9-Multo ng Nakaraan

1.6K 63 14
                                    

MARIING nakatuon lamang ang buong paningin ni Ella sa harap ng kanyang desk. Maririnig ang pangilan-ngilang boses na nag-uusap sa loob ng silid na iyon ngunit mas nangingibabaw sa kanyang sistema ang pagkalabog ng kanyang dibdib. Tila sinemento nga ang puwetan niya sa arm chair dahil hindi man lang siya kumikilos. Ito na ang unang araw ni Ella sa unibersidad—ang pagsisimula ng bagong yugto sa kanyang buhay bilang isang ganap na mortal. Natatakot siya, pero hindi naman niya matukoy kung ano  ba talaga ang dapat niyang katakutan.

Napapitlag pa nga siya nang may tinig na tumawag sa kanya. "Ayos ka lang ba?" mahina ang boses na iyon. Si Joseph. Katabi lamang niya ito. Nginitian niya nang bahagya ang binata kahit di naman iyon mapapansin nito dahil sa balabal na nakapulupot sa kanyang leeg at tumatakip sa kanyang pisngi at bibig.

Sinubukan nitong tanggalin ang balabal ngunit pinigilan niya ito.Naalala pa niya ang nangyaring pagpapahiya sa kanya; at ayaw na niyang maulit pa iyon. Ayaw na niyang maulit pa ang sandaling laitin at punahin ang kanyang hindi kaaya-ayang mukha. Tanggap nga ni Joseph kung anong hitsura niya, ngunit sa loob niya'y hindi naman lahat ay katulad ni Joseph. Gaya na nga lamang nang una siyang mapadpad sa unibersidad na iyon.

Agad rin namang binawi ni joseph ang kamay nito sa pagkakahawak dahil  nauunawaan naman nito ang gusto  niya. Ngumiti pa nga ito sa kanya. "Huwag ka mag-alala. Kaya natin pareho ito."

Naputol ang usapan nila nang bumungad sa harapan ng klase ang isang pandak na matandang naghahalo na ang puti at itim na buhok. Nakasuot pa ito ng isang malapad na salamin. Buti na nga lamang at disente itong tingnan sa suot nitong checkered sleeves at gray slacks.

"I am Mr. Salvador. Is this the trigonometry class?" Matapos manigurado ng propesor ay nagpamahagi na ito ng makapal na papel sa buong classroom. Natanggap na ni Ella ang kanyang kopya subalit di pa niya iyon binasa bagkus ay nakatingin lang siya sa matandang guro sa harapan.

"That will be your syllabus for this course. Diyan na nakapaloob ang covered topics natin. Nakalagay na rin diyan ang aking consultation hours and contact numbers. If you have questions, feel free to approach me in my office at the time specified."

Tumalima naman ang mga estudyante. Sinayod ng guro ang mukha ng kanyang mga estudyante sa buong klase saka tumikhim. "Since it's the first day, gusto kong magpakilanlan tayo sa isa't-isa. I know it's bit obselete, pero ito ang sistema ko. Magsimula na tayo. Ang kailangan nyo lang sabihin ay ang pangalan ninyo, edad, at ang kursong kinukuha ninyo."

Dahil sa tinuran ng guro ay lalong kinabahan si Ella. Napatitig siya sa kabuuan nito at lalo siyang nakaramdam ng kakaiba. Kanina pa siya hindi mapakali at lalong pinatindi niyon ang kanyang pagkabalisa.

"Ikaw naman." Hanggang sa tumama na nga sa kanya ang paningin ng matanda dahilan para lalong mapatda ang kanyang katawan sa kinapupuwestuhan. Umakyat nga yata ang lahat ng dugo niya sa ulo dahil sa matinding kaba. Nanliit siya nang mga oras na iyon at pakiramdam niya'y nasentro na sa kanya ang atensyon ng lahat ng naroon.

Bumalik lamang siya sa 'kamalayan' nang may kumuyom sa kanyang naghihingalong palad. Napaharap siya sa masiglang mukha ni Joseph na tila nagsasabing 'kaya mo yan.' Nanginginig man ang kanyang mga tuhod ay pinilit niyang tumayo. Napahawak pa nga siya sa kanyang arm chair dahil pakiramdam niya'y matutumba siya.

"A-ako si Ella Ramirez. Ah...first year pa lang po ako...at...at..."saglit siyang napatigil upang alalahanin kung ano nga ba ang kursong kinukuha niya. Buti na lang at natandaan niya ang sinabi ni Joseph kanina sa kanya. Kapareho lang din kasi ng kurso ni Joseph ang kukunin niya, alinsunod na rin sa bilin ni Aling Milagros. "Mathematics po ang kinukuha ko..." Nanginig lalo siya at hindi niya nakuhang tumingin nang diretso sa mukha ng propesor. Saglit na lang at matutunaw na siya dahil sa maraming mga matang nakamasid sa kanyang kabuuan. Ikinagulat pa nga niya ang biglaang paglapit sa kanya ng guro sa kanyang harapan. Napalunok siya ng laway habang sinisipat nito ang kanyang mukha. Iniangat pa nga nito ang suot na reading glasses.

"You're beautiful, Ms. Ramirez." Hindi niya alam kung dapat ba siyang matuwa sa pampupuri nito sa kanya o dapat ba siyang maasiwa dahil sa ginagawa nitong pagtitig nang malalagkit sa kanya. Napansin pa nga niya ang biglaang pagkunot ng noo nito. "Pero bakit naman may takip ang mukha mo? Hindi 'yan bagay sa suot mong uniform. Puwede mo bang tanggalin?"

Umabot na nga sa kasukdulan ang kaba ni Ella. Natatakot siya sa maaaring maging reaksyon ng lahat kung makita ng mga ito ang kanyang itinatago sa likod niyon. Ngunit natatakot rin siya sa propesor, lalo pa't iba ang pakiramdam niya rito. Tila hinahatak nito ang kanyang isip upang tuluyan na niyang tanggalin ang kanyang balabal. Iaangat na niya ang kanyang kamay nang biglang—

"Anyway, Ms. Ramirez. Welcome to St. John University. You can take your seat." Nakahinga na nang maluwag si Ella nang sabihin iyon ng guro. Ngunit naririnig pa rin niya ang pagbubulungan ng kanyang mga kaklase. Hindi man niya malinaw na napapakinggan ang sinasabi ng mga ito, alam niyang nahuhusgahan na naman ang kanyang pisikal na anyo. Ngunit minabuti na lang niyang magpanggap na parang wala siya roon.

Maya-maya pa ay napukaw ang kanyang atensyon maging ng iba pa sa isang nagingibabaw na boses. Halos sakupin na nga niyon ang buong classroom kaya't natigilan silang lahat. Naabutan ng tingin ni Ella ang dalagang nakuha pa talagang magtungo sa unahan ng klase kahit hindi naman kinakailangan. Si Katrina iyon, habang mistulang 'nagtatalumpati.' Pagkatapos nitong magsalita, dumagundong ang malakas na palakpakan bilang papuri kay Katrina.

"Excellent! Ms. Geronimo! Keep it up!"

Nahuli tuloy siya ni Katrina na nakatingin rito. Bahagya siya nitong inirapan at isang mapang-uyam na ngiti pa ang sumilay sa mukha nito na tila nagsasabing 'Sorry ka ngayon, Ella! Nalamangan kita sa pagkakataong ito!' Agad niya ring binawi ang tingin dito.

"I think everyone has already—

Naputol sa pagsasalita ang matandang guro nang isang humahangos na estudyante ang tumambad sa kanila mula sa labas. Nagmamadali itong pumasok sa kanilang silid. Pinagtaasan ito ng kilay ng propesor dahil unang araw pa lang ng pasukan ay late na agad ito. Pinagsabihan ito saglit ng guro saka inutusang magpakilala.

"Hi, I'm Marcos De Leon..."

Halos kiligin ang mga babaeng naroroon habang nagsasalita ito. Dahil sa angking kakisigan ng binata na hindi naitago ng suot nitong polo. Mestiso at gwapo ito ngunit hindi naman gaanong katangkaran. Wala ring mababanaag na emosyon sa mukha nito.

Samantala, nanlaki ang mga mata ni Ella nang makita ang huling dumating na binata. Tila may kidlat na gumising sa kanyang alaala, at kinuryente ang kanyang buong sistema. Parang naging bomba bigla ang kanyang puso dahil sa lakas ng pagkabog, at pinagpawisan rin siya nang malamig.

"Ella, ayos ka lang ba? Para kang nakakita ng multo?" pag-aalala ni Joseph matapos nitong mapansin ang kanyang reaksyon. Gusto sana niyang sabihing ayos lang siya ngunit bigla yatang natuyuan ang kanyang lalamunan at walang anumang tinig ang kayang lumabas roon.

Dahil ang nakita niya ay higit pa sa isang multo.

Si Damarkus.

Inferno's HeiressOpowieści tętniące życiem. Odkryj je teraz