2-Ang Pagtakas

3.6K 114 0
                                    

WALA nang nagawa pa si Damarkus at napapayag na rin siya ni Devila sa plano nitong lisanin ang impyerno at magtungo sa mundong ibabaw. Natatakot siya sa maaaring maging resulta nito kapag nalaman ni Lucifero, ngunit nanaig sa kanya ang pag-aalala sa kaibigang prinsesa. Isang malapit na kaibigan.

Nagdiriwang man si Lucifero sa tuwing pagmamasdan ang ginagawang paghahanda ni Damarkus para sa katuparan, lingid sa kaalaman niyang may lihim na palang binabalak ang kanyang anak at ang pinagkakatiwalaan niyang kalihim. Habang inaayos nito ang Liwas ay pinag-aaralan na rin nito ang kapangyarihang gagamitin para mabuksan ang mahiwagang lagusan. Ang lagusan na iyon ang nakatagong daanan para makapunta sa mundo ng mga tao. Tanging ang may alam lamang sa inkantasyon ang makapagbubukas no'n.

Naging asul na ang tubig sa bukal ni Lucifero hudyat na dumating na ang asul na araw. Ang pinakanatatanging araw na kanyang hinihintay. Dumadagundong ang kanyang halakhak sa impyerno habang nakadaop sa kanyang trono, dahil sa wakas ay makakamit na niya ang lihim na kapangyarihan. Ngunit isang balita ang bumungad sa kanya mula sa isang Lakaw.

"Panginoon, wala po ang prinsesa sa kanyang silid." Pahayag ng balisang kawal. "Hinanap na po namin siya sa bawat panig ng impyerno ngunit hindi namin siya matagpuan." Dahil sa narinig ay nagsiklab ang galit ni Lucifero. Mula sa kanyang kamay ay lumikha siya ng isang malaking bolang apoy at ibinato iyon sa kawal.

Nangisay ito hanggang sa unti-unting naglaho. Natakot ang iba pang mga kawal sa kanilang nasaksihan ngunit sa kanila naman ibinunton ni Lucifero ang kanyang galit at nakatikim ng isang malakas na sigaw.

"Kayo! Hanapin n'yo siya!" Mabilis na nagpulasan sa harapan ni Lucifero ang mga Lakaw. Mabilis silang kumilos sa takot na magaya sila sa sinapit ng isang kawal nilang kasamahan. "Hindi ka maaaring tumakas sa kapalaran mo, Devila. Hindi ang katulad mo ang makakasira sa plano ko. Hindi!"

NASILAYAN ni Devila ang isang napakalaking parisukat na pinto. Sa paligid nito ay ang mga naglalagablab na berdeng apoy na nanggagaling sa likod niyon at tila nagwawala at gustong makalabas patungo sa kanila.

"Ito na ba ang mahiwagang lagusan patungo sa mundo ng mga mortal?" paninigurado ni Devila sa katabi niyang si Damarkus. Napatitig roon ang binatang diyablo at may bakas ng pag-aalala sa kanyang mukha. Isang pagtango ang isinagot niya saka muling nagtanong sa prinsesa.

"Sigurado ka na ba sa iyong gagawin, prinsesa?"

Hinawakan siya ni Devila sa mga palad. "Oo, naniniwala akong ito ang pinakatama kong gawin. Hindi ako nararapat na magmana ng impyerno. Hindi ako ang nararapat sa trono. Hindi ako nararapat dito."

"Pero, prinsesa, dapat mong malaman at tandaan na may kapalit ang gagawin mong ito." Pagbibigay-babala ni Damarkus.

"Handa ako sa anumang kapalit, Damarkus." May tapang sa tinig ng prinsesa ngunit dama ni Damarkus na may bahid pa rin ng takot si Devila kahit hindi nito ipahalata. "Kailangan mo nang bilisan. Baka sa mga oras na ito'y natuklasan na ni ama ang ating binabalak!"

Pumikit si Damarkus at unti-unting nagliyab ang kanyang ulo. Umusal siya ng isang orasyon at itinapat ang palad sa lagusan. Saglit lamang ang kanilang hinintay at bumukas na ito. Tanaw mula roon ang purong berdeng apoy.

"Maraming salamat, Damarkus." Isang mapait na ngiti ang iginawad ni Devila sa kanya saka tumalikod. Utay-utay na itong humakbang hanggang sa maglaho na ito sa kanyang paningin at lamunin ng nagbabagang apoy.

"Mag-iingat ka, mahal ko..."

SA PAGBABALIK ni Damarkus sa Liwas ay ang mga higanteng tinidor ng mga kawal ang bumungad sa kanya. Dinakip siya ng mga ito at iniharap sa nagngingitngit na si Lucifero. Sa harap ng trono ng kanilang panginoon ay inihain siya ng mga ito na parang kakataying baboy. Sinubukang magpumiglas ni Damarkus ngunit may mga sandatang nakaunday sa kanya at tiyak na isang maling kilos niya'y tigpas na ang kanyang leeg.

"Siya po!" narinig niyang bulyaw ng isang kawal. "Siya ang nagpatakas sa prinsesa! Nahuli ko sila na nagtungo sa mahiwagang lagusan!" Matapos niyon ay napahiyaw sa sakit si Damarkus habang tinatapakan siya sa ulo, dinidikdik, at tahasang pinapaso.

"Isa kang taksil, Damarkus. Ang dapat sa'yo'y maglaho na sa kawalan!" Lalong pinatindi ni Lucifero ang pagdildil sa ulo ng kanyang kalihim at tila hindi siya titigil hangga't hindi napipisak ang ulo nito.

"Mag—papal—iwa—nag ako...pang—ino—on..." titigkol-tigkol ang tinig ni Damarkus sa pagmamakaawa kay Lucifero. Buti na lang at huminto ito at pinagbigyan ang kanyang kahilingan. "Nagkakamali po ang parating sa akin ng kawal na 'yan." Pagsisinungaling ni Damarkus. Nagpatuloy siya sa paghabi ng kwento gaya ng napag-usapan nila ni Devila. "Ninakaw po sa akin ng prinsesa ang aklat na naglalaman ng orasyon at ginamit iyon para mabuksan ang lagusan. Sinubukan ko siyang pigilan pero nabigo ako."

Natigilan si Lucifero sa narinig mula sa kanya. Sinikap niyang silipin ang ekspresyon nito at mukha namang napaniwala niya ito sa kanyang kwento. Ngunit maya-maya'y isang napakalakas na sigaw ang pinakawalan ni Lucifero senyales ng poot at pagkabigo. Lalong naghumindig ang kanilang takot nang tuluyan nang magliyab ang buong katawan ng kanilang panginoon.

"Mga inutil! Wala kayong silbi!"

Nagpaulan ng mga nagbabagang apoy si Lucifero sa bawat panig ng impyerno. Wala siyang sinanto; kaluluwa man o kawal, ay pare-parehong naabo sa kawalan. Muntikan na sanang gumuho ang buong impyerno kung di lang sa mga katagang sinambit ni Damarkus.

"May magagawa pa tayo. Ayon sa aklat, dalawang beses dumarating ang asul na araw sa taon ng ikalabinwalo ng itinakdang susi sa katuparan. May natitira pa tayong paraan."

PAKIRAMDAM ni Devila ay naglalakad siya sa isang walang-hanggang lagusan ngunit hindi naman tiyak ang patutunguhan. Wala siyang ibang matanaw kundi ang mga berdeng apoy na binabalutan siya sa kanyang bawat paghakbang. Patuloy nga siyang naglalakad; di naman alam kung hanggang saan. Tila isa siyang bulag sa liwanag na iyon. Sa tuwing dadampi ang apoy na iyon sa kanya ay tinutunaw nito ang kanyang balat. Nagdudulot iyon ng matinding kirot sa buo niyang katawan. Hindi dahil sa sobrang init.

Kundi sa sobrang lamig. Nagyeyelo ang apoy. Tila inuubos nito ang lakas ng prinsesa. Unti-unti nitong ginugupo ang tuhod ng prinsesa hanggang sa mapasalampak na lang siya. "Ito ba talaga ang tamang daanan patungo sa mundo ng mga mortal?" bulong ng isip ni Devila.

Naramdaman niyang may isang napakalakas na pwersang humihila sa kanya pailalim. Napapikit na lang ang kanyang mata dahil sa sama ng pakiramdam na naidudulot niyon sa kanya. Sobrang tagal niyon at tila hindi na matatapos pa. Pakiramdam niya'y nahihimay-himay ang kanyang bawat hibla habang nahuhulog sa kawalang iyon. Sobrang tagal.

Hanggang sa namalayan ni Devila na huminto na pala ang malakas na enerhiyang humihigit sa kanya. Nawala na rin ang nagyeyelo niyang paligid. Gayunman ay hindi niya magawang maibukas ang kanyang mga mata. Natakot siya dahil kahit anong gawin niya'y hindi niya maimulat iyon. Naramdaman niyang may kakaibang init na tumatama sa kanyang balat. Kakaiba dahil iba ang init niyong taglay sa impyerno. Tatayo na sana ang prinsesa upang alamin ang nangyari ngunit—

Tuluyan nang bumigay ang kanyang ulirat.

***

Ano nga kayang nangyari kay Devila?

Huwag n'yo pong kakalimutang magvote! At kung gusto n'yo po, puwede n'yo ring ishare ang kuwento ni Devila!

Maraming Salamat Po!

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now