41-Anino

636 19 0
                                    

ISANG mahigpit na yakap ang isinalubong ni David kay Ella. Animo'y ilang taon silang hindi nagkita. Hinaplos-haplos ni Ella ang buhok ni David hanggang sa ito na mismo ang kumalas.

"Sabi na nga ba babalik ka, ate Ella!" Napapasuntok pa si David sa hangin sa sobrang kagalakan. Bumaling pa ito sa kanyang kuya Joseph. "Kuya, thank you, ha? Pinabalik mo ulit si ate Ella. Meron na ulet akong ate! Happy family na ulet tayo."

Nagkatinginan pa nga sina Ella at Joseph dahil sa sinabi ni David na 'happy family'. Nginitian na lang ni Joseph ang nakababatang kapatid saka bahagyang ginulo ang buhok nito.

"Nanay Milagros..." puno ng galak na wika ni Ella nang lumabas ang aleng naka-wheel chair mula sa kusina. Sinunggaban ng yakap ni Ella ang kinikilalang ina. Dahil sa awa sa sinapit ni Aling Milagros ay napaluha siya. "...S-sorry po-

"Tama na. Huwag ka nang umiyak. Naiintindihan ko ang lahat-lahat. Pinili mo lang gawin kung ano ang sa tingin mo ay tama para sa'yo at para sa amin. At masayang-masaya ako na kami pa rin ang pinili mo. Natatandaan mo pa ba ang sinabi ko sa'yo nang una kang dumating dito? Tatanggapin ka namin kahit sino ka pa. Kahit pa bumalik ang alaala mo. Dahil naniniwala kaming mabuti kang tao," bakas sa mukha ni Aling Milagros ang sinseridad. "At anuman ang mangyari, ipagtatanggol ka namin sa lahat ng sinumang mananakit sa'yo."

"S-salamat po."

Hinaplos ni Aling Milagros ang pisnging may peklat ni Ella. "Kakalimutan natin ang lahat ng nangyari. Magsisimula tayo ng panibagong buhay...kasama ka." Niyakap muli ni Ella si Aling Milagros. Dahil hindi nakatiis ay nakisali na rin si David sa yakapan.

Naiwan lamang na nakatayo roon si Joseph. Pakiramdam niya ay nakakailang kung pati siya ay makikisali pa. Hindi man ngumingiti si Joseph, hindi maitatago sa maaliwalas niyang mukha ang nag-uumapaw na galak habang pinapanood ang kanyang pamilya.

Bagong pamilya.

"Tama na nga ang drama! Mabuti pa kumain na tayo. Nagugutom na ako, e. Maggagamot pa ako ng sugat." Inirapan siya ni Aling Milagros at saka pinagtaasan ng kilay at animo'y nagsabing 'kukurutin kita mamayang bata ka, ano na namang kalokohan ang ginawa mo?'. Nakamot na lang ni Joseph ang likuran ng kanyang ulo. "M-may aayusin pa po akong motor, Mama."

Hindi maitatangging masaya si Ella sa mga oras na iyon. Dahil tinanggap siya ng pamilya sa kabila ng nagawa niyang pagsisinungaling sa mga ito. Napatawad siya ng mga ito sa kabila ng mga kasalanan niya. Na sa wakas ay natanggal na ang isa sa mga tinik na bumibikig sa kanyang dibdib.

Napaisip si Ella: Kung kagaya lang sana nila ang lahat ng tao, na mabuti at marunong magpatawad sa mga kasalanan, wala na sanang impyerno. Wala na sana siyang mundong dapat takasan.

Ngunit, natanggal na nga ba niya ang isa sa mga tinik sa dibdib niya? O, lalo lang niyang dinagdagan ang mga tinik na iyon, at idinamay niya pa ang mga ito sa pagkakabikig? Dapat nga ba siyang maniwalang may pagkakataon pa siya para sa isang panibagong buhay?

Inihanda na niya ang sarili sa pagbabalik sa impyerno. Dahil sinasabi ng utak niyang pinakatamang gawin para matapos na ang panggugulo at pananakit ng kanyang amang si Lucifero sa mga taong mahal niya.

Ngunit nang dumating si Joseph, bigla siyang napaurong. Nabago agad-agad ang kanyang desisyon. Pinakinggan niya ang sinisigaw ng puso niyang hindi niya kayang mawala ang binata sa piling niya.

Ngunit sa pagkakataong 'yon, naging tama nga ba ang desisyon niya? Tama nga ba ang kanyang pinakinggan?

Asul na Araw. Ang tagpong pinakakinatatakutan niya ngunit hindi niya mapipigilang dumating. Ang tagpong hindi niya alam kung kailan eksaktong mangyayari. Ang kritikal na tagpong kailangan niyang paghandaan-ngunit hindi niya alam kung paano. Dahil wala naman siyang alam kung paano haharapin 'yon, o ang tamang gawin kung sakaling dumating na nga ang araw na 'yon.

Ang alam lang niya ay maghintay; pinaniniwala ang sariling malalampasan iyon, habang mismong siya ay walang nagagawa. Samantalang ang kanyang ama'y hindi niya alam, lihim na palang kumikilos nang wala siyang kamalay-malay. Maaaring umepekto nga rito ang ginawa ni Damarkus, ngunit hanggang kailan?

Alam niyang higit na mas malakas at makapangyarihan ang kanyang ama. Maaaring hindi pa nga ito nagpaparamdam o kumikilos laban sa kanila. At 'yon na nga ang mas ikinatatakot niya. Tiyak na mas karima-rimarim pa ang gagawin nito makuha lamang siya. Samantalang siya, wala man lamang kaalam-alam kung kailan ito kikilos. Paano kung magising na lang siyang wala na ang pamilyang pinakamamahal niya?

Tama nga ba talagang ang puso niya ang pinakinggan sa pagkakataong ito?

"Ella..." napapitlag ang dalaga nang isang malamig na kamay ang dumampi sa kanyang mga palad. Kinabahan siya, ngunit nakahinga rin naman nang maluwag nang malaman kung sino 'yon. "Okey ka lang ba?" ani Joseph. Maging sina David at Aling Milagros ay napahinto rin sa pagkain at nagawa ang paningin sa dalaga. Napansin rin nilang hindi masyado nagalaw ni Ella ang pagkain sa plato.

"Oo," matipid na tugon ni Ella. "Pagod lang ako." Binawi niya ang palad sa binata at bumaling kay Aling Milagros. "Magpapahinga na po ako."

Inihatid na lamang nila ng tingin ang dalaga papunta sa kuwarto nito. Walang imik na lamang nilang ipinagpatuloy ang pagkain.

Hindi maiwasang isipin ni Ella ang kanyang matalik na kaibigang si Damarkus. Na sinuong ang matinding panganib na bumalik sa impyerno para mapigilan ang Asul na Araw. Hinayaan niya itong magsakripisyo, maibigay lamang sa kanya ang buhay-ang mundong inaasam niya. Kahit na kailanman ay hindi niya nagawang suklian ang mga kabutihan nito para sa kanya. Sana lang talaga'y nasa maayos na kalagayan si Damarkus, kung hindi ay hindi niya talaga mapapatawad ang sarili kung may mangyari ditong masama.

Napatitig si Ella sa kanyang hubad na repleksyon sa salamin habang nagbibihis siya. Wala na ang namumula at makakapal niyang balat. Wala na ang napakahaba niyang buhok. Wala na ang kanyang sungay at buntot. Kung titingnan ang kanyang wangis ay isa na nga siyang ganap na tao.

Naipokus ni Ella ang kanyang paningin sa peklat sa kanyang pisngi. At sa 'di niya inaasahan, muli itong nagbaga at nagliyab. 'Ito nga ba ang kapalit ng pagtalikod ko sa kapalaran ko? O, may mas higit pa?'

Paano?

Paano nga ba siya tuluyang mabubuhay bilang si Ella, kung hanggang ngayo'y hinahabol pa rin siya ng anino ni Devila?

Inferno's HeiressTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon