59-Hinagpis ng Isang Ina

758 13 0
                                    


MALAMLAM na nga ang sikat ng araw, halos sakupin pa rin iyon ng mga makakapal na ulap. Wala namang nagbabadyang ulan. Sadya nga lamang talagang malungkot ang awra ng paligid. Tahimik. Ang tanging maririnig ay ang umiihip na hangin, at ang panaka-nakang pag-iyak ng mga ibong maya sa tuwing dumadapo sa mga sementadong krus sa malagong damong-ligaw. Ikinukubli niyon ang mga magkakatabi at magkakapatong na rektanggulong 'bahay'.

Napakalungkot, sa gitna ng pag-iisa.

Pero hindi iyon ang dahilan ng tahimik na pagluha ni Aling Milagros. Kundi ang mga alaalang bumabalik sa kanya, sa tuwing bumabalik siya sa lugar na 'yon. Mga masasayang sandali.

Masasakit na alaala.

Naramdaman niya ang pagpisil ni David sa kanyang palad upang sabihin sa kanyang 'Mama, tahan na.' Pero sa ginawa ng anak, lalo lang siyang naiyak. Ilang minuto rin siyang tahimik na tumatangis hanggang sa kusa na rin siyang tumigil.

Bahagya niyang inayos ang sarili at saka lumuhod sa harap ng puntod. Pinalis niya ng kamay ang mga tuyong dahon, mga nabulok na bulaklak, at mga iba pang dumi na tumabon sa ibabaw niyon. Tinulungan siya ni David na ipatong sa ibabaw ang mga bulaklak na inilagay niya sa bubog na garapon. Naiwan pa nga nang bahagya sa kuko niya ang mga natuyong kandila na kinutkot niya para makapagtirik siya ng panibago.

At nang maingat na pinunasan ni Aling Milagros ng kanyang panyo ang mga alikabok na sumingit sa mga letrang nakaukit sa lapidang nakadikit sa pang-ibabaw na puntod, bumagsak na naman ang kanyang mga luha.

"JOSEPH?" nagtatakang tanong ni Aling Milagros nang makumpirma nga niyang ang anak ang nagsasalita sa kabilang linya. Nagulat pa nga siya nang may narinig na tumutunog na kung ano sa kalagitnaan ng pagtulog nila ni David. Nahinuha niyang sa kuwarto ni Ella nanggagaling ang tunog kaya mabilis siyang nagtungo roon. At doon na nga tumambad sa kanya ang bagay na patay-buhay ang liwanag sa gitna ng kadiliman ng kuwarto.

"Mama? Bakit nasa inyo ang cellphone ni Ella?" bakas na bakas niya ang pagkabalisa at pag-aalala base sa istilo ng pagsasalita ni Joseph. Nag-iinit na nga sa tenga niya ang cellphone.

"Naiwan niya dito sa kama niya." Lalong nagtaka si Aling Milagros sa ikinikilos ng anak. Ano bang nangyari? Bakit nito tatawagan ang cellphone ni Ella gayong magkasama naman sila? "Teka, bakit mo hinahanap si Ella? Hindi mo ba siya—

"Hello, Joseph! Joseph?" Hindi pa siya tapos sa pagsasalita ay biglang nawala ang boses ng anak. Inalis niya sa tenga ang cellphone at tiningnan ito, at nakumpirmang naputol na nga ang linya ng tawag nito. Pinagbabaan siya nito.

"Mama, sino po 'yon?"

Kinukusot-kusot pa ni David ang mga mata nang lumabas mula sa kuwarto nila ng kapatid. Naantala ang pagtulog nito dahil sa lakas ng boses ng ina.

Hindi nasagot ni Aling Milagros ang tanong ni David. Parang nabingi siya, o biglang napalad ng hangin ang pag-iisip niya. Bigla siyang kinabahan. Hindi maganda ang kutob niya sa pagtawag na iyon ni Joseph. Napadasal na lang siya sa isipan saka bumaling sa anak. "Pupunta tayo ng St. John ngayon din!"

"Pero Mama, gabing-gabi na po. Wala na tayong masasak—

"Bahala na! Aarkila tayo ng tricycle kay Mang Rudy, o kung kanino. Basta makarating tayo do'n ngayon!"

WALANG HUMPAY sa paghagulhol si Aling Milagros habang nakasandal sa pintuan ng emergency room at nakasalampak sa malamig na sahig. Pilit siyang niyayakap ni David na sa mga sandaling iyon ay wala na ring tigil sa pag-iyak. Hindi na niya alam kung ano na ang nangyayari sa loob dahil hindi siya pinayagang makapasok ng mga nars at doktor, dahilan para lalo halos mabaliw na siya sa paghihintay.

Wala siyang ibang naiisip kundi ang sisihin ang sarili sa lahat ng nangyari. Siya ang dahilan kung bakit naroroon si Joseph, dahil pinilit niya itong dumalo sa isang selebrasyong lalong naglagay rito sa kapahamakan. Kasalanan niya kung bakit nasa loob ng kuwartong iyon si Joseph, nag-aagaw-buhay. Kasalanan niyang lahat.

Minsan na siyang namatayan ng anak. Minsan nang gumuho ang mundo niya. Minsan na siyang namatay. Kaya kung sakaling maulit pa muli ang malagim na sandaling 'yon, hindi na niya kakayanin pa. Tuluyan na siyang mamamatay.

Napapitlag si Aling Milagros nang biglang bumukas ang pintuan. Buti nga at napakapit siya kay David kung hindi ay baka napahiga siya. Sinikap niyang pigilan ang bumabalong na luha at mabilis na tumayo para harapin ang nagbukas na doktor.

"Diyos ko, Dok! Kamusta na ho ang anak ko? Ligtas na po ba siya?" Hindi na napigilan pa ni Aling Milagros na pagtaasan ng boses ang doktor. Hindi halos makatingin nang diretso sa kanya ang doktor. Isinuksok pa nito ang dalawang kamay na nababalot ng guwantes na may dugo sa bulsa ng coat nito. Nakayuko na halos ang ulo nito at napakadilim ng mukha. At ang tanging nasambit ay:

"Sorry po, Misis."

Nanlaki ang mga mata at halos bumaon na ang kuko ni Aling Milagros sa malambot na balat sa braso ni David dahil sa narinig mula sa doktor. Ang kabilang kamay ay naikurot niya sa dibdib habang naging marahas ang kanyang paghinga. Naistatwa siya sa kinatatayuan. Pakiramdam niya ay tumigil bigla sa pag-ikot ang mundo. Umalingawngaw sa bawat himaymay niya ang sinabi ng doktor. Hindi siya makaiyak. Pakiramdam niya ay mahihimatay na siya.

Patay na si Joseph.

"Kuya!" sinakop ng maliit na boses na iyon ang buong silid. Hindi na nga niya namalayang nakatakbo na pala sa loob ng emergency room si David. At dahil sa pagsigaw na iyon ng anak, bumalik siya sa malagim na realidad.

Sinubukan niyang ihakbang ang mga paa papasok ng kuwarto kahit na pakiramdam niya ay hindi niya pa kaya. Nanginginig ang buo niyang katawan habang halos hindi na maramdaman ni Aling Milagros kung lumalapat pa ba ang mga paa niya sa sahig. Buti nga at inalalayan siya ng doktor.

Sa pagpasok niya sa loob, tuluyan na nga siyang namatay.

Tumambad sa kanyang harapan ang isang katawang nakahiga sa kama habang natatakpan ng puting kumot. Marahas na niyayakap ni David habang walang tigil sa pag-iyak at sa pagsamo sa pangalan nito.

Hindi pa nga siya naniniwalang patay na nga si Joseph. Hindi siya naniniwalang si Joseph nga ang nagmamay-ari ng katawang nakalagak doon. Pero dahil sa marahas na ginagawang pagyakap ni David sa katawang iyon, tuluyang nalislis ang kumot na tumatakip sa mukha nito.

Tumambad sa kanya ang walang-buhay na mukha ni Joseph. Nangingitim ang mga labi at ang leeg. At ang mapait na ngiting pinilit nitong pakawalan sa kahuli-hulihang sandali.

Tuluyan nang nangatog at nanghina ang kanyang mga tuhod at napasalampak siya sa matigas na sahig na kanyang kinatatayuan. Hindi na niya nagawa pang makakilos para lumapit man lang sa bangkay ni Joseph. Tuluyan nang dumagundong ang hindi mapapantayang pagtangis ng isang ina, habang pinagmamasdan ang walang buhay na niyang anak.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now