42-Nasayang na Buhay

610 18 2
                                    

BAWAT birada ng bolang apoy ng higanteng diyablong nilikha ni Damarkus ay naupos ang mga tinamaan nito. Wala itong kontrol sa pag-atake, basta kung sino na lamang ang tamaan ng apoy. Mapa-Lakaw, o mapa-kaluluwa ay naglalaho sa tuwing matatamaan. Sa sandaling panahon lamang ay nakalikha na ito ng malaking kaguluhan sa Kawakas at sa Kawala. Buti nga lamang at hindi masyado naapektuhan ang Liwas at ang trono ni Lucifero dahil nasa itaas na bahagi ito. Lumikha iyon ng mas matinding takot sa mga kaluluwang nagdurusa sa impyerno.

Nagpuyos sa galit si Dayab lalo na't marami sa kanyang mga Lakaw ang napaslang. "Magbabayad ka, Damarkus! Isa kang taksil! At talagang ang sarili ko pang engkantasyon ang ginamit mo laban sa akin!"

Lumikha ng malaking apoy si Dayab at ibinato iyon sa higante. Tinamaan ito sa dibdib. Nasaktan ito ngunit hindi pa rin natinag at nagpatuloy pa rin sa pagwasak. Muntik pa nga siyang matamaan ng isa sa mga tira nito kung hindi nga lamang siya nakaiwas. Sa halip, isang Lakaw ang minalas na natusta at naglaho.

Sa gitna ng pakikipagtuos ni Dayab ay tulirong lumapit ang isang Lakaw. "Heneral! Nagtungo ang Kalihim sa silid ng Panginoon!"

"Buwisit!" dahil sa narinig ay lalong nagpuyos si Dayab. Naisip niyang kung lilikha lamang siya ng sariling bersyon ng higanteng diyablo, tiyak na lilikha lamang iyon ng mas matinding pagkawasak sa impyerno at tiyak na siya ang mananagot niyon kay Lucifero.

Sa halip, itinaas niya ang kanyang higanteng tinidor at umusal ng isang engkantasyon. Maya-maya'y nagliliyab na ito sa sobrang lakas na enerhiya. Itinutok ni Dayab ang sandata sa higante, nagtatakbo at saka lumundag para maabot ito.

"Aaahhh!"Sapol sa dibdib ang higanteng diyablo. Umalingawngaw ang pagdaing nito hanggang sa tuluyan nang naglaho.

Matapos ang matinding sagupaan ay mabilis na nagtungo si Dayab sa silid ni Lucifero. Ngunit pagdating niya roon ay wala na si Damarkus, at ang tanging naabutan niya ay ang pagtilamsik ng tubig mula sa bukal at ang paglalaho ng tinamaan niyon.

"Heneral! Nakatakas si Damarkus! Tumalon siya sa Bukal!" wika ng isang Lakaw na nakasaksi sa pangyayari. Dumungaw si Dayab sa bukal at nasilayan niya pa ang pagbubula-bula ng tubig. Walang Damarkus na umahon mula roon. Natawa siya nang pagak.

"Hindi siya nakatakas! Wala na siya! Dahil walang sinumang nakaliligtas sa Bukal. Gusto mong mapatunayan? Tumalon ka!" panghahamon pa ni Dayab sa Lakaw. Dahil sa takot ay napaatras ang Lakaw palayo sa bukal.

"Paano po natin ito ipaparating sa Panginoon?" Napaismid si Dayab sa panghihimasok ng isang Lakaw.

"Alam ko ang gagawin ko, lapastangan! Kaya huwag mo akong pangungunahan!" Gumawa ng bolang apoy si Dayab. Sa takot ng Lakaw ay yumuko na lamang ito bilang paghingi ng tawad. Nilusaw na lang 'yon ni Dayab dahil ayaw rin naman niyang mabawasan pa ang kanyang Lakaw. "Sige, iwan n'yo na ako. Ligpitin ang mga kalat!" Nagbigay-pugay ang mga Lakaw saka tumalima.

Tumitig muli si Dayab sa tubig ng Bukal upang masiguradong wala na talaga si Damarkus. Naghintay pa siya ng ilang saglit at wala na talagang kumikilos sa tubig.

Nagsimula nang magdiwang si Dayab. "Kaawa-awang kapatid. Hindi ko akalaing dito na lang din magwawakas ang iyong buhay. Ngunit nararapat lamang iyan sa mga taksil na katulad mo. Ngayon, wala na akong kaagaw pa sa kapangyarihan. At wala na rin akong kaagaw kay Devila. Hihintayin ko na lamang ang Asul na Araw at mag-iisang dibdib na kami." Umukit ang isang nakapapanudyong ngiti ni Dayab. "Akin na siya."

Inferno's HeiressWhere stories live. Discover now