                    


MATAPOS ang paglalakad sa madilim, mahaba, at makipot na daraanang 'yon at ang mga karima-rimarim na naranasan nila sa paglalakad na iyon, biglang huminto ang lahat. Nagtaka si Joseph ngunit napagtanto niyang baka narating na nila ang kanilang destinasyon. Sinubukan niyang dumungaw sa unahan niya upang makita kung nasaan na sila o kung ano na ang nangyayari roon, ngunit puro likod ng mga walang saplot na kaluluwa ang nasilayan niya. Napakarami ng mga nasa unahan niya kaya hindi niya makita kung ano ang eksaktong nangyayari sa harap. Hindi rin siya makakilos.

Tinapunan siya ng malisik na tingin ng isa sa mga diyablong nagmamasid malapit sa kanilang pulutong. Itinutok nito ang sandatang higanteng tinidor sa mga mukha nila. "Isa pang maling kilos at tagpas ang leeg ninyo!"

Natunghayan ni Joseph ang matinding takot sa mga kaluluwang iyon kaya itinuwid na lang niya ang pagkakatayo at itinuon ang mga mata sa unahan. Baka madamay pa ang mga ito kung magpapadalus-dalos siya.

Nagsimula na muling umusad isa-isa ang pila ng mga kaluluwa. Matapos ang mahabang sandali, napansin ni Joseph na siya na pala ang nasa unahan. Naubos na ang mga kaluluwang nasa unahan niya ngunit hindi niya lubos napansin kung ano ang nangyari sa mga ito.

Pagdating niya roon, tumambad sa kanya ang dalawang magkasangang lagusan. Madilim ang butas ng mga iyon kaya hindi niya makita kung saan iyon patungo o kung ano ang naghihintay sa kanila sa alinmang daraanang iyon.

Sa gitna ng dalawang lagusan ay nakatayo ang isang Lakaw hawak ang isang sandata sa kanang kamay nito. Sa kaliwang palad naman ay may hawak itong isang bungo. Wala nang nagawa pa si Joseph nang itulak siya ng mga diyablo sa harap ng Lakaw na ito. Sa lakas ng pagkakatulak sa kanya ay napaluhod siya sa harapan nito habang hindi pa rin siya nilulubayan ng mga nakaambang higanteng tinidor.

Ikinagulat ni Joseph nang bigla na lang nagliwanag ang loob ng bungo at nagsalita ito. "Kakaiba ang isang ito," narinig niyang wika ng matinis na boses ng bungo. "Mabuti ka! Paano ka nakarating dito? Hindi ka nararapat dito!" sigaw ng bungo sa kanya na sa tindi ng galit ay halos mabitawan na ito ng Lakaw na humahawak dito.

Paano na?

Bisto na siya.

At iyon na ang katapusan niya.

Naramdaman ni Joseph ang nagbabagang tinidor ng mga Lakaw na dumikit na sa balat niya sa likod. Naipikit na lamang niya ang mga mata dahil sa sakit. Akmang tuluyang itatarak na iyon sa kanya nang—

"Makasalanan! Kinitil ang sariling buhay para sa pinagbabawal na pag-ibig! Itapon sa Kawala!"

Nagpumiglas si Joseph nang bitbitin siya ng mga kawal na diyablo sa balikat at dinala sa lagusan na nasa kanan ngunit ngunit hindi siya nakawala sa mga ito. Napasigaw na lang si Joseph nang itapon siya ng mga ito doon dahil pabulusok pailalim ang lagusang iyon. Buong kadiliman ang nahahagip ng kanyang mga mata at kanina pa siya bumubulusok ngunit hindi pa rin siya bumabagsak. Mauubos na nga ang tinig niya pero hindi pa rin niya nararating ang kailaliman.

Hanggang sa maramdaman niya ang pagtama ng kanyang likod sa matigas at nagbabagang lupa. Napaigtad siya at namilipit siya sa sakit. Hindi siya tuluyang makabangon. Sa pagkakatihaya niya roon ay sinikap niyang ilibot ang nanlalabo na niyang paningin. Walang ibang nahahagip ang kanyang mga mata kundi mga nagbabagang apoy. Nagbabagang lupa. Para siyang nasa isang napakalaking kuwebang apoy. Para siyang nakulong sa kailaliman ng bulkan.

Sa sobrang lalim nga ng binagsakan niya ay hindi na niya makita pa ang lagusang napagdaanan niya. Nasaan na siya? At nasaan na si Ella?

Sa pagkakatingala niyang iyon mula sa binagsakan niya ay sumungaw bigla sa kanyang harapan ang mukha ng isang diyablo. Napakalapad ng ngiti nito at napapahalakhak pa. Hinigit nito ang kanyang kanang braso upang siya ay itayo.

"Maligayang pagdating sa Kawala! Ang pinakamadaling daan patungo sa kawalan!" at humalakhak muli ang Lakaw. Inilinga niya ang paningin at nakita niya ang mga nauupos na kaluluwang naglalangoy at nalulunod sa nagbabagang likidong apoy sa lawa. Halos mabingi siya dahil sa pagmamakaawa at pagdurusa ng mga kaluluwang 'yon at ang unti-unting paglalaho ng mga ito. Napaatras pa nga si Joseph nang matuklasang nasa bingit na pala ang kanyang paa at kaunting kilos na lang ay mahuhulog na pala siya sa nagliliyab na lawa.

Ngunit isang pamilyar na tinig ang biglang nangibabaw sa pandinig niya. Sumisigaw ito. Ang tinig na iyon. Hindi siya maaaring magkamali. Inilingon niya ang ulo at sa paggawi ng kanyang paningin sa may itaas na bahagi ng Kawala ay nakita niya ang isang nakaangat at nakausling lupang nag-aapoy. Nakita niya roon ang isang malaking trono. At kahit na malayo, hindi siya maaaring magkamali kung sino ang nasasadlak doon, at ang kasama nito.

"Ella!"

Tatakbo na sana si Joseph palayo nang bigla siyang talapirin ng Lakaw gamit ang sandata nito. Napadapa siya at muntikan na nga siyang mahulog sa lawa ng nagbabagang apoy. Dahan-dahan siyang gumapang palayo.

"At saan ka naman pupunta? Ha?"

Inambahan siya nito ng higanteng tinidor sa likod ngunit mabilis siyang nakagulong para makaiwas. Nagmadali siyang tumayo. Tatakbo na siyang muli ngunit naharangan nito ang daraanan niya.

"Hindi ka makakatakas!"

Nagsidatingan pa ang apat na iba pang Lakaw at tinutukan siya ng mga ito ng mga sandata. Napaatras siya sa takot ngunit napatigil siya nang isang hakbang na lang ay mahuhulog na siya sa nagliliyab na lawa. Napapapikit na lang siya dahil sa lapnos-lapnos na ang kanyang talampakan at dahil sa pagkakadarang niya sa bingit ng nagbabagang lawa.

Huli na nga ba ang lahat para sa kanya?

Hindi na nga ba siya makakatakas? Hindi na nga ba niya maililigtas si Ella at makakapiling muli? Paano niya ililigtas ang dalaga sa malagim na kapalaran kung huli na ang lahat?

Tuluyan nang ipinikit ni Joseph ang mga mata—

'Katapusan ko na.'

"Aaahhh!"

Narinig niya ang biglaang pagpalahaw na iyon. Hindi sa mga kaluluwa kundi sa mga diyablong nanggipit sa kanya. Sa pagmulat niya ay nakita niya ang mga ito na nauupos na sa apoy habang unti-unting naglalaho. At nang tuluyang maglaho ang mga ito ay tumambad sa kanya ang nilalang na tumulong sa kanya.

"Marco!"

Lumapit ito sa kanya at hinigit ang mga kamay para hindi siya tuluyang mahulog sa lawa. Nagbitaw ito ng isang engkantasyon at ikinagulat niyang nagliliyab na ang kanyang buong katawan sa apoy. Pero hindi naman siya napapaso. Hanggang sa ang apoy na iyon ay naging isang bakal na baluti. Pagkatapos niyon ay iniabot sa kanya ni Damarkus ang isa sa mga sandata ng Lakaw.

"Kailangan na nating magmadali! Isinasagawa na ang ritwal!"

Inferno's HeiressOn viuen les histories. Descobreix ara