61-Una at Huling Sulyap sa Puntod

895 14 0
                                    

SA GITNA ng mga pagluhang iyon ni Aling Milagros ay bahagya siyang napakislot dahil sa malamig na palad na dumampi sa balikat niya. Tumagos iyon kahit na medyo makapal ang suot niyang puting blusa. Pinilit niyang pigilin ang pagluha at bahagyang pinalis ang mga luhang umagos sa kanyang pisngi. Tumayo na siya at hinarap ito. Binigyan niya ito ng isang bahagyang pagngiti.

"Joseph."

NAPATIGIL bigla si David sa paghagulhol nang maramdaman niyang parang biglang gumalaw ang kanyang kapatid. Nakita niyang parang biglang pumitik ang hintuturong daliri nito mula sa pagkakalapat sa gilid ng kama dahilan para mapasigaw ang bata. "Mama! Buhay pa si Kuya!"

Dahil sa pagsigaw na iyon ng anak ay napatigil sa pag-iyak si Aling Milagros. Pati ang mga natitira pa doong doktor at mga nars ay natigilan din dahil sa labis na pagkagulat. Dali-daling napatayo si Aling Milagros para pumunta sa tabi ni David at para kumpirmahin ang ibinulalas nitong napakaimposible. Pero halos takasan na nga siya ng hininga nang sa pagbaling niya roon ay nakabukas na nga ang mga mata ni Joseph.

Nagkatinginan na nga lamang ang mga doktor at nars na nandoon dahil sa labis na pagkagulat at pagkamangha. Hindi pa rin sila makapaniwalang nakasaksi sila ng isang napakaimposibleng 'himala'.

"Diyos ko! Joseph! Salamat sa Diyos at buhay ka! Diyos ko!" hindi maintindihan ni Aling Milagros kung paano at saan niya uunahing yakapin at haplusin ang anak. Napahinto si Aling Milagros nang marinig ang puputol-putol nitong tinig habang marahas ang paghikbi.

"E-e—ll-a."

MARY ROSE C. RAMIREZ

Born: April 17, 1998 Died: September 4, 2004

In Loving Memory

NESTOR A. RAMIREZ

Born: November 16, 1971 Died: September 4, 2004

In Loving Memory

BINIGYAN ng isang mahigpit na yakap ni Aling Milagros si Joseph. Tumugon naman ang binatang anak. Naramdaman nilang yumakap na rin sa kanila si David. Ang mga 'nananahimik' na mga tao lamang sa paligid ang naging saksi sa sandaling iyon.

Kumalas si Aling Milagros sa pagkakayakap sa anak. Tumitig siya sa mukha ni Joseph na kasalukuyang nakatitig lamang sa mga lapidang nakadikit sa dalawang magkapatong na puntod. Bagama't halos anim na buwan na ang nakalipas matapos ang lahat ng mga masasakit na 'pangyayari' sa buhay nila, bakas pa rin niya sa mukha ni Joseph ang matinding sakit. Ang hindi maikukubling pait ng kabiguan.

Hindi pa nga sapat ang napakakarampot na panahong iyon para makalimot. Baka nga habambuhay nang mananatili ang sakit at kabiguang iyon sa puso ni Joseph. Baka nga hindi na iyon magagamot pa kahit pa ng panahon.

"Maiwan ka muna namin ni David dito. Hihintayin ka na lang namin sa labas." Hinimas nang bahagya ni Aling Milagros ang pisngi ng anak habang magkadugtong pa rin ang mga paningin nila kaya medyo napangisi ang anak sa kanya. Isang simpleng pagtango ang isinagot ni Joseph sa kanya bilang pagpayag. Nakahinga nang maluwag si Aling Milagros.

Simula nang mamatay ang ama at ang kapatid, hindi kailanman dumalaw si Joseph sa puntod ng mga ito. Dahil simula ng malagim na pangyayaring iyon ay sinisi na ni Joseph ang sarili nito sa pagkawala ng ama at kapatid.

Kaya ngayon, nabunutan na siya ng malaking tinik sa dibdib. Dahil sa wakas, nagkaroon na ng lakas ng loob na harapin ni Joseph ang tinatakasan nito noon pa. Sa wakas, sinisimulan na nga ni Joseph na patawarin ang sarili nito.

Gaya nga ng matibay niyang pinaniniwalaan, may dahilan ang Diyos kung bakit nangyayari ang lahat ng mga iyon sa kanila. Hindi niya man lubusang maunawaan ang lahat, itutuon na lamang niya ang atensyon at pagmamahal sa mga anak, at magpatuloy sa buhay.

"K-KUYA, lumabas ka na! Iwanan mo na ako..."

"H-hindi kita iiwan...Hindi kita iiwan..."

"Kuya, i-iwanan mo na ako..."

"Hindi, Mary Rose, hindi..."

NAIPIKIT na lamang ni Joseph nang marahas ang kanyang mga mata nang bumalik sa kanyang isip ang pinakamasakit na alaalang iyon sa buhay niya. At sa pagpikit na iyon ay tuluyan nang bumalong ang mainit na luha mula sa kanyang mga mata at umagos iyon sa kanyang nanginginig na pisngi.

Dinilig niyon ang mga bulaklak na ipinatong niya sa ibabaw ng puntod. Ang puntod ni Mary Rose. Nanginig ang kanang kamay niya nang dukutin niya ang isang nalamukos na papel sa kanyang bulsa. Ang itinago niyang papel.

Ang larawan.

Dahan-dahan niya iyong ibinuka. Bakas na nga roon ang mga gusot-gusot na linyang dahil sa pagkakalukot ngunit nananatiling matibay ang papel. Inipit niya iyon sa ilalim ng 'plorerang' inilagay ni Aling Milagros, upang hindi iyon tuluyang liparin.

Humugot siya ng isang malalim na hininga upang pansamantalang pigilin ang pagdaloy ng kanyang mga luha. Tumitig siya sa larawang inilagay sa katapat ng ng lapida. Nahihikbi man ay nagawa niyang sambitin ang mga salitang iyon. Sa wakas, nasimulan na niyang isatinig ang mga salitang nagkulong sa kanya sa loob ng napakaraming taon.

"P-patawarin mo ako. Hindi kita nagawang iligtas, —

Napahinto siya. Hindi na talaga niya napigilan pa at muli na namang rumagasa ang masagana niyang luha. Hindi na niya iyon makontrol pa. Nanginig na ang buo niyang katawan. Yumugyog na ang dalawa niyang balikat. Sasabog na ang dibdib niya. Nangatal ang mga labi niya at parang wala na siyang lakas pang sabihin ang kahuli-huling salita.

Hindi niya kaya.

Pero kailangan niyang tanggapin ang lahat. Kailangan niyang intindihing mayroong dahilan ang lahat kahit pa sobrang dilim ng dahilan. Kailangan niyang tanggaping iyon ang kapalarang nakalaan para sa kanila. Na iyon ang tadhanang nakalaan para sa kanya.

Kapalarang hindi niya matatakasan.

Kapalarang hindi niya mapipigilan.

Tulad ng pagbagsak ng mga bituin sa kalangitan. Kahit gaano mo man piliting matupad ang mga kahilingan, mayroon talagang mga bituing sadyang hindi nakalaan para sa iyo. Mga bituing sadyang bumabagsak lamang at hindi mo kailanman masasalo.

Kaya kahit hindi niya kaya, kailangan niyang kayanin. Para tuluyan nang makalaya ang sarili niya sa nakaraang kumukulong sa kanya.

Para makalaya na ang puso niya.

Kailangan niyang sabihin ang pangalang iyon, kahit ang kapalit niyon ay ang habambuhay na kabiguan.

Kahit iyon na ang simula ng pagkamatay ng kanyang bituin.

Dahil iyon ang nararapat.

"Ella."

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now