6-Pagpapanggap

2.2K 64 2
                                    

DALAWANG buwan na nga ang nakalilipas mula nang mapadpad si Ella sa pamilya ng mga Ramirez.At sa loob ng maikling panahong iyon ay malaking-malaki na ang nagbago sa kanyang buhay. Walang araw na hindi siya nagpapasalamat dahil sa kaligayahang naidudulot sa kanya na magkaroon ng isang pamilya. Bagama't lihim pa rin ang tungkol sa kanya, ay hindi na iyon isyu pa at itinuturing na siyang bahagi ng pamilyang iyon.

Masasabi na nga ni Ella na nagtagumpay na siyang makawala mula sa anino ng kanyang amang si Lucifero. Tuluyan na nga siyang nakabuo ng panibagong buhay sa mundo ng mga mortal. Pinalaya na siya ng kanyang madilim na pagkatao at tadhana. Ngunit ganap na nga ba ang lahat? O lalo lang niyang inilundo ang sarili sa mas matinding kapahamakan?

Tulala si Ella na nakadungaw sa bintana habang pinanonood lamang ang pagsayaw ng mga bulaklak sa bakuran at dinadama ang lamig ng hanging umaga, nang may magsalita sa kanyang likuran. Si Aling Milagros. Nakauniporme itong pangguro habang katabi ang batang si David na nakamagarang damit rin. "Ella, tahimik ka na naman riyan? Mukhang ang lalim na naman ng iniisip mo. May naaalala ka na ba?"

"W-wala pa po." Totoo namang wala siyang naalala, dahil hinding-hindi niya malilimutan ang kanyang nakaraan. "Medyo masarap po kasi ang hangin rito." Palusot na lamang niya para maiba na ang usapan.

Inismiran siya ng matanda. "Hindi ka ba nababagot rito? Hindi ka man lang lumalabas. Hanggang dyan ka lang sa bakuran. Hindi ka rin naman nanonood ng T.V."

"Ayos na po ako rito." Matipid na sagot ni Ella. Ngunit isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Aling Milagros.

"Ang mabuti pa, Ella, sumama ka sa amin sa St. John University. Para makapamasyal ka na rin at masikatan ng araw. Isa pa, mag-isa ka lang dito sa bahay oh?"

"Aalis po kayo?"

"Oo...nakalimutan ko nga pala sa'yong sabihin na isa akong teacher. Doon ako nagtatrabaho sa St. John University Elementary. Magsisimula na rin kasi ang enrolment kaya maraming aasikasuhin. Ipapaenrol ko na rin itong si David sa Grade One."

Hindi nga aakalaing isang guro pala si Aling Milagros. Hindi kasi halata sa paraan ng pagkilos nito. Ngunit sapat na ang kasuotang iyon para mapatunayan. Ngunit hindi alam ni Ella ang tungkol sa mga ganoong bagay kaya hindi niya napigilang magtanong.

"Teacher? Ano po 'yon?"

Biglang pagngisi ang naging reaksyon ni David. Bagama't hindi nagsasalita, halatang ikinagulat ni David ang tanong ng dalaga. Sino nga ba ang hindi matatawa? Siya ngang isang bata ay alam kung ano ang teacher. Ngunit isang kutos ang inabot niya sa kanyang ina.

"Teacher. Guro. Kami ang nagtuturo sa mga bata ng mga kung anu-ano." pagpapaliwanag ni Aling Milagros. Kahit na magulo ang pagkakapaliwanag ng matanda ay naintindihan na rin naman iyon ni Ella. "alam mo mabuti pa sumama ka na nga sa akin. Ipapaenrol na kita. Mabuti na rin yong mag-aral ka habang nandito ka sa amin. Ikukuha kita ng scholarship..." Ikinabigla ni Ella ng suhestyong iyon. Wala siyang alam sa mga ganoong bagay kaya't tumanggi siya. Pero hindi talaga natinag si aling Milagros. "ano ka ba? Makakatulong din 'yon para mabilis na bumalik ang alaala mo. Para hindi ka na nagmumukmok dito sa bahay."

Napatulala na lang si David habang nagtatalak ang kanyang ina. Sabi kasi nito'y kailangan nilang umalis nang maaga pero heto ngayon at patuloy pa rin ito sa pagkukuwento. Nangingibabaw ang boses ni aling Milagros sa buong kabahayan nang makita ang naglalakad sa kanilang bakuran na si Joseph. Nakahubad ito at nakasampay sa kanang balikat ang asul na t-shirt. Kahit na umaga pa lamang ay tagaktak na ang pawis nito. Hawak nito sa kabilang kamay ang kalawanging kadena ni Brownie dahil katatapos lang nilang maglibot sa labasan. "Oh, Mama, aalis kayo?" gulat si Joseph sa naabutan.

"Oo, anak, ipapaenrol ko na itong si David. Mabuti pa maligo ka na rin dahil ipapaenrol na kita sa St. John." Nanlaki ang mga mata ni Joseph sa narinig. Pag-aaralin siya ng kanyang ina? Sa St. John University?

"Sigurado ba kayo dyan, Mama? Saan kayo kukuha ng pambayad sa tuition ko?"

"Huwag mo nang problemahin pa 'yan. Di ba pangarap mo rin namang makatuntong sa college? Saka anong gusto mong mangyari sa buhay mo? Habambuhay ka rito? Matanda ka na, anak."

Ipinagtakang labis ni Joseph kung ano bang nakain ng kanyang ina nang umagang iyon. Napag-usapan na kasi nilang magtratrabaho muna siya sa Maynila saka mag-iipon ng pangkolehiyo. Mahirap lang sila at hindi kakayanin ng ina na pag-aralin sa kolehiyo, lalo na sa isang unibersidad. Kaya't di niya mapigilang magtaka at mag-alala.

"Pero-

"Wala nang pero-pero. Mag-aaral ka ngayong semester. Hindi ka na puwedeng tumanggi dahil napapayag ko na rin si Ella. Sabay kayong mag-aaral."

"ano po?" Iyon ang lalong ikinagulat ni Joseph. Napasulyap siya sa dalaga at nahinuha niya sa ekspresyon nitong nasulsulan lang din ito ng kanyang ina. "Mama, paano siya mag-aaral?Wala siyang credentials. anong sasabihin-

"Ooops!" Dumipa si aling Milagros sa pagitan nilang lahat bilang pagsenyas na ayaw na niyang tumanggap pa ng kahit anong reklamo o katanungan. "Tama na. Wala na kayong dapat pang problemahin. Kaya kong gawan 'yan lahat ng paraan. Ikukuha ko kayo ng scholarships. ang credentials naman ni Ella, madali lang magpagawa niyan sa Maynila."

Napakamot na lang sa ulo si Joseph dahil hindi na niya masasapawan pa ang katigasan ng ina. Talagang kahit ano'y gagawin nito masunod lamang ang gusto. Kahit pa ang pamemeke ng dokumento ay papasukin nito. Nagkatitigan na lang si Joseph at Ella dahil sa sitwasyon. Hanggang sa kapwa na rin sila napangiti sa isa't-isa, dahil sa loob-loob nila'y wala na silang magagawa pa.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now