53-Simula ng Katapusan

571 17 0
                                    

"PAKAWALAN mo ako dito!" Nagpupumiglas si Devils mula sa pagkakagapos sa kanyang mga kamay at paa sa trono ni Lucifero sa pamamagitan ng kadenang apoy na nilikha nito. Ngunit kahit anong gawin niyang kilos ay hindi siya makawala sa lakas ng kapangyarihan nito. Sa halip, nalalapnos pa ng kadenang apoy ang kanyang namumulang balat dahilan para mapasigaw siya sa sakit sa tuwing tatangkain niya itong tanggalin sa pamamagitan ng sariling puwersa. Tiniis niya ang sakit basta makagawa lang ng paraan na makatakas, kahit na ang katotohanan ay napakaimposible niyang makatakas sa kalagayang 'yon.

Umalingawngaw ang napakalakas na paghalakhak ni Lucifero na sumabay sa dumadagundong na tinig ng mga kaluluwang nagmamakaawa sa Kawakas at Kawala. "Huwag mo nang pahirapan pa ang sarili mo, Devila. Wala ka nang babalikan pa sa mundo ng mga mortal. Isa pa, paano ka pa nga ba makakabalik? Pinatay ko na ang wangis-tao mo," pang-aasar pa nito sa kanya saka humalakhak muli. "Kaya ngayon, pagmasdan mo ang napakagandang kahariang malapit mo nang pamunuan. Pagmasdan mo ang kapalarang matagal nang naghihintay para sa'yo."

Napatitig si Ella sa malagim na pangyayaring nagaganap sa kanyang harapan mula sa itaas ng tronong 'yon. Ang mga kaluluwang paulit-ulit na nakatitikim ng mga hagupit sa mga Lakaw kahit na hindi na nito kinakaya pa at napapabulagta na lamang at naglalaho sa kawalan. Ang mga kaluluwang nalulunod sa nagbabagang apoy ng Kawala habang naghuhumiyaw sa sakit at pagdurusang lumalamon sa kanila.

Hindi niya kaya. Hindi niya kailanman makakayang tanggapin ang kapalarang nakalaan para sa kanya. "Pakawalan mo ako! P-pakawalan mo ako dito! Hindi ito ang kapalarang gusto ko!" Mas tumindi ang pagpupumiglas ni Devila kaya mas lalong tumindi ang sakit na lumulupig sa kanyang katawan sa pagkakagapos. Nanghina na siya dahil ibinuhos na niya ang buong lakas maiangat lamang ang kadenang apoy na pumipigil sa kanya ngunit walang anumang nangyari.

Lumapit si Lucifero sa harap niya at halos idukwang na nito ang mukha sa kanyang mukha. Binigyan siya nito ng isang napakalapad na ngiti habang pailing-iling pa. Habang hinahabol ang sariling lakas ay tinitigan nang matalim ni Devila ang ama. "Wala ka nang magagawa. Ang mabuti pa ay ihanda mo na lamang ang sarili mo para sa ritwal."

Biglang binugahan ni Devila ng laway ang mukha ng kanyang ama. Dahil sa init niyon ay nalapnos nang bahagya ang mukha ni Lucifero. Dahil sa matinding galit at gulat sa ginawa ng anak ay isang malakas na sampiga sa pisngi ang natamo ni Devila. Sa lakas niyon ay napabaling papunta sa kanan ang mukha ni Devila at nagkaroon ng markang sugat ang mukha ng prinsesa. Kung may kaluluwa nga lamang si Devila ay tiyak na humiwalay na iyon sa ginawa ng ama. Ngunit, hindi inalintana ni Devila ang sakit na naramdaman. Humarap siyang muli sa ama na parang walang nangyari at binigyan pa ito ng mas matalim na titig. Gumagaralgal at mahina ngunit nanatiling matigas ang tinig ni Devila. "M-mas gugustuhin ko pang maglaho sa kawalan kaysa tanggapin ang kaharian mo!"

Napahalakhak na lang sa kanyang isipan si Lucifero dahil sa mismong tinuran ng kanyang anak. Nalalapit na ang kanyang tagumpay. Kaunting sandali na lamang ang kanyang hihintayin at mapapasakanya na ang walang-hanggang kapangyarihang pinakaaasam niya. 'Huwag kang mag-alala, Devila. Pagkatapos ng ritwal, matutupad na rin ang sinasabi mo.'

Napatitig muli si Lucifero sa kanyang anak at nakita niyang nakatungo na ang ulo nito. Akala niya'y sumuko na talaga ito. Ngunit ipinagtaka niyang bigla na lamang itong humahalakhak nang mahina. Dahilan para mainis siya rito.

"Anong itinatawa-tawa mo? Nakakatawa bang wala ka nang magawa? Sige lamang, tumawa ka hanggang gusto mo! Dahil wala ka nang magagawa kundi ang tumawa. Hindi ka na makakawala pa."

"Nakakatawa ka, ama. Alam mong nandito si Damarkus sa impyerno. Ililigtas niya ako dito. Hindi mo magagawa ang ritwal na sinasabi mo. Dahil sa pagkakaalam ko, nasa kanya ang Aklat sa Katuparan. Nakakatawa."

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now