50-Huli na ang Lahat

521 19 0
                                    

'NASAAN ka na, Joseph?'

Tanging iyon ang katanungang nasa isip ni Ella nang mga sandaling iyon. Nangako itong babalik agad ngunit ilang minuto na siyang nakaupo roon sa lugar kung saan siya nito iniwan pero hindi pa rin ito bumabalik. Inilibot niya ang mga mata sa kumpol ng mga taong sumasayaw ngunit hindi mahagip ng paningin niya si Joseph.

Nagsisisi siya na hindi niya ito napigilan nang magpumilit itong ikuha siya ng maiinom. Dapat talaga'y niyaya na lamang niya itong umuwi agad. Ngunit iginiit nitong magpahinga muna siya saglit upang kahit papaano'y umayos ang pakiramdam niya. Pero habang tumatagal siya roon, pakiramdam niya ay lalo lang lumalala ang nararamdaman niya.

Lalong nag-iinit ang peklat niya na hindi niya maipaliwanag kung bakit. Natutuyo na ang lalamunan niya dahil sa init ng paligid. Na dinagdagan pa ng dumagundong na ingay mula sa malalaking speakers sa loob ng bulwagan. Lalo siyang nahihilo sa mga paikot-ikot na magkakaibang kulay ng liwanag at sa mga taong kung 'ano-ano' ang ginagawa roon.

Bagama't masama na talaga ang lagay niya at nangako siya kay Joseph na hindi siya aalis doon, hindi siya makatiis na hindi niya ito hahanapin. Pakiramdam niya ay habang tumatakbo ang segundong wala ang binata sa tabi niya ay lalong sumasama ang pakiramdam niya. Hindi maganda ang kutob niya sa mga nangyayari sa kanya nang mga sandaling 'yon.

Sinuong niya ang kumpol ng mga tao upang hanapin ang binata kahit na sumisiksik na talaga siya at nabunggo-bunggo ng mga ito. Ngunit dahil sa sama ng pakiramdam niya ay nahilo siya at muntikan nang matumba. Kundi nga lamang may sumagip sa kanya. Nabuhayan siya ng loob dahil baka si Joseph na iyon. Sa pagtunghay niya-

"Ella, are you okay?"

"Montgomery?"

Binawi ni Ella ang kamay mula sa mahigpit na pagkakahawak ni Montgomery. Aalis na sana siya roon ngunit ikinabigla niya ang pagtapat sa kanya ng isang sobrang puting liwanag. Nasulo pa nga siya bahagya dahil doon kaya naitapat niya ang palad sa mukha. Tumigil ang dumadagundong na musika at narinig niya ang paglangitngit ng mikropono. Lalo siyang kinabahan nang halos lahat ng naroon ay napunta sa kanya ang atensyon. Maya-maya ay narinig niya ang pagsasalita ng isang pamilyar na boses sa mikropono.

"Ladies and gentlemen, the Queen of the Night!"

Ang boses na iyon.

Si Katrina.

Pumailanglang ang malakas na palakpakan ng mga kapwa niya freshmen at ng iba pang mga estudyante at bisitang naroon kasabay ng pagbanggit ng mga ito nang paulit-ulit sa kanyang pangalang 'Ella!'. Palakas nang palakas. Hindi niya lubos maintindihan kung ano ba ang nangyayari.

Nabibingi na siya. Nahihilo na siya. Natutunaw na siya sa mga matang nakatutok sa kanya. Nanghihina na ang mga tuhod niya. Hindi na siya nakaangal pa nang hilahin ni Montgomery ang mga kamay niya papunta sa entablado.

'Joseph...nasaan ka na?'

Nasilayan niya ang mukha ni Katrina habang hawak nito ang mikropono habang wala siyang kalaban-labang inihahatid ni Montgomery. Ang matatalim nitong mga titig sa kanya. Ang mapanuya nitong ngiti.

'Joseph...nasaan ka na?'

Nasemento si Ella sa kanyang kinatatayuan, sa harap ng napakaraming mga mata. Naging sunud-sunuran siya kay Montgomery at namalayan na lang niya ang sariling nakaupo sa upuan na inihanda sa kanya sa entablado. Hanggang sa naramdaman niyang may inilalagay na sa kanyang ulo.

Isang korona.

"Once again, ladies and gentlemen, the queen of the night, Ella Ramirez!" pag-aanunsyo muli ni Katrina. "Ella, here's your well-deserved prize!" na sinundan ng paghalakhak ni Katrina. Nakita niya ang biglaang pagkindat nito na hindi niya alam kung ano ang dahilan.

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now