54-Walang Saplot

771 18 0
                                    

PAGKATAPOS ng napakahabang kadiliman, nagising si Joseph. Nagising si Joseph sa isang malakas na sipa sa kanyang likuran. Sa sobrang sakit niyon ay impit siyang napadaing. Mumukat-mukat pa ang imaheng rumerehistro sa kanyang paningin nang ibukas niya ang mga mata.

Hanggang sa maging malinaw 'yon. Nagisnan niya ang napakaraming mga binting naglalakad sa harap niya papalayo sa kinaroroonan niya. Mga binti at paang puno ng sugat at pasa. Mga pagal na paang magkakasunod na naglalakad. Sabay-sabay.

Hanggang ang isang nagmamay-ari ng paa ay bumulagta sa dinaraanan. Dahil doon ay biglang huminto ang sabay-sabay na paglalakad. Nakita niya ang isang walang saplot na nilalang na namumula ang naaagnas na balat, may matitipunong katawan, taglay ang mahabang sungay at buntot.

Napapiksi si Joseph nang hatawin nito ng nagbabagang latigo ang nagmamay-ari ng bumulagtang paa. Wala na iyong naging reaksyon pa. Hanggang sa tusukin na lamang iyon sa likuran gamit ang hawak nitong higanteng tinidor. Tuluyan na itong naglaho sa paningin niya.

"Anong tinitingin-tingin n'yo? Mga inutil! Patuloy!" sigaw ng nilalang na iyon. Wala nang nagawa pa ang mga nagmamay-ari ng mga paa kundi ang sumunod.

"Isa ka pa! Inutil!" Umalingawngaw ang tinig na iyon sa kanyang likuran at muli siyang nakatikim ng isang malakas na sipa. Napadaing sa sakit si Joseph. Dumukwang sa kanyang harapan ang nagsalita at natuklasan niyang kagaya rin ito ng nilalang kanina. Matalim ang titig nito sa kanya. "Gusto mo na ring maglaho sa kawalan, ha?"

Binigyan siya nito ng isang malakas na hataw ng nagbabagang latigo. Sinubukan niyang salagin iyon ng mga kamay kaya't tinamaan ng hataw nito ang kanyang braso at kamay. Nakagat na lamang niya ang sariling labi upang mapigilan ang naghuhumindig na sakit gawa ng pagkalapnos ng kanyang balat.

"Nakakalaban pa ang isang ito!"

Umalingawngaw ang halakhakan ng mga nilalang na iyon. Hinila at biniyabit siya ng isa sa mga ito sa kanyang braso. Bagama't nasasaktan at nanghihina ay sinikap niyang maituwid ang sariling mga paa. Humarap naman ang isa sa mga ito at binigyan siya ng isang napakalakas na suntok sa tiyan.

Matutumba na muli sana si Joseph ngunit hinawakan siyang muli ng mga ito sa dalawang braso at pinaulanan siya ng mga ito ng malalakas na suntok. Napapikit na lang si Joseph dahil sa sobrang sakit na nararamdaman niya nang mga sandaling iyon.

Makakatikim pa sana muli si Joseph ng isa pang hagupit ng latigong apoy sa kanyang katawan kundi nga lamang nagsalita ang isa pang nilalang na may sungay. "Tama na ang paglalaro! Hindi pa ito ang tamang lugar sa pagpaparusa sa mga kaluluwang 'yan!"

Wala nang nagawa pa ang mga ito kundi ang itulak muli si Joseph pabalik sa hanay ng mga naglalakad na mga paa. Nanghihina pa man dahil sa masaklap niyang natanggap na kalupitan ay pinilit ni Joseph na ituwid ang pagkakatayo at isabay ang mga paa sa paghakbang.

Sa kabila ng mga nangyari kay Joseph, isang matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang mukha. Dahil malinaw na malinaw ang narinig niya. At patunay ang lahat ng iyon:

Ang mga nagbabagang-apoy sa paligid niya.

Ang mga malulupit na nilalang na may buntot at sungay na nagmamatyag at nagpapahirap sa kanila.\

Ang mga karima-rimarim nilang pinagdaraanan sa pagpuprusisyon.

Ang mga hindi mabilang na mga paang pilit na nagsasabay-sabay na maglakad sa likuran at harapan niya huwag lang makatikim ng hagupit ng latigong apoy. Mga walang saplot.

Kagaya niya.

"Lapastangan! Ano at pangiti-ngiti ka? Kumilos ka nang maayos kung ayaw mong matikman nang maaga ang kawalan!"

Tinapunan siya ng isang nanlilisik na titig ng isang diyablo malapit sa harap niya. Nag-iwas siya ng tingin rito at pinilit niyang itago ang ngiting sumilay sa labi niya. Itinuon na lang niya ang atensyon sa singkronisadong paglalakad. Hanggang sa maaari ay kailangan niyang ireserba ang natitirang lakas para sa tunay niyang pakay sa lugar na iyon.

Ang mahalaga sa kanya ay nalaman niyang nagtagumpay siya.

Nagtagumpay siyang makarating sa impyerno.

Dalawang bagay na lamang ang kailangan niyang gawin:

Hanapin si Ella.

At iligtas ito.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now