25-Bangungot

913 29 0
                                    


UMALINGAWNGAW ang nakabibinging sirena ng mga truck ng bumbero kasabay ng mga pagsisigawan, pagiiyakan, at pagkakagulo ng mga tao sa paligid. Napakabilis ng mga pangyayari; sa isang iglap lamang ay naglalagablab na ang apoy na tumupok sa may limampung kabahayan. Dahil sa masikip at dikit-dikit na mga bahay, at dahil na rin sa tensyong nagaganap sa paligid, lalo pang nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang apoy.

Sa isang iglap lamang ay biglang gumuho ang pag-asa ng ,mga taong naroon. Hindi sila magkandaugaga kung ano ang gagawin: ang iba'y sinubukang isalba ang mga gamit mula sa mga natutupok nilang bahay kahit na napakaimposible na, ang ibang matatapang ay tumulong na sa mga bumbero para kahit papaano'y maapula ang apoy, ang iba'y nagkakagulo at naglulupasay dahil hindi nila makita ang ibang kaanak na maaaring naipit sa gitna ng dagat ng mga nagkakagulong tao o tuluyan nang naiwan sa kanilang mga bahay, ang iba'y walang magawa kundi panoorin na lamang na lamunin ng naglalagablab na apoy ang kanilang mga tahanan habang naghihinagpis. Ang iba'y wala na talagang direksyon-kasama ng mainit na apoy ay natupok na rin ang naabo nilang pag-asa sa buhay.

Kasabay ng malaimpyernong eksenang iyon, mababanaag ang isang batang lalaking nakatayo sa tabi ng bangketa, habang pilit na niyayakap ng kanyang inang nakasalampak roon at humahagulhol, at may tangan pang sanggol na hindi na rin tumitigil sa pagpalahaw. Blangko ang ekspresyon ng mukha ng batang lalaking iyon. Ni hindi man lamang ito umiiyak ngunit bumakas na ang mga natuyong luha sa kanyang pisngi. Sa gitna ng napakagulo at napakaingay na paligid ay tila wala na itong naririnig. Wala na itong naririnig. Wala nang nararamdaman.

"Nestor!" pagpapalahaw ng ina ng bata para pigilan lamang ang kanyang asawa na pumasok muli sa nagliliyab nilang bahay. Ngunit hindi ito nagpatinag.

"Patawarin mo ako, Milagros. Pero hindi ko puwedeng pabayaan na lang si Mary Rose!"

"Hindi!"

Sa malalim at mugtong mga mata ng batang lalaki ay rumehistro ang isang napakalagim na imahe: ang mga nagbabagang apoy at ang paglamon niyon sa kanyang ama, ang pagbabagsakan ng mga natupok na haligi at kisame, ang paglipas ng napakahabang sandali, at ang hindi na paglabas pa ng ama o ng kapatid mula roon.

Tumigil ang oras. Tumigil sa pag-ikot ang mundo. Tumahimik ang paligid. Dumilim ang lahat. Simula ng pangyayaring iyon, dumilim na ang lahat. Para sa bata.

Para kay Joseph.

"Joseph! Joseph!" Narinig ni Joseph ang mga paulit-ulit na pagtawag na iyon mula sa isang mahina at pagal na boses, dahilan para bumalik siya sa kanyang ulirat. Nanaginip na naman siya nang masama. Napanaginipan na naman niya iyon. Pagtunghay niya'y nadama niyang basa ang bedsheet. Basa na gawa ng kanyang mga luha.

Nakatulog na pala siya sa may gilid ng kama ni Aling Milagros dahil na rin sa pagod at sa paghihintay na magkaroon ng malay ang kanyang ina. Laking pasasalamat nga niyang nagising na rin ang ina sa wakas.

"Kamusta na po ang pakiramdam n'yo, Mama?" bakas ang pag-aalala sa mga mata ni Joseph para sa ina.

"Nahihilo pa ako ng kaunti...gawa rin siguro ng mga gamot na itinurok sa akin ng doktor para mabilis na maghilom itong mga sugat ko. Pero 'wag kang mag-alala, anak. Ayos na ako." Pinilit paarkuhin ni Aling Milagros ang isang bahagyang ngiti sa kanyang mga labi para mapatunayan sa anak na maayos na ang kanyang pakiramdam kahit na halos sariwa pa ang mga sugat at galos na natamo niya na ikinukubli lamang ng mga benda. "Si David? Kamusta na si David?" balik na tanong ni Aling Milagros. Sa totoo lang ay mas iniisip niya ang bunsong anak kumpara sa sariling kapakanan.

Nagawi ang paningin ni Joseph sa katabing kama. Nandoon ang kanyang bunsong kapatid na si David, mahimbing nang natutulog. Nagtamo rin ito ng bahagyang mga galos ngunit nagamot na. "Ayos na po siya, nagpapahinga na lang," matipid na tugon ng binata.

Sa narinig ay nakahinga na nang maluwag si Aling Milagros. Wala kasing tigil ito sa kakaiyak at pagwawala simula nang dalhin sa ospital. Halos hindi rin ito mapatahan ng mga doktor kundi nga lamang naturukan ng pampatulog."Salamat sa Diyos," naluluhang wika ni Aling Milagros.

Ginamit ni Marco-ni Damarkus ang isa sa kanyang mga ingkantasyon sa bata. Ginamit nito ang kapangyarihan upang burahin ang anumang 'malagim nitong nasaksihan'. Pagkagising nito, aakalain lamang nitong nanggaling sila sa isang aksidente. Wala itong maaalala sa totoong nangyari.

Nagtama ang mga paningin ng mag-ina. Bakas ni Aling Milagros ang pagkabalisa at pag-aalala sa mukha ni Joseph, kahit pa magaling itong magtago ng emosyon. Kahit pa nga sabihing may mga naiwang luha sa gilid ng mga mata ng binata, sasabihin nitong ayos lamang ito. Kung magagawa nga lamang niyang yakapin ang anak para kahit paano'y maibsan niya ang lahat-lahat ng nararamdaman nito. Ngunit hindi pa rin siya halos makakilos.

"Anak, ikaw, kamusta ka?"Simpleng tanong lamang iyon, ngunit sapat na upang ipakahulugan sa anak ang lahat-lahat ng mga katanungang gusto niyang ibato rito.

'Kamusta nga ba siya?'-ang katanungang dumagundong sa bawat himaymay ng kanyang kamalayan. Ayos nga lang ba siya? Hindi niya alam. Hindi niya alam kung ano o paano sasagot sa kanyang ina. Tama bang sabihin niyang ayos lang siya? Sa kabila ng lahat?

Sa kabila ng lahat ng nasaksihan niyang kahindik-hindik at halos hindi kapani-paniwalang mga pangyayari? Sa lahat ng mga matitinding rebelasyong nakita at narinig niya? Sa kabila ng lahat ng mga malalagim na alaalang paulit-ulit na nagbabalik sa kanya? Sa kabila ng lahat ng sakit na kanyang nararamdaman?

Oo.

Ayos lang siya.

"Anak..." narinig ni Joseph ang mga pagsamong iyon ng kanyang ina sa kanyang pangalan. Paulit-ulit. Kitang-kita niya ang matinding awa ng ina para sa kanya. Saka niya lamang nahinuha sa kanyang sarili na kanina pa pala siya humahagulhol sa harap ng ina. Sinubukan niyang kontrolin iyon. Ngunit wala siyang magawa. Patuloy lamang sa pagbalong ang mga masasaganang luha sa kanyang pisngi.Tila may sariling isip ang mga ito at patuloy lamang sa pagpatak.

"Anak...sige na. Subukan mong palayain ang sarili mo. Sabihin mo...sabihin mo lahat ng kinikimkim mong sakit."

"M-mama...P-patawarin m-mo ako..." sisigok-sigok na turan ni Joseph. Hindi na napigilan pa ni Joseph ang sarili at sumabog na ang kanyang emosyon. Nanginginig siya habang tangan ang palad ng ina. Ni hindi na nga alam ni Joseph na humahalo na pala ang sipon sa kanyang mga luha. "P-patawarin mo ako kasi wala akong nagawa. Hindi ko nailigtas si Mary Rose. Pinabayaan ko lang siya. Hindi ko rin napigilan si Papa. A-ako ang dahilan kung bakit namatay siya. A-ako ang dahilan kung bakit pareho silang namatay. At ngayon, wala pa rin akong nagawa para ipagtanggol kayo ni David. Dahil naduwag ako. W-wala akong kuwenta."

Hinigpitan ni Aling Milagros ang pagkakapisil sa nanginginig na palad ni Joseph. Para kahit sa ganoong paraan man lamang ay mapakalma niya ang anak. Kahit man lang sa ganoong paraan, maparamdam niyang hindi ito nag-iisa.

"Anak, matagal nang nangyari 'yon. Matagal nang tapos ang lahat. Hindi mo kailanman dapat sisihin ang sarili mo sa nangyari dahil wala ka namang kasalanan. Anak, patawarin mo na ang sarili mo. Palayain mo na ang sarili mo sa lahat ng sakit at pagdurusang nangyari noon. Dahil nasisiguro kong kung nandito man sila ngayon, 'yon rin ang sasabihin nila sa'yo. At anak...wala kang kasalanan sa akin, o kay David. Ginawa mo ang lahat para sa amin. Para kay Ella. Anak...kahit sa kabila ng matinding takot, lumaban ka. Hindi ka duwag. Matapang ka. At dahil sa tapang na 'yon, nandito pa tayong lahat."

Pinilit abutin ni Aling Milagros gamit ang kanyang kanang kamay ang mukha ng kanyang anak at inilapit naman iyon ni Joseph, na sa tagpong iyon ay medyo kumalma na sa pag-iyak. Kahit nanginginig ang mga iyon ay sinikap niyang mapunasan ang luha ng kanyang panganay. Tinitigan niya ang anak sa mga mumukat-mukat nitong mata saka hinaplos-haplos ang namumulang pisngi.

"Anak, lagi mong tatandaan na may dahilan ang Diyos kung bakit nangyayari sa atin ang lahat ng ito. Manalig lang tayo sa Kanya. Dahil nakasisiguro akong hindi Niya tayo pababayaan. Anak, anuman ang mangyari, lagi mong paiiralin ang kabutihang nandyan sa puso mo. Ang mga pagmamahal na nandyan, ang mag-aalis sa lahat ng takot, galit, o pangambang nararamdaman at nararanasan mo. Ang puso mo ang magtuturo ng dapat gawin. Basta't huwag na huwag mong kalilimutang magmahal."

Isang mahigpit na yakap ang naisagot ni Joseph sa kanyang ina. Ang pinakamatagal na yakap na naibigay niya kay Aling Milagros.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now