28-Pangungulila

800 27 2
                                    

"BAKIT po ba ibabalik na ulit 'yong mga gamit ko sa kuwarto ko? 'Di ba po dyan na natutulog si ate Ella? Paano po si ate Ella? At saka nasaan po ba siya? Bakit bigla na lang siyang umalis? Kailan po siya babalik? At saka bakit po ba magulo ang mga gamit natin? Ano pong nangyari?"

Sunod-sunod ang mga katanungan ni David ngunit wala ni isa man doon ang nagkaroon ng kasagutan. Paulit-ulit ngunit wala pa rin. Sa tuwing hihinto nga ang bata ay namamayani talaga ang nakakailang na katahimikan sa buong kabahayan. Maging ang aso nga nilang si Brownie ay ramdam iyon. Tahimik lamang na nakalugmok sa 'di kalayuan, dinaramdam rin ang 'natamong sugat'.

Gaya nang normal niyang ekpresyon ng mukha, walang anumang emosyong mababakas kay Joseph. Walang buhay. Nasa katabi niya si David ngunit tila hindi naman niya naririnig ang bawat pangungulit nito. 'Inaaliw' lamang niya ang sarili sa muling pagsasaayos ng kabahayan. Pinipilit na ibalik ang lahat sa dati. Kahit na aminado naman siya sa sarili na kahit anumang gawin niyang pag-aayos roon ay hindi na talaga maibabalik pa ang lahat. Dahil nagbago na.

Nagbago na ang lahat.

Nandoon lang din si Aling Milagros. Maayos na ang kalagayan nito, ngunit nananatili pa rin sa wheel chair. Wala ding anumang imik si Aling Milagros at pinagmamasdan lamang ang dalawang anak na lalaki. Nakikiramdam.

Nanginginig man, sinikap ni Aling Milagros na pulutin ang picture frame na nasa sahig na tapat niya. Buti nga at hindi siya nahiwa ng mga nabasag na bubog niyon. Pinunasan niya ang larawan sa pamamagitan ng sariling palad. Matagal na napatitig sa imaheng nandoon. Ang imahe ng kanilang pamilya.

Kumpletong pamilya.

Bagama't sira na ang stand ng frame, pinilit ni Aling Milagros na patayuin ang litrato sa lamesita. Nakailang ulit mang pumalya pero sa huli'y nagawa naman niya.

"Kuya...nasaan nga si ate Ella? Kailan siya babalik?" pangungulit pa rin ni David kahit na hindi talaga siya pinapansin ng kapatid. Bagama't mura pa ang kaisipan, alam ni David na hindi maganda ang kahulugan ng katahimikang namamayani sa loob ng kabahayan. Kaya't gusto niyang malaman.

Ngunit biglang napaigtad si Joseph dahil sa ginawa ng kanyang Kuya. Maging si Aling Milagros ay nagitla sa ginawa ni Joseph. Walang anu-ano'y naihagis pala nito ang isang pigurin na wala nang ulo. Tuluyan na nga itong nagkabasag-basag at kumalat ang bubog sa sahig.

Naging matulis ang nguso ni Joseph. Namumula ang kanyang tila pagal na mukha. May nagpupumilit na sumiksik na mga luha sa gilid ng kanyang mga mata habang nanginginig ang mga kamao niya. "Wala na si Ella! At hindi na siya babalik! Kaya tumigil ka na!"

Dahil sa takot sa kapatid ay napaiyak na lamang si David. Buti na lang at nandoon ang kanyang ina at nayakap agad ito. Tumitig nang diretso si Aling Milagros sa naluluhang mga mata ni Joseph. Walang tinig na lumalabas sa labi ng matanda ngunit sapat na ang tinig na iyon para magtanong: 'Bakit mo nagawa 'yon, anak?'

Parang dinaanan ng napakalamig na hangin si Joseph. Nanginig ang buo niyang katawan. Nabigla siya. At nadamay pa ang nakababatang kapatid sa kanyang nararamdaman. Ano na namang katangahan ang nagawa niya?

Mismong siya ay nasaktan sa inasta niya. Gusto na niya sanang humingi ng tawad sa ina at sa kapatid ngunit pinangibabawan siya ng hiya. Kaya't mabigat ang loob niyang nagtatakbo na lamang papalabas ng bahay. Palayo roon.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now