11-Pag-iingat o Pagseselos?

1.4K 45 3
                                    

MALAKAS ang pagtahip ng dibdib ni Ella habang halos patakbo niyang binabagtas ang kahabaan ng pasilyo upang marating ang kasunod niyang klase. Hindi dahil sa mahuhuli siya sa kanyang aralin, kundi pakiramdam niya'y may humahabol at sumusunod sa kanya. Masama ang kutob niya, kaya't bawat hakbang niya'y isang lingon din ang ginagawa niya. Gayunman, wala namang nahahagip ang kanyang paningin na kahina-hinala.

"Baka guni-guni ko lang talaga ang mga 'yon." Pilit niyang pagpapakalma sa kanyang isip habang wala pa rin siyang tigil sa paglalakad. Ngunit kung guni-guni nga lamang talaga ang lahat, bakit paulit-ulit niya iyong nararamdaman sa paaralan, lalo na kung siya ay nag-iisa?

Hindi niya kasama si Joseph nang oras na iyon, dahil iba ang asignatura nito sa kanya. Tapos, nagkataon pang pangilan-ngilan ang mga estudyanteng naglalakad sa pasilyo, dahilan para lalong tumindi ang kanyang kaba. Nasa ganoong ayos siya, kaya't hindi niya napansing may kasalubong pala siya sa intersekyon. Nabunggo niya ito. Muntikan pa siyang matumba dahil sa lakas ng impak; buti na lamang at nahawakan siya nito sa braso. Ngunit sa halip na mapanatag, lalo lang tumindi ang naramdaman niyang takot nang mga sandaling iyon, pero hindi niya maipaliwanag. Kakaiba ang init na dumaloy sa mga balat niya. Kakaiba dahil pakiramdam niya'y napaso siya.

"Miss, ayos ka lang ba? Nasaktan ka ba?" ang boses na iyon ang bumasag sa kanyang panginginig. Pamilyar ang boses na iyon para sa kanya. Hindi nga lang niya maalala kung kailan at saan niya ito eksaktong narinig.

"Ok lang ako." Iwas niyang tugon. Hindi na nga siya nag-abala pang tumingin sa mukha nito. Aalis na sana siya nang bigla muli nitong hawakan ang kanyang mga kamay.

"May problema ba?" giit nitong tanong sa kanya. Ikinagulat ni Ella kung sino ang nabunggo niya nang matunghayan ang mukha nito. Ang binatang iyon; ang lalaking pumukaw sa kanyang atensyon, nang mapagkamalan niya itong si Damarkus noong unang araw ng pasukan.

"Wala." Pilit niyang iniiiwas ang tingin rito dahil kakaiba talaga ang kutob niya sa pagkatao nito. May nararamdaman siyang 'presensya' dito na hindi niya matukoy o maipaliwanag.

"Sigurado ka ba?" nakuha pa nitong titigan siya sa mga mata para hulihin kung nagsasabi nga ba siya nang totoo. Sa hitsura nga niyang iyon na pawisan at tuliro'y malabo siyang makapagtago. "Bitawan mo na ako. Mahuhuli pa ako sa aralin ko." Pero hindi pa rin siya nito binitawan at sinipat pa ang kabuuan ng kanyang hitsura na lalong nagpailang sa kanya.

"Hindi ba't magkaklase tayo sa trigonometry?" Tanging tango ang isinagot niya sa katanungan nito. "Ako nga pala si Marco De Leon." Inilahad nito sa kanya ang palad kaya't napilitan na rin siyang tanggapin ito. Hindi tulad kanina na napaso siya, nawala na ang pakiramdam na iyon. Isa nga lang ba talagang guni-guni ang naramdaman niya?

"A-ako si...Ella Ramirez..."

"Talaga?" may halong paninigurado base sa tono ng pananalita nito. Parang hindi ito naniniwala sa ginawa niyang pagpapakilala, ayon na rin sa naging reaksyon nito. Na para bang kilalang-kilala na siya nito. Nasa ganoong tagpo sila nang marinig ni Ella ang kanyang pangalan mula sa likuran. Paglingon niya rito'y si Joseph pala na nagmamadaling lumapit sa kanya.

"Ella, anong nangyari rito? Bakit ka tumatakbo kanina ha?" mahihinuha niya ang pag-aalala sa mukha nito. Napansin pa nga niya na napatitig ito sa magkasagmong nilang mga palad ni Marco De Leon, kaya't agad niyang binawi ang kamay. Nakaramdam tuloy siya nang hiya para sa binata dahil sa nasaksihan nito. Baka kung ano pa ang isipin ni Joseph sa kanya.

"Ah, Hi, pare, ako nga pala si Marco. Marco De Leon. Ikaw?" inalok rin ng huli ang kamay nito kay Joseph. Ngunit isang titig lang ang isinagot ni Joseph kay Marco; isang titig na hindi maganda, ngunit hindi rin naman masama. Tila kinakabisado lamang nito ang hilatsa ng pagmumukha ni Marco.

"Tara na, Ella, umalis na tayo rito!" hinablot na ni Joseph ang kanyang braso kaya't napilitan na siyang umalis kasama nito. Naiwan roon ang ekstrangherong si Marco na nananatiling nakaangat ang mga kamay, dahil sa nadismaya nitong palad.

Habang binabagtas nila ni Joseph ang kahabaan ng hallway palayo roon ay namayani ang isang kakaibang katahimikan sa pagitan nilang dalawa. Isang katahimikang alam niyang hindi maganda. Mahigpit ang pagkakahawak ni Joseph sa kanyang kamay na tila ayaw na siya nitong pakawalan pa, kaya't nagpatianod na lamang din siya sa bawat paghakbang nito. Mabilis ang paglalakad nito kaya't halos maiwan siya sa hulihan na para bang nakakaladkad siya. Hindi man niya nakikita ang mukha nito, ramdam niyang may mali rito.

Nang tuluyan nang mawala sa paningin nila si Marco ay saka siya binitiwan ni Joseph. Hindi niya tuloy mapigilang humingal dahil sa pagod sa haba ng binagtas nila. Pagtingin niya sa mukha ni Joseph ay napakaseryoso nitong nakatitig sa kanya, na tila ba may mali siyang nagawa.

"Hindi ba sabi ko, huwag kang kung kani-kanino nakikipag-usap lalo na kung wala ako? Napag-usapan na natin 'yan nina Mama 'di ba? Alam mo namang delikado ang sitwasyon mo di ba? Ni hindi pa nga bumabalik 'yang alaala mo...Paano kung nandyan lang pala 'yong mga gustong manakit sa'yo sa tabi-tabi ha? Paano kung mapahamak ka ha?" Gaano man pilitin ng binata na ibaba nito ang boses, ay nangingibabaw pa rin dito ang nararamdamang tensyon. Iyon yata ang kauna-unahang pagkakataong maririnig niyang mapagtataasan siya ng boses ni Joseph, dahil mayroon siyang nagawang mali. Iyon ang kauna-unahang pagkakataong makita niya itong magalit, at dahil pa iyon sa kanya. Hindi niya tuloy maiwasang mapahiya sa harap nito.

"Patawad, Joseph, hindi ko naman sinasadya eh. Nabunggo niya ako kaya—

Hindi niya nagawang tapusin ang sinasabi dahil ikinagulat niya ang biglaang paghablot ni Joseph sa kanyang palad. Pinisil iyon nang mahigpit ng binata kaya tuloy rumehistro na naman sa kanya ang kakaibang damdaming iyon. Natigilan pa nga siya nang titigan pa siya nito nang diretso mata sa mata. Buti na lang at humupa na ang 'galit' nito. "Basta, huwag mo nang uulitin 'yon. Huwag kang basta-basta na lang magtitiwala sa iba. Ayaw kong nakikita kang may kasamang iba maliban sa amin ni Mama o ni David. Hindi natin alam kung anong puwede nilang gawin sa'yo...Ayaw kong mapahamak ka..."

Inferno's HeiressDonde viven las historias. Descúbrelo ahora